Hele ng mga Boteng Walang Laman

May apat na tipo ng alkohol: isopropyl, methyl, distilled ethanol, undistilled ethanol. Hindi ko alam ang pinagkaiba-iba nila, ngunit alam kong isa sa kanila ang ipinanglilinis ng mga karayom sa ospital, isa ang pinanglilinis ng mga sugat; isa sa kanila ang bumubuklod sa mga langis at aromang ipinapahid o winiwisik natin sa mga pulso, likod ng mga tainga, at leeg upang maitago ang sangsang ng pawis sa ating mga balat; at isa ang nasa mumurahing mga alak, at marahil ay iba rin ang nasa mga mamahalin.

Iba’t ibang dulot, iba’t ibang sisidlan: plastic, babasagin, aluminum. Iisang amoy, marahil iisa ang lasa: iisang pait, iisang anghang.


Tanda ko pa ang unang bote ng alkohol na nahaplos ng mumunti ko noong mga kamay—ang makinis na plastik na bote ng family rubbing alcohol. Berde ang malapad at kwardradong katawang may tatlong magkakasunod na biloy patayo sa tagiliran, at makipot ang mala-tubong leeg. Mabango ngunit matapang, tipo ng amoy na hinanap-hanap ko noong kabataan

Sa kaparehong taon rin, sa unang pagkakataon, tumatak sa dila ko ang pait ng alkohol. Taong 2006, sa sala ng nagnanaknak nang nirerentahan naming bahay, isang bote ng San Miguel Beer, isang basong alak, isang lagok. Hindi ko nga lang matandaan kung ano ang okasyon, kung mayroon man.

Natural ang kuryosidad sa mga kabataan, kaya’t nang abutan ako ng tiya ko ng isang baso ng inumin ay walang kimi ko itong tinanggap, inusisa. Manilaw-nilaw ang kulay, mapakla ang amoy, mas mapakla ang lasa—tipong hindi ko ninais na muling matikman.


Madalas na pangaral noon ng aking ina: hanggat makakaya ay iwasan ang bisyo. Huwag tangkaing manigarilyo at uminom. Unang-una dahil babae ako. Hindi kaaya-ayang tignan ang babaeng naninigarilyo at umiinom, ika niya. Pangalawa, dahil masama ang dulot ng mga ito sa katawan—nakasisira raw ng atay ang alak, bukod pa roon, nakasisira raw ng wisyo; baga naman ang inaatake ng sigarilyo. Kung ayaw ko raw magkakanser ay iwasan ko itong dalawa.

Wala naman daw mabuting naidudulot ang pag-inom. Ang lolo ang madalas na inihahalimbawa ng ina noon—lasinggero, chain smoker. Halos araw-araw ay nasa inuman, madalas gabihin kung umuwi. Minsan ay hindi pa uuwi hangga’t hindi susunduin. Minsan ay uuwing lasing na lasing at bigla-bigla na lang mag-aalburuto—kapag nangyayari raw ito ay nagkakanya-kanya silang magkakapatid ng alpas sa bahay, kung hindi ay maswerte ka na kung bugbog lang ang iyong abutin, tumakbo ka na kapag bumunot na ng sundang. Palaging kaakibat ng mga pangaral niya ang kwentong ito. Tila hinugot mula sa sama ng loob sa ama. “Inom nang inom, sigarilyo nang sigarilyo, halos wala na ngang makain ang mga anak niya,” ang linyang hinding hindi mawawala sa bawat pangangaral niya.

Bakit nga ba nagpapakalango sa alkohol ang mga matatanda? Naging mailap sa akin ang sagot sa tanong na ito dulot ng kamusmusan. Madalas ko itong ikumpara sa softdrinks at Ovaltine. Iyon ang mga inuming para sa akin ay marapat hanap-hanapin. Lohikal na mas hanapin ng tao ang tamis, at ligamgam, hindi ang pait, hindi ang tapang na sumusugat sa lalamunan. Wala namang mabuting naidudulot ang alak; konklusyon ng batang lango sa mga pantasya ng kamusmusan.


Taong 2019, buwan ng Mayo, alas dos ng madaling araw, sa harap ng University Archives, sa ilalim ng rebulto ni Jose Rizal. Dalawang bote ng GSM, dalawang bag ng chippy, anim na mga kolehiyala, at bulto-bultong mga hinaing.

Sa unang pagkakataon, nalasahan ko ang tamis ng alak. Sa unang pagkakataon, sinuway ko ang paulit-ulit na pangaral ng ina.


Ala una pasado ng madaling araw sa araw na iyon natapos ang pagtatanghal ng dulang siyang magiging basehan ng pinal naming grado. Ala una pasado, sa wakas, natapos din ang kalbaryong ilang linggo rin ang itinagal.

Ilang linggong pagtitiis sa panlilibak, at pagsalo sa irasyunal na galit ng direktor, organizers, pati na rin ng ilang aktor sa kabila ng napakabigat na trabahong iniatas nila sa iilang miyembro ng props team, na dahil sa limitadong pondong ibinigay nila ay napilitang mano-manong pandayin ang frame na pinagkabitan ng mano-manong tinahing canvas, na mano-manong pinintahan ng magiging background scenes ng dula.

