Sa Pagbukas ng Lata ng Spam Mail

Akala ko noong una na ang sinasabi nilang Spam sa email ay yung de-latang paborito namin tuwing agahan. Kaya noong una kong narinig ito, natawa ako at nagtaka. Bakit ko kailangan i-check ang spam? At bakit may pagkain sa aking email?

‘Yon pala, ito yung tinatawag na junk mail sa email kung saan napapadala ng mga advertisements at kung anu-ano pang binebenta sa internet ng walang pahintulot mula sa may-ari ng email. At mas naintindihan ko ito noong nagkaroon ako ng sariling karanasan dito.

Nagsimula ito lahat noong nalaman ko kung ano ang web extension: lumalawit sa gilid ng browser na kalendaryo, highlighter, mga laro, at iba pa. Marami akong nahanap, at dagdag ako ng dagdag. Ang iba ay kailangan ng account para magamit, kaya ginamit ko ang aking email. Habang dumadami ang aking nadadagdag, mas lalo akong natuwa. Parang ang pakiramdam na madaming nabiling kuwaderno at nasasabik ka nang punuin.

Sinimulan kong gamitin ang mga ito. Sa lahat ng aking sinubukan, tatlo lamang pala ang gumana nang maayos. Wala na akong narinig sa mga extension na aking tinanggal, maliban sa dalawa.

Tuloy-tuloy ang padala ng patalastas. Minsan nainis ako dahil napuno ng kanilang mga email ang aking inbox at spam, at natabunan ang mga importante. Naisipan kong solusyonan ang aking problema. Sinubukan kong i-snooze ang account ng nagpapadala, at noong nagpadala na ulit, hindi ko na lang pinansin at nag-log out ako sa extension.

Pati ang aking mga kamag-anak ay napapadalhan ng mga spam messages. Kailangan sa kanilang trabaho ang makipag-usap sa mga kasamahan at para rin masundan ang mga pinakabagong pangyayari. Hindi maiiwasang ibigay ang kanilang mga personal na impormasyon sa mga kausap.

Ang aking kaibigan ay nakakatanggap ng email na nagsasabing kailangan niyang mag-bayad para mabuksan ang isang dokumento. Ibinalita niya ito sa kanyang mga magulang at tinulungan siyang ayusin ang problema. Nangyari rin na habang naghihintay ang aking nanay para sa isang email, nasa loob lang pala ito ng spam.

Ngayon, kapag narinig ko ang salitang spam, ang maiisip ko ay ang latang hindi ko alam ang nasa loob, kung masarap ba o kailangan itapon, kung mahalaga ang nilalaman o hindi. At sa latang walang nakaaalam ng laman, ang pinakamainam na gawin ay mag-ingat. Parang Spam talaga ang spam mail: nakakatuwang basahin, pero junk pa rin.


Elisha Lilith S. Aguinaldo

Elisha Lilith S. Aguinaldo is a coming eighth grade student in the University of the Philippines Rural High School. She writes fictional poems and stories, and some fanfiction. Email Elisha at: elisha@voxpopuliph.com.

One thought on “Sa Pagbukas ng Lata ng Spam Mail

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s