50/50: Kuwentong Pait at Tawa

Kagabi, binalak kong tapusin ang buhay ko. Matagal rin akong tumingin-tingin sa kisame para maghanap ng magandang puwesto na pagtatalian ng sinturon ko. Medyo mahirap, dahil alam kong hindi ako magaan. Kailangan ko ng masasabitan na sa palagay ko ay hindi ako malalaglag dahil ‘di kaya nito suportahan ang bigat ko.

Alam mo ba na mahilig ako sa mga frozen na pagkain? Oo, alam ko… hindi healthy sa katawan pero hindi mo maikakaila na masarap ang mga ito. Madali pang lutuin! Masarap iyong sisig ng Purefoods e, pati iyong espesyal Chicken Tocino gawa nung Pampanga’s Best. Wala nang init-init sa tubig o kung ano pa mang kailangang sundin, mantika lang sa mainit na kawali, solb na! Isa pa, mabibili pa sa mga tindahan kahit saan. Ako nga, ang bilihan ko e mula sa isang barbero na may tindahan ng frozen goods sa labasan nila e. Pero ‘di ako nagpapagupit sa kaniya. Kakairita kasi iyong inaahitan ka sabay may bibili ng longganisa. Pagbalik niya, amoy bawang na ang kamay at malagkit pa, tapos ihahawak sa ulo mo? Yuck. ‘Di man lang mag-alcohol.

Matagal ko na rin pinagninilayan ang pagkitil sa sarili kong buhay. Maraming beses na ipinaalala sa akin nito na wala akong kuwenta. Isang taong may pangarap ngunit hindi kayang pangatawanan ito ng pangmatagalan. Nakakasawa na rin kasing sumubsob na naman sa lusak ang magpatuloy na gumapang ulit papaitaas, tapos bigla mong malalaman na umuulan na naman, kaya dudulas ka paibaba. Ayoko nang may mapinsala o magulo dahil sa mga kagagawan ko, labis akong nakokonsensiya.

Dami kong pinagdaanan para lang mahanap ang barbero ko. Lahat ng barberya e sinubukan ko, pero walang makatama sa hairstyle na dapat sa buhok kong mahirap pormahin. Hanggang sa na-realize ko na dapat gumastos ako ng higit pa sa singkuwenta para sa buhok ko. Habang kakakuha ko lang sa sahod noon nung nagtatrabaho pa ako sa isang mall, nakita ko iyong isang barberya malapit sa tinatambayan ko para pagyosihan tuwing break. Pumasok ako at umupo. Tinanong niya kung anong gupit ang gusto ko. Sumagot ako, ang sabi ko ay kung anong babagay sa buhok. At aba, sa unang pagkakataon sa buhay ko, may isang barbero na marunong humawak sa klase ng buhok ko. Dati raw siyang barbero sa isang sikat na salon sa Maynila. Umalis lang siya kasi mahirap raw ang biyahe at gusto niya rin magbukas ng sarili niyang pagupitan. Akala ko tapos na iyong gupit sa akin. May pa-shampoo pa pala, massage at pa-facial cream na may kasamang massage rin! Sa sobrang tuwa ko sa serbisyo niya, feeling ko ang pogi-pogi ko. Napabili rin ako ng hair wax niya na halata naman na nakita ko sa isang tiangge sa Caloocan at iniba niya ang label. Pero ‘di bale na, sa halagang 120 pesos, babalik ang confidence mo sa sarili mo.

Nabigo ako maging isang tao. Kaya hindi ko na pahahabain pa. Tiwala naman ako na hindi ako bibiguin ng aking sinturon. Aba, gawa ito sa purong balat, sabi sa akin ng tindero. Itong sinturon na ito ang nagpapaalala sa akin na minsan, naranasan kong mapakinggan at mabigyan ng atensyon. Pero wala na lahat iyon, at kailangan na dapat lumisan. 

