SMNI News, nagbabahagi ng misimpormasyon hinggil sa Jabidah Massacre

Ibinahagi sa Facebook video broadcast ng “Laban Kasama ang Bayan,” isang segment ng SMNI News ang diumano’y “kasinungalingan” ng pagkakaroon ng Jabidah Massacre. Sa nasabing segment noong Okt. 15, 2021, naging pokus ng istasyon ang pagkundena sa mga impormasyon na nagpapatunay sa naturang masaker.
Ayon kay retired military general Antonio Parlade, Jr., hindi raw totoo ang ginawang brutal na pagpatay ng mga kasundaluhan noong 1968. Partikular niyang kinundena ang mga artikulong inilalathala ng Rappler, at ang awtor na si Glenda M. Gloria. SCREENSHOT | SMNI News Facebook Page

Ayon kay retired military general Antonio Parlade, Jr., isa sa mga naimbitahang speaker ng naturang segment, ibinanggit diumano sa kaniya ni Benigno Simeon “Ninoy” Aquino, Jr. na isang ‘hoax’ lamang ang nasabing masaker. Dagdag din ni Parlade, ang mga inilalabas na mga ulat ng Rappler, higit lalo sa awtor na si Glenda M. Gloria ay kinakategorya bilang ‘fake news.’

Sa excerpt video na ibinahagi ng SMNI News, binanggit ni Parlade ang madiin niyang pagtutol sa mga inilalabas na artikulo mula sa Rappler, partikular sa isinulat na artikulo sa Rappler noong Marso 2018:

“Hindi totoo kasi pinuntahan ko sa Tawi-Tawi, pumunta ako sa Jolo… [N]akita ko ‘yong mga kabataang sinasabi ni Rappler, sinasabi ni Glenda Gloria sa kaniyang statement noong May 2018, ‘yong report nila ng 2018. [They have] ‘yong mga kasinungalingan nila doon—na tinali daw ng mga sundalo ‘yong mga Muslim youth, ‘yong mga kabataan na nag-training for this Jabidah sa puno—and then sinunog. Ganoon, ganoon sila mag-depict kung gaano kabrutal ang mga sundalo.”

Ang binabanggit na artikulo ay mula sa isang kabanata ng aklat na “Under the Crescent Moon: Rebellion in Mindanao,” na isinulat nina written nina Marites Dañguilan Vitug at Glenda M. Gloria noong 2000. Ang excerpt ng naturang kabanata ay isinapubliko sa Rappler bilang bahagi ng komemorasyon ng Jabidah Massacre.

Mula Merdeka patungong Jabidah

Matatandaan na ibinahagi ng ngayo’y Rappler Managing Editor ang isang artikulo noong Mar. 3, 2013 na nagbabahagi ng kongkretong salaysay kung bakit hindi matugunan ang usaping pangkapayapaan ng Muslim Mindanao. Ibinahagi rin niya ang Oplan Merdeka, isang sikretong operasyon na naglalayong bawiin ang Sabah bilang bahagi ng territorial claim ng Pilipinas kontra Malaysia.

Ayon sa salaysay nina Vitug at Gloria, halos 17 kalalakihan mula sa Tawi-Tawi at Sulu ang tumungo sa Sabah bilang bahagi ng operasyon ng militar at pamahalaan ng Pilipinas. Ang mga nabanggit na kalalakihan ang siyang magiging pangunahing makinarya sa isinasagawang psychological warfare na siyang bubuo ng mga kaanib at bumuo ng rebelyon upang maging bahagi ng Sabah ng Pilipinas at tuluyang iwanan ang Malaysia.

Nang hindi matuloy ang naturang operasyon, ipinagpatuloy ng puwersang militar at ng pamahalaan ng Pilipinas ang naudlot na modus operandi na nagbunga sa pagbuo ng commando unit code na “Jabidah.” Ang naturang yunit ay pinamunuan ni Major Eduardo “Abdul Latif” Martelino, isang Muslim convert mula sa utos ng dating pangulong Ferdinand Marcos noong 1967.

