The sweet taste of governance

May pagkapareha ang sakit ko at ang mga tao sa kinalakhan kong lugar. May diabetes ako, kaya lagi akong uhaw. Ang mga tao naman sa siyudad namin, uhaw sa maayos na pamamahala.

Sa loob ng maraming taon, nakulong lang ang lugar namin sa mga namamahalang mga trapo, o kung ‘di naman e talagang out-of-touch sa pangangailangan ng mayorya. Alam ko, pagod na rin ang mga tao sa mga ganitong ito. Ang problema, alam na alam ng mga damuho kung papaano pindutin ang kahinaan ng taumbayan. Magpapainom sa bawat kalye, mga pangakong sobrang hindi kapani-paniwala na kapag pinaulit-ulit ay nagmumukhang totoo sa pandinig, pati na rin ‘yung paglalagay sa mga bulsa ng kahit kaunting ‘compensation’ kapalit ng boto nila.

Nung huling eleksyon noong 2019, may humamon sa trapong dinastiyang mag-asawa na mahilig lang mag-swap ng posisyon kada tatlong taon para sulit na sulit ang pag-upo nila. Tawagin natin siya sa alyas na Paolo. Si Paolo, isang normal lang na miyembro ng mamamayan. Nangarap na maglingkod sa bayan, sariling sikap sa lahat— homegrown ang pangangampanya. Si Paolo, may pakialam sa mga manggagawa. Si Paolo ang prayoridad ang mga mahihirap. Walang bahid ng korapsyon. Lahat mula talaga sa walang pagod na prinsipyo na magbigay ng preskong panimula sa mga tao sa lugar namin. Noong 2016, obyus na hindi siya nanalo dahil hindi pa siya gaanong kilala, pero nung tumakbo ulit siya tatlong taon ang nakakalipas, talagang uhaw na ang tao sa maayos na pamamalakad. Sukang-suka na sila sa pamamahala ng mag-asawang trapo. Gusto na nila ng pagbabago.

Nangampanya, siniraan si Paolo, kung anu-anong pambabato ng putik ang nangyari— senyales na maingay na at mabango ang pangalan niya. Hindi natuwa ang mag-asawa. Lahat ng pakulo at gimik, ginawa nila. Talaga namang hindi nila bibitawan basta-basta ang posisyon na nasa kanila. Pero hindi rin susuko si Paolo nang ganoon lang.

Dumating ang araw ng eleksyon, papalapit nang mapawi ang uhaw ng mamamayan. Hitik na at handa nang maglingkod si Paolo. Namumuro at nangunguna sa bilangan. Pero bago pa man mapawi ang uhaw, ay hindi na hinayaang makainom ulit ng isa pang baso ang taumbayan. Ang resulta? Nanalo ang mag-asawa. Ulit. Kahit na nababakas naman na wala nang may gusto sa kanila. At lamang lang sila ng kuwarenta mil sila kay Paolo. Ang sabi-sabi, may nangyari raw na luto.

Dahil matapat na tao si Paolo. Tinanggap niya ang pagkatalo. Kahit talunan siya, klaro na wagi siya sa puso ng mga tao, at sa susunod na eleksyon, siguradong siya na ang mananalo. Sa wakas, mapapawi na ang uhaw ng tao, sa hinaharap. Sana, sana lang.

Isang taon makalipas ng eleksyon. Sa gitna ng pandemya. Si Paolo ay nanumbalik sa dati niyang buhay. Walang nakasunod na bodyguard o bulletproof na kotse. Naka-motor lang siya na mamimili mag-isa sa grocery. Ang sabi nga, kapag karaniwan kang tao, madali kang paglaruan ng mga nasa posisyon. Madali kang putanginahin. Kupalin.

Bandang alas-nuebe ng umaga, natagpuan na lang na nakahandusay si Paolo sa daan, nakadagan ang motorsiklo siya sa kaniyang katawan, duguan, at may tama ng bala sa bumbunan. Wala nang papawi sa uhaw ng maayos na pamamalakad ang nasa siyudad namin. Masyado pang mainit ang lahat hanggang ngayon. Ang sabi-sabi, pinatumba raw ng mag-asawa, pero dahil batikan na abugado’t abugada, malamang napaikot na at may bawat palusot na sagot sa bawat tanong.

Masyado nang naghihingalo ang siyudad namin, kailangan ng pagbabago. Hangga’t nakaupo pa ang mga trapong naka-Lamborghini Murcielago, talagang walang mangyayari sa mga residente sa bayan nito. Pero kami’y umaasa, na sana may isang taong titindig at makikipaglaban para sa interes ng bayan, at hindi para sa iilan-ilan lamang.

Tungkol sa Kontributor: Kayang magsulat ni Dan Manjares ng kahit anong kuwento na parang nagsasalita lang siya. Sa edad na 23 taong gulang, isa rin siyang music producer at tatay ng anim na pusa. Galit sa mga corporate na galawan, walang takot sa mga nakakataas kung nasa katwiran.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s