Dati, buwisit na buwisit ako magpagupit at papaabutin ko pa ng tatlong buwan bago ako ulit magpatabas? Sa kaniya, wala pang isang buwan ay bumalik na ako. Ganoon pa rin, de-kalidad na gupit at serbisyo at ekspertong advice sa pagaalaga ng buhok ko ang natanggap ko. Sabi ko sa kaniya, irereto ko siya sa mga kakilala ko. Idadala ko rin ang kapatid ko sa kaniya sa susunod kong bisita.

Sinubukan kong gawin ito sa aming labas-bahay, kung saan may matibay na bakal na sa palagay ko ay kayang buhatin ang timbang ko. Pagkatapos, nagsimula kong hugutin ang sinturon mula sa suot kong maong. Siniguro ko ring mahigpit ang pagkakalagay ko sa sinturon at hindi dudulas sa parteng may mahihipo ang paa ko na semento. 

Dinala ko nga ang kapatid ko, at pati siya na-hook na rin sa barbero ko magpagupit. Walang tigil na pinupuri ang gupit at serbisyo niya hanggang pag-uwi. Napansin ko rin na mas naging masaya siya. Sino bang ‘di sasaya kapag nakita mo iyong buhok mo na hindi mukhang napag-tripan? Ako nga dati, may gagong barbero na inalis iyong ‘Goku hairline’ ko kasi ‘di raw bagay. Aba, inahit pataas. Pero ang mas masaklap doon, nasarapan sa pag-ahit ang gago! Nagmukha akong mapapanot na Kano. Hindi na ulit ako bumisita doon.

Inilagay ko ang aking huling sulat sa kanan kong bulsa, nag-ayos ng mukha at nagsimulang ipasok ang leeg ko sa sinturon. Mahigpit, nakakasakal, masakit: na tamang-tama para sa gusto kong gawin. Ngunit bago ko pa man magawa iyon ay may dumaan na traysikel sa harapan ko. Alam ko, hindi niya naman ako nakita dahil madilim ang puwesto ko at hindi rin bumukas ang street light, pero paano kung makita niya ako habang nakabigti, at isalba ako? Ang kahahantungan ko ay brain damage. Mas masaklap pa sa kamatayan iyon. Ni hindi ka makakagalaw. Nakakulong ka lang sa isipan mo, habang-buhay. Mabuti kung may mabuting nars o doktor na tatapos sa miserable mong buhay, sabay susunugin ka sa crematorium at idedeklara ang sanhi ng pagkamatay mo ay COVID. Malabong mangyari iyon. Dali-dali akong umalis sa puwesto at umupo na parang nagseselpon lang.

Kaso isang araw, hinanap ko si William. Hindi na makita, medyo napalapit na loob ko kasi kagaya ko, bad trip din siya sa mga landlord. Madalas daw siya dayain sa bill ng kuryente, e lagi naman raw wala customer. Iisa lang kasi ang kuntador nila, tapos ang bill nila kala mo kunsumo ng isang full-blown store.

Inilusot ko ulit ang ulo ko sa sinturon. Sana ay wala nang perwisyo pa, gusto ko lang mamatay na may katahimikan. Pero, nung ihahagis ko na ang sarili ko paalis sa tinutungtungan ko, biglang bumaba ang suot kong maong. Masyadong maluwag. Ayokong magmukhang namatay ako dulot ng erotic asphyxiation. Ayokong makita ang memoriam ko sa Letterboxd na may nakasulat na “namatay kagaya ni David Carradine” o gawing katatawanan ng mga edgelords sa internet at malaman na movie buff ako at mistulang ginaya ko iyong pivotal scene sa World’s Greatest Dad.

Ang huli kong punta sa store niya, hindi na barberya ang nandoon. Isang putanginang tindahan na lang ng made to order na palabok. Nasaan na si William? Napilitan ako magpagupit sa loob ng mall. Overpriced ang presyo, pero nagulat ako, iyong kasabay ko ka-yosi sa labas, siya ring gumupit nung sa akin. Ayos lang, parang nadaya pa ako sa halagang 300, may pa-shampoo na babae pa ang kumuskos sa buhok ko. Hinahanap-hanap ko iyong alaga ni William, iyong feeling mo importante ka talagang customer. Doon sa pinaggupitan ko sa mall, kala mo nagmamadali e, kulang na lang kunin lang pera ko tapos ‘di ako gupitan. 

