Vote-buying mula sa partido ni VP Leni, walang katibayan

Samu’t-saring Facebook posts at replika ng mga naturang paskil ng diumano’y vote buying mula sa partido ni Vice President at presidential candidate Leni Robredo ang kumakalat sa social media. Ito ay hindi totoo.

Ayon sa ngayo’y deleted Facebook post ni Ronnie Lamboso Morgan, isa sa mga kaibigan ng kaniyang kapatid ang nakatanggap ng karampatang bayad noong dumalo ito sa ginanap na PasigLaban campaign rally noong Mar. 21. Ang nasabing larawan ay nagpapakita ng isang selyadong ₱1,000 at kulay-pink na facemask, at ipinamamahagi raw sa sinomang dumalo ng nasabing campaign rally.

Umani ng ispekulasyon sa Facebook at iba pang bahagi ng social media ang paskil. Maraming nakapansin na hindi tumutugma ang timestamp ng Facebook post sa araw na ginanap ang campaign rally sa Pasig.

Makikita rin na ang nasabing interaksyon ay naganap noong Mar. 11, sampung araw bago pa man maganap ang naturang rally. Gayundin, ang logo na kasama sa larawan ay hindi mula sa opisyal na campaign banners ng partido ni Leni Robredo.

Pagkalat ng propaganda

Maituturing na isang propaganda ang naturang akusasyon ng vote-buying sa hanay ng partido Robredo. Organisado ang pagbabahagi ng maling impormasyon, fake news, at edited statements na naglalayong ipamalita ang diumano’y maling diskarte ng naturang presidential candidate.

Isang Facebook user sa pangalang Andoy’s Art ang nagpaskil ng opinyon ng mga akusasyon niya sa partido at supporters ni Leni Robredo. Aniya, ‘yayamanin’ ang naturang presidential candidate dahil nagawa nitong magbayad ng talent fee kay international popstar Ariana Grande habang nag-aabot pa ng bayad na nagkakahalagang ₱1,000 o ₱500 sa mga botante.

Ayon sa orihinal na post:

galing ng drone shots ah masabi lang madaming tao kahit mga kulay pink designs lang para magmukang madami dahil sa taas kinuhaan. Wow yayamanin si mama len len magkano bayad kay Ariana Grande bakit parang kulay sibuyas tignan katakot na yarn? lahat ba sila botante o boboto dahil binayaran ng tig 500 o 1k dahil sa pag attend daming bugdet ni mama ah basta ang mga kalat ah matuto sana maglinis😁

huwag po balat sibuyas mga fans ng Pinklawan @ Kakampink mag enjoy lang kayo hanggang sa gusto nio basta wag lang Mandadaya at Mag blackout sa May 😁

Umani ng maraming tugon sa nasabing paskil. Ayon sa isang commentor, maari namang pumili ng kandidato na “walang ginagawang bagay na pagsisimulaan ng away.” May isang commentor din na nagpakilalang volunteer sa Nueva Ecija campaign ng partido ni Robredo na wala silang natatanggap na kahit anomang pera sa kanilang pagtulong at “abunado” pa sila.

‘Kakampinks’ at ilang netizens, nanawagan laban sa fake news

Higit na nadismaya’t nagalit ang Kakampinks at ilang netizens sa nagaganap na pambabato ng mga misimpormasyon sa mga kandidato sa gaganaping presidential elections ngayong Mayo. Maliban sa naituturing ito bilang maruming taktika para manira ng politikal na partido—nagiging daan din ito sa pagbuo ng mga netizen na ‘mislead voters’ na siyang nagbubunga ng sanga-sangang misimpormasyon.

Maliban sa pangangampanya ng kanilang sinusuportahang kandidata, naging isang layunin na rin ng Kakampinks na magbahagi ng tamang impormasyon sa social media. Ito rin ang naging daan sa paglalabas ng statement ni Robredo bilang tugon sa isyung ito.

Sa kaniyang Facebook post, humihingi ng tulong ang naturang kandidata sa pagre-report ng mga paskil na nagbabahagi ng misimpormasyon sa Facebook at iba pang bahagi ng social media. Ayon kay Robredo, hindi dapat hinahayaan ang fake news peddlers na “yurakan ang ating dignidad ng mga kasinungalingan.”

Ibinahagi rin ni Robredo ang determinasyon ng tinaguriang Kakampinks—at ang kaniyang pagkadismaya sa nangyayaring pasaring sa kanila. Dagdag pa niya, “abonado” pa nga ang karamihan sa mga sumusuporta sa kaniya.

Sa kasalukuyan, deleted na ang paskil ni Ronnie Lamboso Morgan; maging ang kaniyang mismong Facebook profile. Ang nasabing larawan ay tinaguriang fabricated dahil tanging ang mismong larawan na iyon ang paulit-ulit na nire-replicate sa naratibo ng vote buying.


Bahagi ang Vox Populi PH ng #FactsFirstPH, isang inisyatibo na naglalayong labanan ang misimpormasyon sa pamamagitan ng pag-igting ng katotohanan at paglaban sa kasinungalingan.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s