Huntahan

July 9, 1972

Kuya Junjun,

Kumusta ka na diyan sa UAE? Natanggap na namin ni nanay ang pinadala mong dalawang kahon ng mga pagkain, damit at pasalubong. Masayang-masaya si nanay, sabi niya mabuti na lang daw at naisipan mong maging OFW, hindi daw katulad ng ama nating walang pangarap, kaya nagkasya na lamang sa koprahan. Maayos namang nag-aaral sila Christina at Beatrice. Ako naman wala masyadong problema sa eskwelahan, nakabayad na rin kami ng mga tuition fee namin. May mga sundalong pumunta sa amin pala, kuya, at nagtatanong kung may naghuhukbo daw ba sa amin. Hindi ko masyadong naintindihan pero tungkol sa mga NPA yata. Hindi naman ako NPA kuya kaya wala naman akong masabi sa pagpunta nila.

Lagi kang naaalala,
Rommel


Septyembre 28, 1972

Rommel,

Mahirap dito sa UAE, pero sabi nga ng nanay, kailangang matutong mangarap na, at sadyang mahirap ang Pilipinas. Martial Law na pala diyaan? Nakita ko sa telebisyon ang presidente. Mahirap maipit sa mga ganyang bagay, toto. Siguraduhin mong hindi ka mapapasama sa mga mapapag-initan ng konstabularyo o mga sundalo.

Basta ibaba mo lang ulo mo, ‘to! Mahirap na. Hindi ako nagpapakapagod dito sa abroad para mabura ka lang na ganoon na lang. Tandaan mo lagi ang mga bilin ng magulang natin, at matuto kang sumunod sa utos ng nanay at tatay. Maging mabuti kang bata at bantayan mo rin ang dalawa nating dalaga, mahirap na. Maraming hindi mabuting loob sa paligid.

Nagmamahal,
Kuya Junjun


Disyembre 1, 1972

Kuya Junjun,

Adbans meri krismas!  

Hindi mo man kami makakasama ngayong tao, sana’y alam mong mahal na mahal ka naming nila Beatrice, Christina, nanay, tatay at syempre ako! Gusto naming maging masaya ka rin diyan kuya, kaya sana magtitira ka para sa sarili mo. Nakakahiya man kuya pero yung rubber shoes ko ha? Nagpapasabi rin ng pabango at mga jeans yung dalawa. Bago ka umalis maarte na yong dalawa na yon, nako. Bahala ka na kuya kung anong gusto mong ipadala sa amin para sa Pasko o kung hindi na aabot para New Year? Basta yon. May isa pa pala kuya – malapit na rin kasi ang graduation ng mga pinsan natin, ilang buwan na lang. Sila ate Malou at kuya Banjo nagpapasabi ng mga pamasko daw at bagong sapatos din para sa graduation. Pasensya na kuya, alam kong nangako ako dati na hindi kita kukulitin pero lahat sila sa akin nagpapasulat. Ang hirap. Sobra.

Nakukulitan kila Beatrice,
Rommel


Pebrero 12, 1973

Rommel,

Pasensiya na at huli na akong nakasulat. Magulo dito may mga giyera. Malayo naman sa amin kaya tuloy lang ang trabaho ko sa kampo ng mga kano at kung saan-saan pa ako ume-extra. Pwedeng kumita nang malaki dito, kailangan lang madiskarte ka. Lagi akong nanonood ng telebisyon para makasagap ng balita tungkol sa atin diyan. Dumarami na pala ang mga komonista na yan, mabuti na lang alam ng gobyerno ang ginagawa nila. Hindi naman talaga magkaka-Martial Law kung wala yang mga komonista na yan. Wag na wag kong mababalitaang sumasama ka sa mga ganyang tao ha Rommel, talagang mababatukan kita pagbalik ko Pilipinas.

Sa mga pinsan nating humihingi, bigyan ninyo lang kung may pasobra pero hindi lagi-lagi. May mga asawa naman mga yan, kahit pinsan ko pa silang babae, bakit hindi magtrabahong mabuti mga asawa nila? Hindi yong hingi nang hingi sa atin. Ni hindi naman natin mga kapitbahay yan, galing pa yan sa kabilang bayan, bakit umaabot mga rekwes nila sa bayan natin? Magsara-sara nga kayong lahat diyan ng bintana at pinto, baka may mga pumasok na aswang.

Kahit madalas sablay gawi diyaan, mahal ko kayong lahat. Tandaan ninyo yan. Sige na, magtatrabaho na ako pagkasulat ko nito, dadalhin ko pa sa postal.  

Namumuti na ang mga mata,
Kuya Junjun


Mayo 15, 1973

Kuya Junjun,

Salamat sa padala mo noong huli, napagawa na ang kusina, hindi na nakabalandra ang lutuan, at hindi na rin masisilip kung sino  man lumalabas sa banyo pagkaligo. Syempre malaking tulong yung pader sa mga kapatid nating babae, kasi ayaw natin silang mababastos, kaya okey na okey talaga yung project mo kuya!

Sumusulat lang ako kasi sabi ni nanay kung pwede mo daw ba dagdagan nang kaunti yung susunod mong padala para makabili daw siya ng bagong sowing machine? Sumasakit na daw hita niya sa manwal, gusto na daw niya yung mga bagong pantahi na Japan na de-koryente.

Napapagalitan lagi ng nanay,
Rommel


Hunyo 23, 1973

Kuya Junjun,

Wag ka sanang mabibigla, pero kailangan kong ipadala ito kasi sa lalong madaling panahon at ikaw yung nasa malayo.

Kuya wala na si tatay. Kinuha siya ng mga sundalo isang gabi, at tinuro daw siyang lider ng unyon kahit sa koprahan talaga siya nagtatrabaho. Hindi napigilan ni tatay at nanlaban siya sa isang sarhento daw, kaya tinadyakan siya sa dibdib, bago ginamintan ng riple.

Inuwi naming si tatay mula sa morge na kuya. Iniwan lang siya sa tabi ng daan.

Kuya hindi ko kayang mag-isa, nahihirapan na ako kay nanay. Kailangan ka na ulit dito kuya.

Rommel


Marius D. Carlos, Jr.

Marius D. Carlos, Jr. is a storyteller, essayist, and journalist. He is an independent researcher focused on transnational capitalism, neocolonialism, empire, and pop culture. Contact him for writing projects. Connect with him on Facebook. Email Marius: marius@voxpopuliph.com.

One thought on “Huntahan

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s