Pumasok ako ulit sa loob ng bahay, gumugol rin ako ng kalahating oras sa paghahanap ng maisusuot na hindi kailangan ng sinturon. Lahat, maluwag. Medyo nawala na ako sa mood na kitilin ang buhay ko. Pero nandoon pa rin ang motivation. Kaya imbis na magpakamatay, nagluto ako ng piniritong itlog at nagsangag ng kanin. Huling hapunan ba, kumbaga. Nagtimpla rin ako ng kape, sabi ko sarili ko, dapat ganito kasarap ang kape sa lamay ko. Tapos nairita lang ako kasi alam kong instant coffee lang iyon. Nag-Facebook ako habang kumakain at doon, nanumbalik ang tulak ng pangarap kong mamatay. Lahat sila may narating na. May mga album, sariling librong naisulat. Sinagot na sila nung nililigawan nila. May bagong bahay at lupa. Kaban na lalong nadaragdagan. Bagong trabaho. Bagong alaga. Bagong pundar. Bagong halaga sa buhay. Bagong mga kaibigan. Habang ako, parang gago lang. Sinasarili ang nararamdaman. Humihingi ng tulong hanggang dumating sa punto na tanging sarili lang ang dapat sandalan. At ang tanging solusyon ay ang sariling buhay ay dapat nang wakasan.

Naalala ko, may number pala ako ng barbero ko. Pero ewan ko, natatakot akong tawagan o i-text siya. Hindi naman ako manghihimasok sa buhay niya, magpapagupit lang ako. Ewan, ‘di ko talaga makumbinsi iyong sarili kong mag-book ng appointment sa kaniya. Pakiramdam ko, special ako. Ayokong itrato na special. Parang nakakaburgis. 

Gusto ko magkaroon ng touch of classiness ang mga isinusulat ko, pero kapag maghahanap na ako ng mga salita, nasusuka ako bigla. Tingin ko sa mga salitang iyon e pretentious at dapat iwasan. Ang pananaw ko kasi, mas priority ang dapat maintindihan ng mambabasa ang isang akda kaya i-display niya ang abilidad na mag-describe ng isang salita gamit ang tatlong-daan pang ibang salita na may kaparehas na kahulugan. Pero iyon nga ang punto, ginagawa nila iyon as artistic expression o baka talagang makata lang sila. Siguro, sige payag na ako. Pero use sparingly lang, masakit sa mata kasi kapag tadtad ng highfalutin shit e. Iyong akala kong pangalan ng sofa o cooking ware mula Ikea, salita pala na nagsasaad ng kilos. O baka sadyang mapili lang ako at excuse lang dahil hindi ko maintindihan kasi ‘di ako kabilang sa high society?

Sa ngayon, para akong Bedouin na pakalat-kalat sa disyerto. Naghahanap ng susunod na oasis na paglalagian. Ang oasis ko e iyong barberya niya. 

Isa pa, kahit na gusto kong mamatay, mahalaga sa akin ang aking hitsura. Ayokong magmukhang tanga sa kabaong, pero ang rinig ko kasi, aayusin naman iyong mukha mo ng mga make-up artists sa purenarya kung nagkataon. Kung ililibing ako at hindi magiging abo kaagad. Hinintay ko munang mawala iyong mga naglalakad at mga napadaang nakasakay sa motor at kotse. Akala ko, wala na akong makikitang tao kapag alas-dos ng madaling araw dito sa lugar namin, meron pa rin pala.

Mayroon naman akong barberong binisita dati, may totoong shaving cream na gamit imbis na tipikal na tubig at may pa-aftershave pa. Ayos na sana e, nilagyan pa naman nung aftershave iyong patilya ko, putangina kala mo sinunog iyong balat ko sa hapdi e. Pero siyempre, dapat all smiles ka lang at kunwari wala lang. Baka gilitan ako ni Manong kapag umalma ako e, ang usapan pa naman nila nung isa niyang kaibigan na gurang din e kung sino raw ang pinakamagaling na serial killer at kung dapat daw bang ikonsidera na ‘pinoy pride’ na ang killer ni Versace e Pilipino. Hey…pinoy pride.