Sa ibinahaging impormasyon ni Ernesto Sambas, isa sa 180 batang Tausug na naging bahagi ng Jabidah, nakaranas sila ng matinding pangmamaltrato mula sa militar at matataas na opisyal. Mula nang dalhin sila sa Corregidor noong Pebrero 1968; hindi sila inabutan ng karampatang bayad, walang sapat na pagkain, at tanging sa sanga ng ipil-ipil pinagkakasya ang katawan. Dagdag pa rito, tanging ang mga matataas na heneral at miyembro ng militar ang nakararanas ng kaginhawaan sa buong operasyon.

Nang tumuntong na ang mga kabilang sa Oplan Merdeka sa Manila Bay, ito ay pinalitan bilang Oplan Jabidah. Bumuo ng maraming kontrobersya at ispekulasyon—partikular sa mga opisyal sa militar at pamahalaan—ang naturang operasyon dahil hindi isinapubliko ang tunay na layunin nito.

Naratibo ni Arula at ang masaker

Muling umusbong sa publiko ang Oplan Merdeka at ang tunay na naganap sa operasyon ng Jabidah noong Mar. 18, 1968 matapos matagpuan ng dalawang mangingisda ang duguang katawan ni Jibin Arula sa isla ng Caballo ng Manila Bay. Si Arula ay kaisa-isang naligtas sa naganap na engkuwentro sa pagitan ng militar at ng mga kabataang Muslim na kabilang sa Jabidah.

Inilathala nina Rommel Curaming at Khairudin Aljunied noong 2013 ang kanilang pananaliksik sa mga salaysay na ibinahagi ni Arula hinggil sa naturang masaker. Sa ikalimang kabanata ng aklat na “Oral History in Southeast Asia: Memories and Fragments,” ipinaliwanag nila Curaming at Aljunied na dahil masalimuot ang personal na memorya ni Arula sa naganap sa Jabidah—may ilang bahagi ng kaniyang salaysay ang natatakluban ng trauma.

Ang impormasyon na ito ay maaaring magbigay-linaw kung bakit nagkakaroon ng ilang pagbabago-pagsasalit ng salaysay ni Arula. Gayunpaman, ang naratibo ni Arula ang tanging magdurugtog sa bahagi ng kasaysayan na maituturing na personal (o personal history).

Dahil itinuring ang kaso na may pagkukulang sa mga mahahalagang ebidensya sa kabila ng naratibo ni Arula, hindi mabigyang-hustisya ang mga opisyal sa pamahalaan at military sa naganap na masaker—na nagpagalit sa mga pamilya ng mga batang biktima, pati na rin sa komunidad ng mga Muslim.

Pagkilala sa Jabidah

Noong Marso 2015, pormal na nilagyan ng National Historical Commission ng isang shrine marker sa Corregidor, Cavite bilang pananda sa malagim na kaganapan ng Jabidah. Ayon sa Anak Mindanao, isang organisasyon na nagtulak sa pagbibigay-tanda sa naturang masaker, isa lamang ito sa hakbang upang hindi mabura ang kasaysayan ng mga Moro na naging bahagi ng operasyong militar noong 1968.

Bukod pa rito, ibinahagi din ng opisyal na website ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) ang isang artikulo na nagdidiin ng dahilan kung bakit mahalaga ang pag-alala at pagkilala sa kasaysayan. Ayon kay MILF Peace Implementing Panel Chair Mohagher M. Iqbal, mahalaga na gunitain ng mga Moro ang karahasang naranasan ng mga Muslim sa kamay ng militar.

“Importante na alam natin ang nakaraan, upang maintindihan natin ang kasalukuyan, sa ganitong paraan natin malalaman ang maaaring mangyayari sa kinabukasan,” dagdag ni Iqbal.

Sa kasalukuyan, walang karagdagang pahayag si Parlade, ang SMNI News, at ang programang nagbahagi ng misimpormasyon. Wala ring pagpapatunay sa pahayag ni Parlade sa kaniyang pag-uusap kay Ninoy Aquino, maging sa mga diumano’y mga batang recruit na kaniyang nakasalamuha.


Bahagi ang Vox Populi PH ng #FactsFirstPH, isang inisyatibo na naglalayong labanan ang misimpormasyon sa pamamagitan ng pag-igting ng katotohanan at paglaban sa kasinungalingan.

One thought on “SMNI News, nagbabahagi ng misimpormasyon hinggil sa Jabidah Massacre

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s