Aba Ginoong Cordapia,

Nagsimula nang magpatugtog ng mga Christmas medley ang mga kapitbahay namin kahapon. Kabi-kabilaan ang dagundong ng speakers, palakasan, aakalain mong may paligsahang milyon-milyon ang papremyo. Nangabit na rin ang iilan ng mga Christmas lights sa mga balkonahe’t terrace nila, pinalitan na rin ang mga alitaptap sa mayabong na puno ng mangga nina Mang Jose ng mga artipisyal na liwanag nito. Maliwanag na naman ang mga kanto’t kalsada, aakalain mo talagang galing sa mga solar na streetlights na hindi pa nga nag-iisang buwan matapos palitan ay sira na. Ilang araw na lang pala at magpapasko na naman.

Balita ko’y uuwi raw ‘yong mga nag-abroad mong mga anak sa darating na pasko. “Sa awa ng Diyos,” ika mo pa nga. Napakamapalad mo talaga. Iyong tiyo ko kasi hindi makauuwi galing Dubai sa darating na pasko. Hindi raw kasi pinayagan ng manager nila. Magastos din namang umuwi ng Pinas nang madalas. Higit tatlong taon na siguro siya roon. Nagsisilakihan na ang dalawa n’yang paslit na hanggang sa video call lang nakikita’t nakakausap ang papa nila kada may mahalagang okasyon.

Naalala ko tuloy iyong napag-usapan natin noong nakaraan. Tungkol sa asawa ni Marites na sa ibang bayan na binawian ng buhay nang dahil sa covid. Abo na lang ang nakauwi nitong nakaraang taon. Payo mo pa nga sa kanya’y magpakatatag lang siya’t may plano ang Diyos para sa kanila. Siguro nga ay tama ka, lahat naman ng bagay sa buhay natin, mabuti man o masama, ay naaayon sa plano ng panginoon.

Napadaan ako kanina kina ex-vice mayor nang utusan akong bumili ng suka. Nag-a-ala amusement park na naman ang bakuran nila sa dami ng mga palamuti, ayaw talagang patalo sa pagaraan. White Christmas yata ang tema nila ngayong taon. Para nang lagusan pakabilang buhay ang bakuran nila sa puputi ng mga dekorasyon. Kayo ba? Siguradong nagsisismula na rin kayong mamalamuti riyan. Ikaw pa ba. Ayaw mong nauungusan sa mga pagarbuhan. Gusto mo’y lagi kang lamang. Ipinanglalandakan mong mas mabigat na biyaya ang ibinibigay ng Diyos sa ‘yo dahil mas masugid kang manalangin, mas matagal kang lumuhod, at mas madalas kang umiyak sa harapan ng altar suot ang branded mong belo.

Naalala ko tuloy nang sarahan ang mga simbahan. Naghimutok ang butsi mo’t isinisi mo sa kakulangan ng pananampalataya ng mga Pinoy ang paglala ng epidemya sa bansa. Pinarurusahan nga siguro tayo, lalo na kaming hindi madalas magsimba dahil subsob sa trabaho upang mairaos manlang ang isang buong linggo. Kaya minsan humihingi na lang ako ng pabor sa ‘yong isabay mo na lang kami sa mga panalangin mo. Pero mukhang kailangan yatang personal kaming makipagnegosasyon sa panginoon para matamasa ang biyayang tinatamasa mo.

Hindi ba’t ang diwa ng pasko’y pagbibigayan? Pamasko naman d’yan. Naalala ko noong nakaraang pasko namigay ka ng pa-Christmas package eh. Pumila ‘yong ilang kapitbahay namin sa bakuran ninyo. May papiktyur pa nga kayo, hindi ba? Ang gara ng suot mo noon, ang lapad ng ngiti. Napakamapagbigay mo sa mga kapos-palad. Paniguradong magiging matunog ang pangalan mo kung saka-sakaling balakin mong tumakbo sa darating na eleksyon.

Naalala ko tuloy nang minsan kang mapadaan sa sari-sari store ni Mang Bogs ilang buwan pa lang ang nakalilipas. Saktong palabas sa TV iyong mga drayber na namamalimos sa mga kalsada ng Maynila. Sabi mo’y gan’yan ang mga taong walang patutunguhan, ang hingi nang hingi, ang palaasa sa iba, ang mga walang diskarte sa buhay, naghihintay na lang na subuan ng grasya. Tama nga naman. Ikaw rin naman ay dumanas ng pansamantalang kakapusan noon, pero tignan mo naman ang kalagayan mo ngayon—donyang-donya. Ang sabi mo’y tiwala’t matibay na pananalig sa Diyos at kaunting diskarte lang naman ang kailangan.

Ano ang plano ninyo sa Noche Buena? Dadagsa na naman panigurado ang mga tao sa inyo. Paniguradong dadayo na naman sa inyo sina Congressman at Mayor kagaya noong nakaraang taon. Parang may pista sa inyo noon. Kami, posibleng kami-kami lang din ang magdiwang katulad noong nakaraan. Alam mo na, bawal sa ‘min ang malakihang tipon-tipon. Baka sa kulungan pa kami magpasko, mahirap na, o kung hindi naman, magkahawa-hawa pa kung saka-sakali. Baka mapabilang pa sa mga numerong araw-araw kung ibalita. Mga numero ng mga pasaway, ika mo pa nga.

Hindi talaga matatapos-tapos itong pandemya hanggat maraming pasaway na labas nang labas, rally nang rally, tipon nang tipon. Nagtataka ka pa nga kung gamunggo ba ang utak nitong mga Pinoy at hindi makapirmi sa loob ng mga bahay nila. Sabi ko sa ‘yo noon baka kako kailangang maghanapbuhay. Binara mo ‘ko no’n. Sabi mo, “trust in the Lord and He will provide!” At ako’y napahiya.

Aba ginoong Cordapia, napupuno ka ng grasya…hangang-hanga talaga ako sa tatag ng pananalig mo. Mapalad ako’t nakilala kita. Ang katauhan mo ang nagpapaalala sa ‘king walang puwang ang pagkabahala sa pusong matatag ang kapit sa panginoon. Karahasan, paghihirap, kawalang katarungan—lahat ng ito’y naaayon lamang sa mas malaking plano ng Diyos.

Pamamarisan ko ang iyong mga pananaw, sususugin ang ‘yong mga yapak, at baka sakaling laanan din ako ng panginoon ng puwang sa langit.

Masugid mong tagahanga,

Ligaya


Windel Joy Clerigo

Windel Joy Clerigo is from Pambujan, Northern Samar. She is a 4th year B.A. in Literature student of the University of Eastern Philippines (UEP) and a writer at The Pillar—the official publication of UEP. As a literature student and enthusiast, her ultimate goal is to further hone her writing skills and to privilege voices.

One thought on “Aba Ginoong Cordapia,

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s