Maya-maya, naramdaman ko na ang kapayapaan. Huling oras ko na ‘to sa mundo, kaya nambuwisit muna ako sa social media. Kaso isang salita pa lang iyong binitiwan ko, banned na kaagad ako ng isang linggo. Pahiwatig na rin siguro na tigilan ko na ang paligoy-ligoy at tapusin ko na ang sarili ko.

Gusto ko magkaroon ng touch of classiness ang mga isinusulat ko, pero kapag maghahanap na ako ng mga salita, nasusuka ako bigla. Tingin ko sa mga salitang iyon e pretentious at dapat iwasan. Ang pananaw ko kasi, mas priority ang dapat maintindihan ng mambabasa ang isang akda kaya i-display niya ang abilidad na mag-describe ng isang salita gamit ang tatlong-daan pang ibang salita na may kaparehas na kahulugan. Pero iyon nga ang punto, ginagawa nila iyon as artistic expression o baka talagang makata lang sila. Siguro, sige payag na ako. Pero use sparingly lang, masakit sa mata kasi kapag tadtad ng highfalutin shit e. Iyong akala kong pangalan ng sofa o cooking ware mula Ikea, salita pala na nagsasaad ng kilos. O baka sadyang mapili lang ako at excuse lang dahil hindi ko maintindihan kasi ‘di ako kabilang sa high society?

Isa pa, kahit na gusto kong mamatay, mahalaga sa akin ang aking hitsura. Ayokong magmukhang tanga sa kabaong, pero ang rinig ko kasi, aayusin naman iyong mukha mo ng mga make-up artists sa purenarya kung nagkataon. Kung ililibing ako at hindi magiging abo kaagad. Hinintay ko munang mawala iyong mga naglalakad at mga napadaang nakasakay sa motor at kotse. Akala ko, wala na akong makikitang tao kapag alas-dos ng madaling araw dito sa lugar namin, meron pa rin pala.

Maya-maya, naramdaman ko na ang kapayapaan. Huling oras ko na ‘to sa mundo, kaya nambuwisit muna ako sa social media. Kaso isang salita pa lang iyong binitiwan ko, banned na kaagad ako ng isang linggo. Pahiwatig na rin siguro na tigilan ko na ang paligoy-ligoy at tapusin ko na ang sarili ko.

Pinatay ko nang halos ilang daang beses na rin ang aking sarili sa iba’t ibang senaryo sa isipan ko. Tumalon mula sa mataas na gusali, malunod sa maduming ilog, gilitan ang sarili, nilaslas ang pulso, magpabangga sa rumaragasang bus, hayaang lamunin ng malubhang sakit, mabaril, makidnap ng cartel at pagpira-pirasuhin, at mamatay dahil sa labis na kalungkutan. Pero bakit hindi ko pa rin magawang tapusin ang buhay ko ngayon na totohanan?

Alam ko sa sarili ko na pasok ako sa criteria at may malinaw na tiwala sa sarili na gawin ito, pero kapag gagawin ko na, laging may humahadlang sa aking gagawin o ang mas masaklap, hindi ka na makatayo o makagalaw dahil sa labis na kalungkutan? Kailangan ko pa bang mabuhay? Bakit? May nalalabi pa bang dapat akong gawin sa mundo?

