Kompetisyon at Indibiduwalismo sa Disyertong-Lungsod ng Social Media

Bakit madaling maligaw sa panahon ng social media?  

Ang maikling sagot ay negosyo ang Twitter, Facebook, Instagram at TikTok, at parating gagawing madali ng mga kumpanya ng telcom na maabot ito ng kahit sino. Naging monolitiko na ang kapangyarihan ng mga social network na ito sa ating postmodernong panahon, at sa halip na tao ang gumagamit sa mga apps, ang mga tao na ang target at ibinabala sa iba’t ibang sistema ng konsumpsiyon ng impormasyong digital.

Naaalala ko nga noong 2018, noong mga panahong sadsad na sadsad ang ekonomiya, at may mga araw na masuwerte na kung may 100 piso ako sa wallet.

Lagi akong namomroblema na wala na kaming gagamitin na mobile data para sa pagtanggap at paghihintay sa bagong patrabaho. Nasa gitna ako ng disyerto noon sa pagtatrabaho, at walang mga project na pumapasok. Minsan inaabot ng dalawa o tatlong linggo ang agwat ng mga proyekto. Baluktot kung baluktot kami sa kumot na kasinlaki na lamang ng panyo.

Kapag wala kang kitang maayos, lahat ng bilihin mabigat sa katawan – lalo na ang mobile data na pumapatak minsan ng 100 piso kada araw. Hindi kasya ang 50 pesos na load. 100 dapat kung gusto mong may kaunting matira para sa YouTube at kaunting pagbabasa sa labas ng social media.

Kung ang kita mo lang sa isang lingo ay hindi pa aabot ng 3000, masakit sa bulsa ang 100 piso kada araw na gastos sa load. Wala rin namang magagawa at nakadikit parati sa internet ang trabaho. At kapag nag-expire pa ang load, dagdag sakit ng ulo dahil iniipon mo pilit ang mga libreng megabytes na manaka-nakang inaalok ng mga telcom bilang panunuyo sa mga konsumer.

Parati akong tumitingin ng mga “promo” para lalong mas makatipid.

Dumating na nga sa puntong lagi nang may “libreng” mobile data para sa Facebook, at may ilan pang pakulo tulad ng libreng Netflix, games, at kung anu-ano pa. At dahil nga nagtitipid, lagi na lang akong nakatugaygay sa social media, lalo na sa Facebook. Sa Facebook na na rin nagsisiksikan ang mga memes, balita, at mga update sa newsfeed. Habit-forming ang social media, at dahil naka-sync ang lahat ng content, nagkakaroon ng ilusyon ng komunidad at pagsasama-sama.

Dahil sa limitasyon ng akses sa labas ng mga palibreng social network, naging parang ‘lifeline’ ang social media noong mga panahong ‘yon. Dahil walang telebisyon at limitado nga ang internet, saan ka pa ba maglalagi para hindi mainip habang naghihintay ng trabaho? E ‘di sa Facebook na rin.

Kapag talagang wala nang pera pambili ng karampot na dalawang gigabyte kada siklo ng promo, mauuwi ka pa sa Free Facebook, na walang mga picture o video. Kapag mahina ang sagap ng signal, ito lang ang mayroon ka bilang prepaid user. Babagsak at babagsak ang akses sa kung ano ang paambon ng mga kumpanya tulad ng Smart at Globe. Syempre, wala naman talagang libre. Ang makinarya ng social media ay nangangailangan ng walang-humpay na reaksiyon mula sa mga users. Walang social media kung wala ang mga gumagamit. Kaya kahit wala ka nang load, pilit pa rin nilang hinihikayat ang mga gumagamit ng Facebook na pumasok araw-araw sa walang humpay na birtuwalidad nito.

Isang bahagi lamang ito ng poilitikal na ekonomiya ng impormasyong digital sa Pilipinas. Ang ating nakasanayang birtuwalidad ay nakatali sa kapital at patubo ng mga kumpanyang may kontrol sa telekomunikasyon.

Sumasayaw tayo sa daloy ng impormasyong nanggagaling sa social media. Ang social media ay maihahalintulad sa isang marumi at masikip na siyudad na ang tanging aktibidad lamang ay pagkonsumo ng mga tanda at simbolong hindi tayo ang may gawa, at hindi tayo ang nagmamay-ari.

Ihinaharap ng mga puwersa ng kapital ang social media bilang isang uri ng ‘humanismo’ kung saan ang mga tao’y binibigyan ng bagong mga paraan at wika upang ‘marating’ ang ‘perfeksiyon’ at ‘satisfaksiyon’ sa birtuwalidad. Ito ang suri ng Pranses na teoristang si Jean Baudrillard sa kaniyang sanaysay na The System of Objects[1], kung saan naglatag siya ng mga primaryang tanda ukol sa advertising at ang mga bagong sistema ng pagsisimbolo na humuhugis sa lipunan ng pagkonsumo.

