Kay Markova,

Kamusta ka na?

Sana ay nasa mabuti kang kalagayan kapag nabasa mo ang sulat na ito.

Tatlong taon na rin pala ang nagdaan magmula noong umalis ka. Hindi ka pa rin sumusulat pabalik. Baka totoo nga ang sabi sabi tungkol sa’yo. Lumagay ka na raw sa tahimik kasama ang bago mong nobyo.

Napasulat ako sayo dahil bigla kang pumasok sa isipan ko. Kanina lamang ay kumakain ako ng aking miryendang champorado. Bigla kong naalala ang paborito mong kulay, ang puti. Naparami kasi ang nailagay kong gatas. Pagkatapos naman ay uminom ako ng juice at napatitig ako sa baso. Bigla kong naalala ang paborito mong gawain, ang batuhin ako ng baso. Kaya’t ibinaling ko na lang sa iba ang aking atensyon at lumabas. Naglakad lakad ako patungo sa tabing-ilog. Napakalakas ng hangin. Masarap sa pakiramdam. Pero bigla akong natigilan nang muli kitang maalala. Amoy na amoy ko pa rin ang iyong hininga. Hay.

Umiling na lang ako sa mga naiisip ko. Kilala pa rin kita. Kilala pa rin pala kita.

Limang taon din tayong nagsama. Limang taon ding tawanan, iyakan, bangayan at pasensiyahan. Iyon din siguro ang dahilan kung bakit hanggang ngayon ay saulo ko pa rin ang mga ginagawa mo sa gabi bago matulog, at sa umaga pagkatapos gumising. Kung bakit alam ko pa rin ang iyong mga paboritong ulam at kung paano mo ito gusto lutuin. Nakakainis.

Alam ko naman ngayon na masaya ka na. Alam ko na kuntento ka na sa buhay at malamang sa malamang ay hindi mo ako naiisip. Wala namang kaso sa akin  iyon dahil wala naman na talaga tayo. Alam ko naman na desisyon mong lumayo at pumili ng ibang makakasama sa buhay at hindi ako ‘yon. Pero ‘yong iwan ako sa kawalan na walang kaide-ideya? Maling mali ‘yon. Mali ‘yon, Markova.

Alam mo ba kung gaano ko katagal tinanggap sa sarili ko iyon? ‘Yong akala kong makakasama ko na sa hirap at ginhawa, hindi pala ako ang pipiliin sa huli? Sana sinabihan mo ako. Sana nagbigay ka ng babala. Hindi ‘yong akala ko e makikipagkita ka lang sa mga kaibigan mo, ‘yon pala’y sa lalaki mo at magpapakalayo ka na. Badtrip ka.

Tinanong ko ang sarili ko kung anong naging problema. Pilit kong iniisip kong saan ba ako nagkulang…o nagkamali. Sobrang laki ba ng nagawa ko at kinailangan mo akong iwan? Alam mo naman na ibinigay ko ang lahat sayo. Ikaw lang parati ng iniisip ko. Mag-away man tayo o magkaroon ng ‘di pagkakaintindihan ay pilit ko itong inaayos. Palagi kitang sinusuyo at pinagsisilbihan. Kaya’t kahit anong pag-iisip ang gawin ko’y hindi ko malaman ang sagot.

Tsaka pa lang pumasok sa isipan ko ang salitang ‘sapat’. Siguro nga ay hindi ako sapat para sa iyo. Talagang ganon nga siguro.

Hindi ako sapat.

Dahil sobra sobra ako para sa isang tulad mo.

Sobra ang isang tulad kong handang gawin ang lahat para sayong hindi alam ang maging patas. Sobra ang isang tulad kong may pangarap sa buhay at pinaghihirapan ito. Alam kong hindi ako mayaman, Markova. Pero alam mo naman na nagsisikap ako para makaahon. Pero hindi mo inintindi iyon. Sobra ang tulad kong kaya kang intindihin sa lahat ng kagagahan mo’t kapritso.

Naisip ko tuloy na dapat pala ay magpasalamat ako dahil ikaw na ang gumawa ng paraan para umalis. Ikaw ang nagpamulat sa akin na kapag ipinagpatuloy pa natin ay wala rin lang tayong mararating nang magkasama. Dahil pareho tayong naglalakad ngunit sa magka-ibang direksyon. Kaya’t salamat.

Salamat na lang sa lahat.

At sa huling pagkakataon ay muli kitang gagawan ng pabor. Ako na mismo ang muling susulat sayo para sabihin ang saloobin ko sa isang bagay na hindi mo magawang sabihin o hingin hanggang sa ngayon.

Ako na muli ang lalapit sayo.

Pinapatawad na kita, Markova. Pinapatawad na kita.

Sana’y maging tunay kang maligaya.

Tonyo


Annalyn C. Biagtan

Si Annalyn C. Biagtan, o Aleen para sa kaniyang mga kaibigan, ay isang paumpisang manunulat mula sa bayan ng Mapandan sa Pangasinan. Nangangarap pa rin si Aleen na makitang nakaimprenta ang kaniyang pangalan sa pabalat ng libro. At bagama’t aminadong seasonal kung magsulat, ay marami pa rin siyang gustong simulan na pahina. Magpadala ng mensahe kay Aleen: aleen@voxpopuliph.com.

One thought on “Kay Markova,

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s