Masyadong masakit na, araw-araw nagdurusa ako sa sakit ko, mapahirap o ginhawa, walang nagbago sa akin, kahit na paulanan ko pa ang sarili ko ng walang hanggang advice mula sa mga motivational coaches, self-help books at mga litrato ng mga sikat na personalidad na may quote o advice na hindi naman sinabi, ay hindi pa rin umubra sa akin. Kailangan ko ba ng tulong? Siguro. Pero may halaga lahat ito, at ayokong gumastos para dito. Hindi dahil sa kuripot ako, kundi dahil wala naman akong kukuriputin. Lahat ng kinita ko dati sa mga raket at trabaho ay nagastos na para sa mga minamahal sa buhay, ang unahin ang kaligayahan nila at ang kanilang pangangailangan—dahil masaya ako kapag masaya sila. Hanggang sa paalahanan ako ng sarili ko na may hangganan ang lahat ng ito.

Siguro, kapag may sapat na ako na lakas ng loob ulit at kung magtama ang mga tala, ay susubukan ko uling tapusin ang buhay ko. Alam ko, may problema ako, hindi lang dahil talo lagi ako sa buhay o kaya may problema ako sa aking personalidad kaya ganito ako. May problema ako. Araw-araw kong tinitiis lahat, ang hindi mawalang sakit na ito simula pa nung magkaroon ako ng tunay na pagmulat sa buhay. Sabi nila, ang totoong gustong mamatay, hindi pinagkakalat ang gusto nilang gawin. Iba-iba naman ang tao. May masaya dahil lilisan na sila. Mayroong hindi kasi lilisan na sila, pero kailangan nilang gawin iyon sa palagay nila dahil iyon lang ang mag-aalis ng sakit.

Kabayanihan ba ang pagkitil sa sariling buhay? Katapangan ba ito o akto ng isang makasariling indibidwal? Tingin ko ay hindi. Tingin ko, mas malapit ito sa paghanap ng solusyon sa isang sakit na hindi magagamot. Kaya kahit nakakaangat ka pa o nasa iyo lahat ng pribilehiyo, kapag dinapuan ka nito, ay walang silbi ang lahat ng iyan.

Mayroon akong isang pangarap, noong tanga pa ako at siniko sa murang edad, maagang nahinog sa mga kakupalan sa mundo—at kailangang umakto nang naaayon sa mga batas na hindi naisulat, ngunit sinusunod. Ang pangarap? Magsusulat lang hanggang matuklasan, hanggang sa makilala at gawing pagkaperahan ang larangang ito — hinggil na mas maganda kaysa sa pangangalakal, mandilhensiya sa mga kakilala at gumawa ng masasamang raket. Marami sa mga kakilala ko ang nilamon ng kalsada: may mga nakulong, nagtatago, pariwara, mayroong nagkapamilya, pero bibihira ang umaangat at nakakawala sa balon na kinalalagyan namin. Tanging kapal lang ng mukha at ang paniniwala sa isang pangarap na maaaring hindi mangyari lang ang kinapitan ko upang hindi ako tuluyang lamunin nito. Minsan, kailangan kong gumawa ng mga bagay na hindi ako sanay gawin para lang makatakas dito.

Swiss Army

Sabi nila, umakto raw ako ayon sa lebel ko. Hindi ko ginawa iyon. Gaya ng isang hunyango, sumabay lang ako sa kung anong interes nila sa buhay at ibinase ko ang mga salita at kilos ko doon. Sophistikado at intilihente kung alta, magaspang kung kagaya kong naging iskwater ang aking kausap. Ginawa ko lahat iyon upang malaman kung paano ko matutupad ang pangarap ko, palagay ko kasi ay makakaahon ako sa hirap sa ganitong karera, at ito ang tipo na walang gaanong trabahador, kaya hindi pa “saturated” ang merkado para sa mga gustong maging manunulat. Marami akong natutunan tungkol sa maraming topiko sa pakikipagusap lang sa kanila. Bagamat naging hunyango, ay hindi ko naisip maging doble-kara o plastik sa mga nakausap ko. Kung ano ako sa personal, ganoon ako mismo kahit sa internet. Ina-adjust ko lang ang awra at tatas sa salita ko upang pumasok sa panlasa nila, kasi nga naman…may makikinig bang socialite sa kuwento mo kung puro “kahirapan” lang ang tanging paguusapan? Ano bang pakialam ni Joey mula Smokey Mountain tungkol sa stock market at Cabernet Sauvignon? Pero mas mahirap makisama sa mga mayayamang may matataas na ego. Kung hindi mo isusubo ang bota nila kahit isang beses lang, wala kang mahuhutang impormasyon sa kanila. Ayoko mang gawin, ngunit kailangan dahil naniniwala akong bukod sa libro, ang pakikipagusap sa mga taong may direktang karanasan sa isang bagay o pangyayari ay magandang source ng impormasyon na may personal na atake.

