Ang Namulaklak

Isang maliit na supot ng mga buto ng… Hindi alam ni Ami kung ano. Hindi din alam ni Ami ang kanyang gagawin dito. Ito naman ay kanyang nachempohan lamang noong ibinigay sa kanya ng nagbebenta. Wala na raw ibang bibili.

“Sayang naman po kung tinapon. Pero mas sayang lang po kung mapunta sa akin. Hindi po ako marunong mag-alaga,” napailing si Ami, at tinanong pa, “Sigurado po ba kayo?”

“Wala naman akong gagawin diyan. Mas lalayo lang ang mga bibili kung ang mga butong iyan ay nasa aking tindahan. Ay, mabuti pang iuwi mo na lang ‘yan. Hindi ako sisingil ng bayad sa’yo,” nakangiti ang tindera, “Salamat talaga ha!”

“P-Po? Ah–” hindi na natuloy ni Ami ang kanyang pahayag at naipasok na ng matanda ang maliit na sako ng buto sa bulsa ni Ami at marahang itinulak papalayo. Ang babae naman ay walang nagawa kundi tumango at maglakad ng papaalis.

“Uy!” ang nasambit ng isang lalaki sa kanyang grupo. Tinitigan niya si Ami, at sinundan ng ibang lalaki ang kanyang tingin- tila gustong kunin ang laman ng kanyang bulsa!

Hala, ganoon pala ako ka-popular at pati ang mga lalaki ay napapansin ako. Pero kung papansinin nila ako, ay ‘wag naman sanang ganito! Naisip ito ni Ami habang tumakbo ng mabilis patungo sa kanyang bahay.

Patungo sa kanyang bahay, kung hindi siya hinabol ng mga tambay na iyon. Tumakbo si Ami hanggang sa napagod at bumagal. Naabutan siya ng mga lalaki at hinablot ang maliit na supot.

“Ha? Ano ‘to?” sambit ng isa.

“Ay, mga buto lang pala…” Bumugtong-hininga ang isa pa, at hinagis papabalik kay Ami ang supot. Ngunit napunit ang tela at gumulong papaalis ang maliliit na mga buto. May natira na lamang na isa, at madaliang pinulot ito ni Ami.

Ano bang ginawa sa kanila ng mga buto? Kung ako nga lang, pinulot ko na lahat nun at inuwi sa amin. Edi buti na nga lang na hindi ako ang nakapulot ng mga buto ko- Teka, ano? Napakamot na ng ulo ang tuluyang nalitong si Ami.

Nakarating na siya sa bahay nila. Kompara sa maliit na buto, mas magaspang pa ang sahig ng kanilang bahay. Pero sa palagay na ni Ami, okay naman ito. Maliit ang bahay, pero kasya naman sila.  Sinalubong siya ng kanyang nakakatandang kapatid. “Ano yan? Ang liit.”

“Buto,” sagot ni Ami. “Malamang.”

Kumunot ang noo ni Tara. “Buto ng ano?”

“Hindi sinabi ng tindera. Sana buto ng kamatis.”

“Hindi yata yan buto ng kamatis. Sa kulay pa lang ng buto malalaman mo na agad,” minasahe ni Tara ang mga gilid ng kanyang noo. “Teka, eh sayang naman. Pinangbili na sana natin yan ng kamatis,” ang rason niya.

“Nag-isip naman ako. Binigay ng tindera sa akin ng libre. Sabi daw niya wala na daw lalapit sa tindahan niya kung nakita ng mga bibili ang supot.”

“Supot?” tanong ng kapatid. Sumandal siya sa pader at napaisip. “Ah. Ang ibig mong sabihin ay nahulog mo ang mga buto?”

“Ah… eh…” biglang nakita ni Ami ang ganda ng kanilang sahig.

“Ano?”ang demanda ng kapatid.

“Sa labas ko na lang ba itatanim? Baka kasi puno, hindi pala natin alam,” ang pahayag ni Ami para maiba ang kanilang pinag-usapan.

“Malalaman naman natin kung puno, ‘di ba? Kung tumubo ng masyadong malaki, ‘di ba pwede na lang natin ilipat sa labas?”

“Ay, oo nga… Pero sa labas ko pa rin itatanim.”

Lumipas ang ilang araw. Naisip ni Ami na hindi pala aabot ang sinag ng araw sa lupa na pinagtaniman. Baka matuyo masyado, o mas matindi, baka masunog. Pinuno kaagad ni Ami ng tubig ang isang baso at ibinuhos sa kanyang itinanim.

“Sa tingin mo kaya ay tutubo?” tinanong ni Ami minsan habang naghuhugas siya ng pinggan kasama ng kanyang kapatid.

Sana naman tumubo… ang kanyang dasal.

“Siguro. Pero ‘wag ka na masyadong umasa, ha? Sa kalagayan naman natin, hindi natin dapat asahan ito. ‘Wag mo rin sisihin ang sarili mo; ‘di mo yan kasalanan.”

Sa sagot ni Tara ay nadismaya ang nakababata.

Ilang buwan din ang paghintay ni Ami sa pagtubo ng halaman, o prutas, o bulaklak, o puno, o kung ano man ito. Wala siyang magawa kundi titigan ito.

Isang maliit na tangkay ang tumubo ilang araw ang lumipas. Pulang buko ang namunga. Hindi alam ni Ami kung ano ang gagawin. Madalian naman siyang nagsumbong sa kanyang ate. “Ah… kung tumubo na yung buko, ano nang gagawin ko?”

“May itutubo pa yan. Maghintay ka pa ng kaunti.”

Nang may tumubo na.. “Isang… isang rosas?” hiyaw ni Ami.

“Ha?” nagulat si Tara. “Paano naging rosas? Pakita nga.”

“Ito o,” itinuro ni Ami ang bulaklak.

Ang tumubo ay isang munting rosas, kumukupas na ang mga rosas na talulot ngunit halos kumikinang kompara sa tuyong lupa at malulutong na dahon. Nagulat si Ami; isang rosas na tumayong pag-asa ang umusbong, kaysa sa kanyang inasahang pulang rosas.

Nanlaki ang mga mata ni Ami.

Kung ito ngang maselan na bulaklak ay nagsumikap sa gitna ng kahirapan, naisip niya sa kanyang sarili, malamang ay kami rin.

Nakatayo lang pala si Ami doon nang hindi kumikilos habang siya ay nagiisip. Napuno ng pag-asa ang kanyang puso. Nalilito ang tingin ni Tara sa kanya. Ngunit ngumiti na lamang si Ami at niyakap ito. Mas lalong nalito ang kapatid.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s