Noong mga panahong binubuo ni Baudrillard ang The System of Objects ay wala pa ang social media. Nasa panahon siya ng mass media kung saan mas sentralisado ang pinagmumulan ng mensahe na siyang dumadaloy naman sa masang nagkokonsumo. Ang malaking pagkakaiba ngayon ay desentralisado o hybrid na ang daloy, at ang ‘kompetisyon’ sa pagitan ng mga tao ay mas lahad na, at kitang-kita sa iba’t ibang paraan ng ekspresiyon at pagkonsumo mga mga simbolo at signifikasiyon sa loob ng sistema.

Ang wika ng social media ay wika ng ilusyon ng indibiduwalismo, kung saan ang tao’y binibigyan ng kakayahang magdagdag sa labangan ng kaniyang sariling content, at ang content naman na ito’y magiging gasolina upang paikutin ang kapital at kumalos ng tubo mula sa pag-aanunsiyo. Ang lahat ng ating mga produkto bilang users ng social media, ay nagiging pataba para lalong yumabong ang sirkulo ng impormasyong siya namang ibinebenta sa iba’t ibang aktor – tulad na lamang ng mga malalaking negosyante, ang estado/gobyerno at mga politikong nais pasukin ang pribadong mga espasyo ng mga users.

Walang tunay na pribado sa social media. Ang lahat ng pribado ay kinakasangkapan sa social media, mula sa iyong gender identity, sexual preferences, at maging kung ano ang iyong madalas mapusuan sa online shopping. Nagsasanib-sanib ang mga monolitikong puwersa sa cyberspace upang pagkakitaan ang iyong mga himutok at maging ang iyong pagkakakilanlan, at lahat ng pagbabago sa iyong digital na pagkakakilanlan, kahit na lantaran ka nang nagsisinungaling o nanlilinlang ng kapwa.

Hindi rin pinagiiba ng social media ang katotohanan, pagsisinungaling, panlilinlang at paninira sa loob ng sistema. Ang lahat ng mga bagay na ito ay pagkain para sa makinarya. Bawat teksto, imahe, bidyo at meme ay dugong bumubuhay sa sistema ng patubo na hindi tumitigil o nagpapahinga, kahit hindi mo na ginagamit ang iyong account.

Nagagawa itong lahat sa social media sapagkat ang pangunahing linya ng pagkonsumo sa loob ng social media ay ‘sumptuary consumption’ o pagkonsumo bilang paraan ng paglilibang. Malawak at malalim ang pinagmumulan ng pangangailangan ng tao sa paglilibang, tulad na lamang ng nabanggit ko sa unang mga bahagi ng pagsusuring ito. Kaakibat sumptuary consumption ang pagkasira ng ilang suson ng pagbibigay ng halaga sa isang bagay, hanggang sa mangyari na ang abstraksiyon mula use value, exchange value, sign value at symbolic exchange. Ilang pagsasalin, pagsira at pagbuo rin ang pinagdadaanan ng mga mga teksto, bidyo at imahe sa social media bago nito marating ang antas ng sumptuary consumption, o purong paglilibang sa ngalan ng paglilibang.

Sa loob ng birtuwalidad kung saan lahat ay naglilibang, ang ilusyon ng indibiduwalismo ay pilit pinasisidhi bilang function ng kompetisyon. Madaling mabuo ang hidwaan sa pagitan ng mga gumagamit ng social media sapagkat ang pananaig sa kapwa-user ay pagtatagumpay sa laro ng indibiduwalidad.

Samakatuwid, lahat ng tao’y nakapaloob sa paninilo ng ‘humanismong birtuwal’ kung saan ang tao mismo’y mawawalan ng halaga at pagkakakilanlan sa birtuwal na palengke kung saan pinapahalagahan ang walang-humpay na reproduksiyon ng sarili. Ang bawat simboling kinukuha at isinasama sa sariling padaluyan ng impormasyon ay idinaragdag sa birtuwal na pagkakakilanlan, na siya namang bumabangga sa pagkakakilanlan ng ibang users.

Sa gitna ng disyertong lungsod na ito kung saan ang pagpapahalaga at halaga ay variable, walang nabubuong iisang porma ng katotohanan. Masasabi rin nating isang walang-katapusang proseso ang paghihimay ng kasinungalingan at hindi kasinungalingan, sapagkat ang wika ng social media ay hindi wika ng katotohanan, ngunit purong wika ng pagkonsumo, kompetisyon at paglilibang. At dahil ang giya ay paglilibang, ang bawat piraso ng impormasyon na pumasok sa karagatan ng impormasyong digital ay nagiging ispektakel lamang – mga ispektakel na maaaring ikonsumo, at bitawan matapos ang pagapapalit ng halaga at signifikasyon.


[1] Baudrillard, J. and Poster, M., 2001. Jean Baudrillard: Selected Writings. 2nd ed. Cambridge: Polity Press. 12

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s