Tiktok videos ng redtagging kay VP Leni, Makabayan bloc, walang katibayan

Noong nakaraang buwan, samu’t-saring mga misinpormasyon patungkol kay Bise Presidente Leni Robredo ang lumabas sa social media, at isa na dito ang pagdawit sa kanya bilang parte umano ng Communist Party of the Philippines – New People’s Army (CPP-NPA).

Ang lahat ng akusasyong ito ay walang matibay na ebidensya at mariing kinundena at itinanggi mismo ng CPP-NPA-NDF sa kanilang bagong press releases.

Cavite Grand Rally

Noong nakaraang ika-11 ng Marso, pinost ng isang Facebook user na si 安东喜悦 ang isang video galing sa Tiktok. Ito ay may orihinal na caption na “Mao diay daghan sila. Cguro every rally ani Nila, uban sad ni Sila tanan pra char!!!” (“Kaya pala marami sila. Siguro every rally nila, kasama sila lahat para char!!!”)

Sa naturang video, tinalakay ng SMNI ang akusasyon ni Cavite Governor Jonvic Remulla at ang Twitter post kamakailan ni Sen. Ping Lacson patungkol sa Grand Rally sa General Trias, Cavite nina Vice President Leni Robredo, Sen. Kiko Pangilinan, at ang kanilang mga dinadalang kumakandidato bilang Senador noong ika-4 ng Marso.

Ayon kina Lacson, may mga nakapasok daw na miyembro ng New People’s Army sa Cavite Grand Rally. Siinuportahan naman ito ng SMNI News sa pagpapaunlak ng panayam sa mga dati umanong NPA members na sinasabing may ugnayan ang mga grupo sa ilalim ng Makabayan bloc sa mga NPA.

Matagal nang pinabulaanan ni former Philippine National Police Chief Guillermo Eleazar ang akusasyon nina Lacson at Remulla dahil wala daw itong matibay na ebidensya upang ipagkalat at mang-redtag. Kinondena rin ng Robredo People’s Council-Cavite ang akusasyon sa kanilang Grand Rally na nagkaroon ng halos 47,000 katao, dahil ang mga akusasyon daw nina Remulla at Lacson ay malisyoso, iresponsable, at walang katibayan.

Sinabi naman ni Robredo na insulto para sa mga Kabitenyo ang maredtag mismo ng mga kababayan nilang sina Remulla at Lacson.

Robredo, NTF-ELCAC, at mga “ex-NPA”

Bukod pa rito, naglabas din ang SMNI News ng panibagong balita na naging viral sa Tiktok kamakailan na ipinakalat ni Michael Rismal.

Makikita sa video na habang binabalita ang press conference ng National Task Force to End Local Communists Armed Conflict, mayroong litrato sa gilid si Bise Presidente Leni Robredo na may subheadline na “Nakipag Alyansa sa CPP-NPA-NDF.”

Sa detalye ng balita, ibinulgar ulit ng mga dati umanong miyembro ng CPP-NPA ang pagiging konektado ng mga grupong nasa ilalim ng Makabayan bloc, na ngayo’y tinatawag na nilang KABAG Group, sa kanilang press conference sa National Press Club, Intramuros kamakailan.

Nasa ilalim ng tinatawag nilang KABAG Group ang Kabataan, Anakpawis, Bayan Muna, ACT-Teachers, at Gabriela Partylists. Habang idinedetalye ang mag nangyari sa press conference ng NTF-ELCAC, ipinapakita nila ang ibang videos ni Leni Robredo na wala namang direktang ebidensya sa kanilang mga akusasyon na kasapi nga ang Bise Presidente, kasama ang Makabayan bloc, sa CPP-NPA-NDF.

Dahil dito, naglabas ang Communist Party of the Philippines at National Democratic Front – Southern Tagalog ng mga pahayag na kung saan kinokondena nila ang NTF-ELCAC at ng kanilang Spokesperson na si Lorraine Badoy, at ang paggamit nila ng SMNI News para ipalabas ang kanilang maling impormasyon at pangre-redtag laban kina Bise Presidente Leni Robredo at Makabayan bloc, pati na rin kina Baguio City Mayor Benjamin Magalong, sa National Union of People’s Lawyers, at Sen. Leila de Lima.

Tinawag ng NDF-ST na desperado na sina Badoy at ang NTF-ELCAC sa patuloy na pagpapakalat ng mga nasabing akusasyon, habang ihinayag naman ng Chief Information Officer ng CPP na si Marco Valbuena na kinukumbinse lang umano nina Badoy lalo na gumamit ng armas ang mga Pilipino dahil sa kanilang patuloy na pagtanggal sa mga pangdemokratikong karapatan ng tao, gaya ng malayang pagpapahayag, dahil sa redtagging.

Matatandaan na noong nakaraan, naitampok na rin namin ang SMNI News sa #FactsFirstPH matapos na magbigay sila ng misimpormasyon patungkol sa Jabidah Massacre.  Sa kasalukuyan, wala pa ring matitibay na reportage o dokumentaryong ipinapalabas ang SMNI News patungkol sa kanilang mga balitang binibigay sa masa.

Samantala, naghain nang reklamo ang Makabayan bloc laban sa NTF-ELCAC, kay Lorraine Badoy, at sa 8 iba pa ng election-related charges noong ika-25 ng Marso sa Commission on Elections (COMELEC) dahil sa patuloy nilang pagsasabi ng walang katotohanang koneksyon ng Makabayan at ni Leni Robredo sa CPP-NPA.


Bahagi ang Vox Populi PH ng #FactsFirstPH, isang inisyatibo na naglalayong labanan ang misimpormasyon sa pamamagitan ng pag-igting ng katotohanan at paglaban sa kasinungalingan.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s