Contact trac(k)ing

Palaging may dalang kaba sa gitna ng contact tracing.

Bagaman naging bahagi na ng buhay-pandemya ang magbahagi ng ilang detalye tungkol sa akin tuwing lumalabas ng bahay, araw-araw, bago pa rin pakiramdam. Hindi naman bago ang hinihinging detalye sa tuwing tinutungo ko na ang contact form. Pangalan. Tirahan. Edad. Numero. Body temperature. Pirma. Sa susunod na papasok ako sa mismong establisiyemento, ganito rin ang kailangan kong itugon.

Mahalaga rin naman ang pagbibigay-impormasyon sa panahon ng isyung-medikal. Mas mabilis matutunton ng mga establisiyemento ang mga taong huling nakahalubilo ng nag-positibo sa coronavirus, at dahil doon, mas madali na rin ang mag-isolate at mag-quarantine. Ito ang pangakong dulot ng contact tracing sa mga patuloy pa ring nananampalataya sa sariling kalusugan.

At dito nagsisimula mabuo ang mga agam-agam. Natatapik nito ang bahagi ng aking utak na hindi mapakali’t hindi mapagkatiwala sa sitwasyon. May hindi maialis na pakiramdam na may mga matang patuloy na umaaligid sa tuwing pinupuno ko ang contact form. Hindi pa nakatutulong sa sitwasyon na dumalas ang aking anxiety at panic attacks magmula nang magka-pandemya.

Bagaman ang tagubilin ko bilang isang manunulat ay nakabukas sa publiko, hindi ibig sabihin nito ay bukas ako sa lahat ng sitwasyon—lalo na sa usaping personal. Mahalaga sa akin ang pagkakaroon ng pribadong buhay, kung saan malaya kong nagagawa ang regular kong tagubilin sa publikasyon, trabaho, at buhay pag-ibig na walang mga matang nakamasid.

Naranasan ko na ang magulong mundo ng stalking. Noong kolehiyo ako, may mangilan-ngilan akong mga “regalong” natatanggap sa kung kaninoman. Mga hindi nagpapakilala, o may taguri sa sarili bilang tagahanga. Umaabot ito sa puntong tinutunton na rin ang mga lugar kung saan ako madalas pumunta, mga kaibigang nakakasama, at iba pa. Schizophrenic na ang eksena sa akin at tipong ‘di ko na mapag-iba minsan kung ang intensyon ay mabuti o hindi.

Naitawid ko na ang pangambang iyon magmula nang nanirahan ako sa Pampanga. Dito, naibalik ko na muli ang persepsyon na maaari pa ring magkaroon ng tahanan, at hindi lang saglit na tuluyan o panandaliang-tirahan.

Ngunit nang sumapit ang pandemya, kung saan mas nakabuyangyang sa publiko ang aking personal na impormasyon—muli na naman akong bumabalik sa magulong mundo. Matapos ng ilang pagtugon sa contact tracing, bumalik din ang sagot nito sa imahen ng stalking at scamming.

Nariyan ang makatanggap ako ng tawag sa mga unknown number na tungkol daw sa utang ng aking pamilya (na wala naman akong pakialam). May isang beses din na nakatanggap ako ng text message na nagpapa-claim ng napanalunan ko raw na sasakyan, pati bahay at lupa. Minsan, may mensahe rin na mula sa mga politiko na masyadong napaaaga ang pangangampanya. May ilan din na nagpapadala ng mga pekeng package na kailangan mong ihingi ng dispensa sa rider dahil sa pang-aabala.

Lumala ang mga ito magmula nang magpaulit-ulit ako sa pagtugon sa contact tracing. Hanggang sa ako na rin ang mismong gumawa ng paraan para sa sarili kong katahimikan. Tumutugon pa rin ako sa contact tracing, ngunit sa halip na totoo’t tunay na impormasyon ang ibinibigay ko, kung ano na lamang ang inilalagay ko. Mula sa pangalan, tirahan, edad, numero, at pirma. Ang nanatili na lamang totoo roon ay ang body temperature. Kung maglalagay man ako ng totoong impormasyon, sinisiguro ko na pangit ang pagkakasulat-kamay sa puntong kabubuwisitan nang basahin.

Hindi siya umaangkla sa moral na tugon sa konsepto ng contact tracing, pero ayos lamang.

Sa ganoon ko lamang paraan kasi muling nabawi ang nawala kong pagkapribado.


Maria Kristelle C. Jimenez

Maria Kristelle C. Jimenez works as a freelance writer, layout artist, and website specialist in Pampanga. Some of her works have been recognized by the Saranggola Blog Awards and the Gawad Digmaang Rosas. Her topics revolves around new media, pop culture, and the postmodern. Email Maria at: maria@voxpopuliph.com.

One thought on “Contact trac(k)ing

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s