Ganid

Nakapanlulumo ang nangyari sa taong 2020.

Sunod-sunod ang mga sakuna na sumubok sa ating tatag bilang isang Pilipino. Makailang ulit na ring naitampok sa telebisyon ang katatagan ng mga Pilipino sa panahon ng sakuna. Tila ba nakadikit na ang ngiti sa labi ng mga Pilipino sa kahit na anong panahon at pangyayari. Talaga naming nakabibilib ang tatag na ito. Hindi siguro mapapantayan ng kahit na anong lahi ang kulturang ito. Taon-taon, lagi’t-laging may bagyo na wawasak sa mga palayan, kabahayan at kikitil ng buhay. Naniningil na ang kalikasan iyan ang laging sambit ng mga matatanda sa aming nayon. Ngunit ano ba talaga ang ating pagkakautang? Kung bakit kailangan nating magbayad?

Ilang beses ko na ring pinaliwanag sa aking mga estudyante ang kahalagahan ng kalikasan. Ang Global Warming na patuloy na lumalala taon-taon. Bilang isang guro marahil kailangang ipaintindi sa mga kabataan na ang aktibidad ngayon ay magbubunga at aanihin sa kinabukasan.

Naalala ko tuloy ang ibinahagi sa akin ng aking kapwa guro tungkol sa disaster capitalism. Kung tayo raw ang takot at iniiwasan ang sakuna ay may mga tao naming natutuwa sa tuwing may pandemya o delubyong darating. Siguro dahil laking bundok ng mina rin ako madali ko lang itong naintindihan. Bumabalik sa akin ang lahat ng alaala ng kahapon. Malinaw na malinaw ang lahat ng ito.

Lumaki ako sa bundok ng Mt. Diwalwal at halos taon-taon ay may namamatay dahil sa landslide. Ang masakit pa rito ay mayroon ding namamatay dahil naipit at nakulong sa loob ng tunnel (dahil small scale mining ang paraan ng pagmimina sa Diwalwal). Ang mga kapwa abantero ang siyang gagawa ng paraan para kahit papano ma rescue ang mga tao sa loob ng tunnel kung hindi man buhay kahit makuha lamang ang katawan at mabigyan ng maayos na burol. Tanging kapwa mo abantero ang iyong maaasahan dahil hindi mo maaasahan ang management at may-ari ng tunnel. Inililihim lamang ito sa midya na tila ba busal ang bibig ng mga reporter sa tuwing itatampok ang Diwalwal. Buhos area na rin ang Diwalwal ibig sabihin halos araw-araw ay bumabagsak ang lupa na tila hinihigop sa dami nang butas sa ilalim nito.

Mga bandang 80’s daw sumikat ang Diwalwal. Hindi mga kuwentong pambata ang ibinabahagi ng aking tatay at lolo kung hindi ang kuwento na nangyari sa lugar na ito noong 80’s hanggang 90’s. Ito raw ang panahon ng kasaganahan at kadiliman sa Diwalwal. Kasaganahan dahil sobrang daming ginto milyon-milyon ang kinikita. Araw-araw ay may kilo-kilo ang gintong niluluto. Ngunit kadiliman dahil araw-araw di umano ay may namamatay at hahandusay na lamang sa tabi. Sa sobrang daming tao ay ang hustisya ay isang palaisipan nalang. Binabaril at sinasaksak ang karaniwang dahilan. Malala ang karahasan sa mga panahon ito. Pugad din ito ng mga addict at drug lord na ibinebenta lamang ang droga sa bangketa na tila nagtitinda lang ng palamig. Sa daraanan mo ay may tumitira raw ng shabu, oo sa tabing daan lamang.

Hanggang sa ako ay nagkaisip ganoon pa rin ang pangyayari. Sobrang malala ang prostitusyon sa Diwalwal ang mga babae ay menor de edad na biktima lamang ng pangakong magandang buhay. Nakapagtataka lang kahit mga alagad ng batas ay sila ang suking-suki ng bahay aliwan na ito. Alam nilang maraming menor de edad ngunit hindi nila ito pinapansin. Pagmamay-ari raw kasi ng amo nilang kapitalista na pinapakain sila araw-araw ng libong-libong pera bilang proteksyon. Ang hindi susunod sa mga politikong boss ay tiyak sa sabog ang iyong bungo.

Sila-sila mismo ang yumayaman sa pagmimina at ang mga minero ay wala pa ring pagbabago. Nakakakain lamang ng masasarap na pagkain ngunit hindi maipagkakaila na wala talagang magandang patutunguhan ang kanilang buhay. Pinagkakaitan ng seguridad at kailangang mangako ka na kung ano man ang mangyayari sa iyo sa loob ng tunnel ay labas na sila. Kung walang pamilyang kukuha ng iyong bangkay ay hahayaan ka na lamang na mamatay sa loob at mabulok. Sira na ang kalikasan kaya kung sakaling lisanin na ito ng mga kapitalista ay malamang wala ng matitira sa mga tao. Hindi ka rin makakakita ng isda sa ilog buhat ng polusyon sa tubig. Walang punong matatag na nakatindig dahil ito ay pinuputol upang gawing pundasyon sa ilalim ng tunnel.

Ngayon nagtuturo ako patungkol sa pangangalaga sa kalikasan. Nakikita ko ang aking sarili sa mga estudyante ko. Hindi ko masisisi na wala silang kaalam-alam sa nangyayari sa labas ng kanilang mundo. Ngunit hindi ko sila sinisisi kung nasisira ang kalikasan. Wala naman tayong pagpipilian, alipin tayo ng salaping ibinibigay lamang ng mga kapitalista bilang kabayaran sa ating serbisyo. Sila itong sumisira sa kalikasan. Tayo lang ang apektado sa paniningil. Ililibing na naman ang ating buhay at gagawing pataba sa lupa ngunit at puno’t dulo ng lahat ng delubyong ito ay namumuhay pa rin ng matiwasay at masagana. Hindi dahilan ang pagiging masiyahin ng mga Pilipino upang kalimotan at huwag pansinin ang nangyayari sa bansa. Kaliwa’t kanan ang pagmimina na pinapatay lamang ang mga minero kapag hindi aabot sa kuta. Hindi maitatago ng ngiti ang katotohanan. Tayo ay alipin at hindi ito nagbabago. Ang mga taong dapat nagbibigay proteksiyon sa atin ang dahilan ng ating kamatayan.


Denmark B. Soco

Si Denmark B. Soco ay nagtapos ng BSEd-Filipino sa Northern Mindanao College, Inc. noong 2018. Siya ay isang lisyensyadong guro at nagtuturo ng mga kurso sa Filipino at Araling Panlipunan sa Our Lady of Fatima University-Antipolo. Mahilig siyang magbasa ng mga aklat ng tula, sanaysay, maikling kuwento, maging ang mga pagtatanghal ng mga balak (isang tradisyonal na oral na panitikan) sa kanilang probinsiya.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s