Lahat naging emosyonal sa pagtatapos ng pagtatanghal—ilan ay dahil sa galak, ilan ay dahil sa awa sa sarili. Hinakot ng mga aktor, direktor, at organizers ang lahat ng papuri. Ginusto na lang ng pangkat naming umuwi’t magpahinga matapos ang ilang linggo nilang pambubugbog sa pisikal, sikolohikal, at emosyonal naming aspeto na isang bahaw na paumanhin lang ang tanging ipinalit.

Sa pagkakataong iyon, hindi na sapat ang pag-iyak. Hindi na makapag-alburuto ang mga pagal na katawan. Umalis kami sa tanghalan nang walang imik, mas mabigat pa sa habak-habak na props ang sama ng loob na bitbit.

Noong umagang iyon, ang malatubig na likidong laman ng silindrikal at babasaging bote ng GSM, na triple ang pait kumpara sa pait ng San Miguel ang lumunod sa lahat ng mga agam-agam, poot, at sama ng loob na hindi na maibsan ng luha.


Lumalala ang pambubugbog habang tayo ay tumatanda—mas matagal maghilom ang mga sugat, mas maiitim ang mga pasa, madalas walang gamot. Hindi ito maiintindihan ng batang lango sa mga pantasya ng kamusmusan. Hindi maiintindihan ng batang ako ang kahalagahan ng isang bote ng alak. Hindi niya maiintindihan kung bakit ang dalawang bote ng GSM na iyon sa ilalim ng rebulto ni Jose Rizal ay nasundan pa, at nasundan pa, at nasundan pa.

Marahil ipaliliwanag ko sa kaniyang hindi naman talaga nakaaadik ang alak. Minsan ay nakatatakot lang talaga ang pag-iisa. Nakababaliw. Sa gitna ng nakabibinging katahimikan ay hindi matahi-tahimik ang mga bulong. Kinailangan ko ang hele ng alkohol upang makatulog sa gabi. Isang gabi, na naging gabi-gabi.

Kung tatanungin niya ako kung ano ang lohika sa kabila ng halos araw-araw kong paglalasing, ikakatuwiran kong dahil kailangan ng karamay ng sawi kong mga kaibigan, at kailangan ko ring damayan. Kung iisipin niyang hindi naman alak ang solusyon sa lahat ng bigat na ‘di ko mapasan-pasan mag-isa, sasabihin kong tama siya.

Upang pansamantalang makalimot, at sinisira ang wisyo ng alkohol. Upang mamateryalisa ang pait sa kaloob-loobang ilang ulit minaliit, ininsulto, niyurak-yurakan, sapagkat ang pait sa dila ay naiibsan. Upang hugasan ang sugat ng diwa at damdaming hindi nagagamot ng paracetamol dahil nakamamanhid ang kalasingan, at tinatago nito ang natural nating karuwagan sa likod ng pansamantalang bugso ng lakas ng loob. Iyon lang naman ang kayang gawin ng alak.


Taong 2020, buwan ng Mayo, sumidhi ang katahimikan at lumakas ang mga bulong. Naging nakasusugat ang lamig pagsapit ng alas tres ng madaling araw, higit sa lamig ng nagyeyelong bote ng gin, na hindi na ang siyang gumuguhit sa lalamunan gabi-gabi; impit nang  mga hikbi.

Ang nakahilerang mga bote ng GSM sa ilalim ng lababo ng abuhan, ang nagpanatili sa akin sa katinuan. Isang bote sa isang buwan, upang makatulugan ang mga bulong, hanggang sa tuluyan nang manahimik ang mga tinig na ilang beses ding nag-udyok sa aking hindi na gumising, na sanhi ng gabi-gabing bangungot, na walang palya kung magpaalalang wala akong mararating sa pagsusulat, sa musika, sa buhay, na isa akong kabiguan bilang anak, at panganay na kapatid. Mapapait na hinuhang kinailangang tapatan ng pait ng alkohol.


Kung saka-sakaling magkita kami ng nagdaan kong lolo, marahil ay tapikin ko siya sa balikat upang ipabatid na naiintindihan ko siya. Sinubukan din niyang lunurin sa alak ang dagok ng kahirapan at mga responsibilidad bilang ama ng siyam na mga anak. Inakalang mahuhugasan ng alkohol ang kirot ng kabiguan bilang panganay na anak, at bilang padre de familia. Nagbakasakaling mapunan ng alak ang mga pagkukulang na kahit anong sikap ay hindi niya mapunan-punan. Ngunit ni minsan ay hindi naging gamot ang alak. Hindi ito nakapapawi ng anumang uri ng sakit, ngunit ang gaan ng kaloobang pansamantalang ipinahihiram nito ang masarap balik-balikan.

Ilang beses ko ring hiniling na sana ay ang pansamantalang ginhawang ito ay higit pa sa pansamantala, na mangyari nawa ay hindi ako nito pagdamutan. Ngunit ni minsan ay hindi naging gamot ang alak.

Walang milagro ang mapait na likidong laman ng isang bote ng GSM.


Windel Joy Clerigo

Windel Joy Clerigo is from Pambujan, Northern Samar. She is a 4th year B.A. in Literature student of the University of Eastern Philippines (UEP) and a writer at The Pillar—the official publication of UEP. As a literature student and enthusiast, her ultimate goal is to further hone her writing skills and to privilege voices.

One thought on “Hele ng mga Boteng Walang Laman

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s