Mga Oportunidad

Minsan, sa pagkukunwari ko ay aalukin ako ng oportunidad ng kausap ko o isang associate niya. Madalas sa mga oportunidad na iyon ay mga trabaho o kolaborasyon, pero madalas ay trabaho. Tatanggapin ko, dahil nakakainip rin maging manunulat at walang pera. Hindi ko alam kung alam nilang wala akong karanasan o mayroon nga ngunit panandalian lang ang exposure ko sa mga trabaho na iyon, pero kahit ganoon ang sitwasyon ay natatanggap pa rin naman ako. Madalas ay sila ang naghahanap sa akin, para bang pabor, upang mabawasan man lang ang bigat ng trabaho nila dahil maipapasa sa akin ang ibang trabaho. May kaunting saya, dahil may pera. Pero alam ko na ang mangyayari sa hinaharap.

Mosquito na Nasa Senior Division

Fall from grace, ika nga. Kumuha ako ng mas marami sa kaya kong hawakan, kasabay ng pananatili sa facade na kayang-kaya ko, kahit na alam kong hindi. Naroon ang paisa-isang frustration, hanggang maging anxious oras-oras, hanggang sa hindi sumipot dahil absent. Dahil sa umasta akong senior sa liga kahit na mosquito pa lamang ako. Pero sige, ituloy lang ang palabas, ano man ang kalalabasan, may ipanlalaman ako aking mga sulatin. Hinahanap ang kalungkutan kasi doon ka lang makakapagsulat ng matiwasay. Masaya naman ang maging kampante sa buhay, pero magsasawa ka rin kaagad, sasadyain na pahihirapan ang buhay dahil lang sa hindi ka makapagsulat tungkol doon. Ano bang masaya sa pagsusulat tungkol sa matiwasay na buhay? Di ba’t gugustuhin mo na lang na matulog? Self-destructive. Marami ang nadadamay. Dahil lang sa gusto kong magsulat. Ayokong makita ang sarili ko limang taon mula ngayon na angat nga sa buhay, pero mala-Prince Ea naman ang sinusulat ko. Ganoon ba ako kagaling magdala sa sarili ko kaya marami ang naniwala sa akin? Isa lang naman akong hamak na parasitiko na didikit kung saan magkakaroon ako ng silbi sa buhay. At sa huli, malalaman mo, wala ka na sa dating estado mo, at balik na naman sa lusak. Pero kung tatanungin ninyo kung malungkot ako, aba hindi. Bakit? Dahil may maisusulat na naman ako.

Miskomunikasyon? Miscomunikation? Miscommunication? Miskimunasiyon?

Ayoko talagang makipagusap dito sa social media, kahit pa mga Filipino Major kasama ang mga slash at dash at rush nila sa mga letra, nahihirapan pa rin na sabihin ang totoong nasa isip nila sa mga usapan. Ang tanging magagawa ko lang ay mag-tipa ng kumpleto. Pero madalas, kahit kumpleto pa at malinaw ang gusto mong maiparating ay mayroon pa ring magkakamali at magkakamali na ibahin ang gusto mong sabihin. Maraming nasirang pagkakaibigan dahil dito. Gustuhin ko man makipag-ayos at humingi ng tawad, kung ayaw naman nila ay wala na akong magagawa. Naging magaspang na kritiko dati ng ‘magaang literatura’ ngunit kung hindi ko pa sasabihing hindi ako seryoso, ay sinumpa na nila ako sa kalawakan. Pero aaminin ko, medyo nagustuhan ko rin ang ‘glory factor’ na nakuha ko mula doon. Masarap mapakinggan, pero kapag matapos mapakinggan ay balik na ulit sa gilid, dahil hindi lang ako ang dapat laging bigyan ng panandaliang atensyon. Medyo naiinis ako kapag may hindi pagkakaintindihan sa paguusap dito. Ako kasi, hilig ko ring laitin ang sarili ko, pero madalas akala nila, sila ang kinukutya ko. Nakakainis dahil lumilitaw ang masamang side nila, at dahil pagkababaw lang na dahilan—wala na ang pagkakaibigan.

