Karunungan ng isang guro: “Lang irak ta”

Isa akong guro dito sa Camarines Sur, at bagaman may persepsyon na ang kaguruan ay ang siyang balon ng karunungan—kami ring mga guro ay nakakukuha ng dunong sa aming paligid. At ang isa na rin sa aking karanasan ay ang minsang pag-uusap namin ng aking tiyuhin—at ang kaniyang paninindigan sa pagtingin sa mga politiko.

Minsan, habang abala ako sa panunuod ng bidyo ng isang kumakandidatong presidente, bilang dumating ang tito ko. Saktong dating niya ay agad na narinig ang pangalan ng kandidato sa aking cellphone. Bongbong Marcos. BBM.

Dali-dali kong pinatay ang aking cellphone, pero bago pa man ako makapagsalita—nagulat ako. Bigla niya akong pinayuhan: “Uda na kiton migboto ki Bongbong.” Kapag isinalin sa Filipino, ang kahulugan nito ay “Wala nang boboto d’yan kay Bongbong.”

Natahimik ako nang bahagya. Samantala si tiyo, nagpatuloy lang sa pagsasalita—dala ang intensyon na ako ay pangaralan.

Nabanggit niya sa akin ang mga bagay na dapat ko pang paglimian. Sino ba ang unang dumarating tuwing may bagyo? Sino ba ang mas may pakialam sa buhay at sa komunidad? Sino ba ang mga lumilikha ng ahensya para matulungan sila.

“Ayaw ko nang maullit ang pamumuno ng administrasyon ngayon,” ang pag-amin niya sa akin. Punto niya—kung ngayon pa lamang, sobrang mahirap na sila, paano pa kaya kung ipagpapatuloy ni Marcos at ng katambal nitong si Inday Sara Duterte ang ganitong uri ng pamamahala?

Ano nga ba ang aasahan nila sa partido na ang inaasikaso ay ang Build, Build, Build kaysa sa buhay at sikmura?

Pinaglimian ko ang itutugon sa aking tiyo. Hindi ko alam kung ano ang pumasok sa utak ko at sumagot ako nang ganito: “Pero dakul palanggad migboto sa kanya.Pero, marami pa ring boboto sa kaniya.

Huminto muli siya, at mas lumapit sa akin. At ang kaniyang pangaral sa akin—lang irak ta. Kawawa tayo.

Sa aming maigsing interaksyon ay mayroong karunungan na nakintal—kung paano pinipili ng tao ang iboboto nila. Danas ang isang dahilan. Ang aking tito, isang magbubukid, nararanasan niya ang biglaang pagtaas ng presyo ng mga bilihin, ang kaunting kibot sa piso, at isa sa pinakanaaapektuhan tuwing bagyo. Danas ang nagtutulak sa kanya upang isuka ang tambalang Marcos-Duterte.

Danas din siguro ang nagtutulak sa iba kung bakit pinipili nila ang pula at berde; karamihan sa mga kakilala kong sumusuporta sa kanila, kung hindi man tambay, sila ang mga taong nakikitang higit na depinisyon ng pag-unlad ang imprastruktura, higit pa sa halaga ng buhay.

Ang katiwasayan sa buhay ng mga may kaya, tulad nang pagtatanggol sa nakaw na yaman, at hindi kung bakit hindi matugunan ang batayang pangangailangan ng masa. Kung paanong mas makikita mo sa mga news feeds nila ang pagbandera sa naglalakihang mga gusali at malinis na Manila Bay na tanging may pribilehiyo lang na makapamasyal ang maaaring tumungo at hindi ang milyon-milyong alipin ng salapi na nakikibaka upang mabuhay.

Maraming kapwa kong guro ang nabubusalan sa pagsasalita; lalo na’t inaakala nila na hindi maaaring makilahok ng sangkaguruan sa eleksyon. Kung mula noon pa man ay ang paaralan ang nagiging precinct center ng mga botante’t  kaming mga guro ang napipili na committee—ano pa ba ang makilahok din kami sa pagbabahagi ng aming opinyon?

Ikaw, ano ang iyong pagpapakahulugan sa pag-unlad? Buhay o imprastuktura? At paano nito naaapektuhan ang pinipili mo para sa halalan?

Ano ang dunong sa iyo ng ating panahon?

Tungkol sa Kontributor: Si Andro Blancada ay isang guro sa Camarines Sur. Ibinahagi niya ang ilang interaksyon niya mula sa kaniyang tiyuhin at ang persepsyon nito sa mabuting pamamahala.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s