Para kay Eva,

Alam mo kung gaano kahalaga sa akin ang pagsusulat. At alam ko rin kung gaano mo kamahal ang pahina ng pagiging normal. Siguro nga, may nakukuhang kapayapaan sa puso ang pagsunod na lamang sa daloy ng mundo. Siguro rin, hindi na sapat ang dating tahanan natin para italukbong ang ‘totoong’ imahen ng mundo.

Sa panahong natatagpuan ko ang sarili na nalulunod sa salu-salungat na reyalidad ng mundo, naging kapiling ko ang pagsusulat. Siya ang naging kaibigan, naging katoto, naging kapatid. Siya rin ang naging aking ina. Siya rin ang tumayo kong ama sa mga panahong wala akong masandalan na ama.

Pero, hindi ganito ang imahen mo ng mundo.


Bawat araw, sinusundan natin ang pinaniniwalaan nating pag-ibig.

Sa loob ng labing-anim na taon ko sa santinakpan, pinilit kong sundan ang gusto mong maging imahen ko. Akala ko noon, kailangan ko itong gawin bilang panunuos sa ibinibigay mong pagmamahal sa akin. Iniibig din kita, sa paraang naiuugnay ko sa iyo ang unang pagtibok ng aking puso;

mula sa iyong sinapupunan;

hanggang sa maaari ko nang hagkan ang iyong bisig;

at pakinggan ang p  i  n  t  i  g  ng puso ko’t kaniyang

pagsikdo.


Huwad ang imahen ng pag-ibig.

Ito ang unang aral na natutunan ko magmula nang magkasalubong ang aking panulat sa inyong paggabay. Sabi mo nga sa akin, “mahal mo ako” kaya mo ako inilalayo sa pagsusulat. Nang mga panahon na iyon, hindi ko magawang baybayin sa kung paano naging lukso ng pagmamahal ang pagkulong at pagkunwa.

Ikinulong mo ako sa imahen ng isang ‘normal’ na anak. Normal sa dalagita na maging maayos (pero hindi hihigitan ang ina). Normal sa dalagita ang hindi mag-usisa’t sumunod sa lahat ng pagkakataon. Normal sa dalagita ang panatilihin ang yumi’t hinhin para sa mapalad na lalaki. Normal sa dalagita ang magkaroon ng takot sa Panginoon, katumbas ng takot sa padre de pamilya.

Hindi ito ang ating normal. Kayhirap ipagkaila sa sarili ang reyalidad na palaging humahanap ng paraan na sumulyap at sumuksok sa iyong tahanan. Hindi kayang tagpian ng pagpapanggap ang totoo nating sitwasyon—ni hindi rin kayang paraanan ng pagmamahal ang ating pagkukubli.

Naalala mo pa ba noong wala tayong tahanan na masilungan? O ang mga gabi na kailangan nating ipikit na lamang ang sarili’t idaan sa panalangin kung maabutan pa natin ang sarili na buhay? Siguro nga, mas madali na magkunwa—na isantabi ang nakalipas at tingnan na lamang ang naging bunga ng pagpapagal. Magandang bahay, maayos na buhay: ang inakala nating imahen ng perpektong pamilya.

Ngunit, bakit palagi pa rin nating iniluluha ang gabi?


Gabi-gabi, iniluluha ko ang kuwento ng ating pag-ibig.

Minsan, kahit noong kasama pa ninyo ako sa ating tirahan sa Laguna, hindi ko maiwasang magtaka. Tunay mo ba akong anak? Tiyak na bang imahen ito ng pagmamahal? Eva, ikaw ang unang taong nagpakuwestiyon sa akin ng lahat ng sino’t lahat ng ano na tumatagni sa pagkatao ko. Kapit-kapit ko pa rin ang mga salita, isinulat ko ito sa isipan hanggang sa mag-iwan na ito ng mga marka: galos, sugat, langib, buka, luha.

May mga gabing pinagmamasdan natin ang isa’t-isa sa pinili nating direksyon ng pagmamahal. Tanda ko pa noong minsang binigyan mo ako ng pagkakataong kausapin ka—hindi bilang tupang anak sa kaniyang inang pastol. Sa unang pagkakataon, kinausap mo ako bilang kaibigan, bilang sandalan, bilang kapwa-babae na nakatagni sa kung anomang patriarkal na persepsyon sa kung paano tayo magmahal—

at kung paano tayo masaktan.

“Mahal ko pa rin ang ama ninyo.”

“Kahit nasasaktan ka na? Kahit nahihirapan ka na?”

“Hindi mo pa naiintindihan—hindi mo pa nararanasan magmahal.”

“Ma, mahal ka namin—pero nahihirapan na kaming nakikita na ganiyan ka.”

“…”

“Kaya naman natin dati kahit wala si Papa, ‘di ba?”

“Hindi ko kaya. Paano kung magbago pa siya?”

Paano kung hindi?”


May uri ng galit mula sa tahanan ng pag-ibig.

Siguro, sa ganito ko nabuo ang aklat ng pag-ibig at galit ko sa iyo. Kung may ipagpapasalamat man ako, siguro ay ang pagbigay mo sa akin ng pagkakataon na mabuhay. Kahit anong bura’t anong alis ko sa naratibo ng aking buhay—mananatili ang mga pilat, mga marka, mga pananda ng ating relasyon.

Ikaw pa rin ang aking ina.

At kahit iluha ko man, at mabalot man ako ng galit at poot—hindi mawawala ang katotohanan na ikaw ay aking minahal. Saksi ang mundo na inilikha ko dala ng aking pag-ibig.

Ang aking panulat.

Ang dati mong anak Tagapagsulat,

Marya


Maria Kristelle C. Jimenez

Maria Kristelle C. Jimenez works as a freelance writer, layout artist, and website specialist in Pampanga. Some of her works have been recognized by the Saranggola Blog Awards and the Gawad Digmaang Rosas. Her topics revolves around new media, pop culture, and the postmodern. Email Maria at: maria@voxpopuliph.com.

One thought on “Para kay Eva,

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s