Kapatid

Mabigat ang salitang ‘kapatid’ para sa akin, mas iba ang relasyon ng kaibigan at kakilala at kamag-anak sa isang kapatid. May nagsabi sa akin na parang kapatid niya na raw ako. Espesyal para sa akin na maituring na ganoon, pakiramdam ko may mas malalim na pagkakaintindihan kami sa isa’t isa. Pakiramdam ko, responsibilidad ko na protektahan siya at bigyan ng atensyon at suportahan bilang isang kapatid. Ako mismo, hindi ko pa nasabi iyon sa mga kaibigan ko na seryoso ako. Pero dahil lang sa isang maliit na iringan na hindi ko alam sa umpisa, ay mapuputol na ang relasyon na iyon. Gusto ko pang mabuo ang pagkakaibigan na iyon sa totoo lang. Pero ang sabihan ako ng masamang bagay kahit ako na ang humihingi ng tawad at dispensa ay hindi na tama. Ni hindi ako nakabasa ng maayos na ‘sorry’. Hindi mukhang seryoso, parang professionalism lang. Business language. Business mode. Autopilot. 

Salamat Dahil May Mga Totoong Kaibigan Pa Rin

Pare-pareho kaming may danas na similar, kaya heto kami ngayon, nagdadamayan. Kahit minsan, kapag kasama ko sila, ramdam ko na ayos lang na ibaba ang aking depensa, at magpakatotoo lang sa kanila. Ngayon ko lang nalaman na ang tao pala, may side na ipinapakita sa mga kaibigan, sa kakilala, at sa sarili. Pero ibahin mo kami, kung ano ang ipinapakita ko kapag nag-iisa ako, ay ganoon rin ako sa iba pa. At ganoon rin sila sa akin. At may naisulat ako dahil dito.

Pera

Masarap magkapera, kaso nababago nito ang tao. Bibihira ang nakikita kong may maraming pera na hindi malupit, malamig, at mayabang. Palibhasa, pera ang nagpapatakbo sa mundo. Pero bakit kailangang mabago ng pera ang isang tao? Oo nga’t may pagtulong at pagkalinga minsan, pero madalas, ginagawa lang nila ito para maramdaman na nasa ibabaw sila ng mundo. 

May kurot ng lungkot at saya sa mga oras na akala ko, magwawakas na ang buhay ko. Kalungkutan dahil alam mo ang gagawin mo ay babago sa takbo ng buhay ng mga mahal mo sa buhay, o hindi. Pero ano pa man doon ay nakakalungkot. Kasiyahan dahil sa wakas ay hindi ka na magdurusa, wala nang kagutuman o paghihirap. Walang hanggang pagtulog lamang. Alam ko, magandang pakinggan. Iba ang dating kung nakaranas ka pa ng trauma sa buhay, katulad ko. 

Medyo inaantok na ako. Isa lang ang alam kong totoo, na ang pagsulat ay mabisang pagkontrol sa depresyon o kalungkutan o kung ano mang nararamdaman mo na nagtutulak sa isang tao na magpakamatay. Kailangan kong magpatuloy na magsulat, dahil kung hindi, maiisipan ko na naman na tangkain ang gusto kong gawin. At baka sa susunod, magtagumpay na ako.


Daniel Jude Anilao

Dan is a writer and an essayist and loves to tell stories about his peculiar life with no filters and full-on honesty. It’s also a cheap form of personal therapy. He loves his cats, Kibsiç and Floppa.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s