Ang ‘Duterte-lympics’ ng Pagnanakaw

Talo man ang kasalukuyang rehimen sa pagdadala ng serbisyong pampubliko, ginto naman ang medalya nito sa sining ng pagnanakaw.

Ang pahayag na ito ay hindi lamang isang tayutay ng pinagtagumpayan nating Tokyo Olympics, kundi halaw mula sa mga tunay at nakakabahalang isyu ng pandarambong sa kaban ng bayan. Isa itong usapin na naka-kubli sa mga tabing ng Malacañang, na siya namang inilantad ng Komisyon ng Pagsusuri (COA).

30,000 na mga hininga na ang pinutol ng kapabayaan ng administrasyon sa pagtugon sa lumalalang pagkalat ng COVID-19 at nagawa pa nitong itipid at pagnakawan ang sambayanan. Higit pa rito, wala pa rin sa ilalim ng gabinete niya ang napapanagot. Tunay nga na ginto ang mga opisyal ng gobyerno at mga alipores nito sa larangan ng pambubulsa.

EduKalidad ang hiling namin, EduKorupsyon ang tugon ninyo

Itinaas ng Commission on Audit (COA) ang pulang bandila nito sa sangay na may pinakamataas na badyet, ang Kagawaran ng Edukasyon (DepEd). Ayon sa ulat ng INQUIRER.net, may kakulangan ang DepEd sa paggamit ng badyet, hindi pagsunod sa batas ng ‘transparency’ na nakasaad sa Government Procurement Reform Act, at palpak na proseso ng pagpapalaganap ng ‘self-learning modules.’ Ang parehong sangay rin ang inulan ng kritisismo sa mga modyul nitong may kamalian sa pisikal na kopya at paksa na hiwalay sa reyalidad.

Ang kataka-takang 8 bilyon ng DepEd na naglaho ay nagbunga sa mga guro na nananawagan para sa dagdag badyet at tugon sa mga mag-aaral na ‘nananatiling drop-outs’ dahil sa kawalan ng ‘gadgets’ para sa ‘online class. Nangahas ang Alliance of Concerned Teachers (ACT) na kalampagin ang Kongreso at kalsada upang isigaw ang hinaing ng libo-libong guro sa Pilipinas: pondohan ang edukasyon sa gitna ng pandemya! Ipinapakita rin ng panawagan para sa ligtas na pagbabalik eskwela ang taal na pangangailangan ng kabataang Pilipino para sa epektibo na pagkatuto para sa lahat, hindi ang ‘distance learning’ kung saan ang karamihan ay walang ‘internet’ at ‘gadgets.’

Sa bawat sentimo na hindi naipaabot ng DepEd sa masang Pilipino, may guro at kabataan ang hindi nakakasabay sa agos ng anti-mahirap na pag-aaral sa gitna ng pandemya. Ang mga pangyayaring ito ay naglantad lamang sa tabing ng hindi abot-kayang sistemang pang-edukasyon kahit pa sa rehimen ng mga nakalipas na mga Pangulo.

Winarak niyo kami! – Sambayanang Pilipino

Mamamayan ang nagbayad ng mga naputol na hininga dulot ng inutang na dugo at pera ni Health Sec. Duque at ni Duterte. Nagbandera ang Commission on Audit ng pulang hudyat nito sa Kagawaran ng Kalusugan (DOH) dahil sa ma-anomalyang paggamit sa 67 bilyon na pondo. Idiniin ng mga taga-suri ang hindi pagbibigay ng ebidensya ng DOH sa mga kontratang pinasukan nito at hindi paggamit sa mga naka-imbak na kagamitang medikal. Ang ulat na ito ng COA ay sinagot ni Duque sa porma ng pagpapaawa sa halip na ipaliwanag kung saan napunta ang mga pondo.

Nagluwal ng mga hinaing mula sa uring pinagsasamantalahan ang pagsasawalang-bahala ng DOH sa pangangailangang medikal ng sambayanan. Nagbanta ng sabay-sabay na pagbibitiw ang pangkat ng mga ‘health workers’ hinggil sa ‘hazard pay’ na umaabot lamang sa 3,000 pesos. Tanong ng mga manggagawa sa larangang medikal kay Duterte at Duque: Hindi pa ba kayo nabibingi sa mga sigaw ng mga daing namin?

Ang tumataginting na halagang ito ay dapat nagsilbing tulay sa mga buhay na biglang pinutol ng pandemya. Palpak ang ahensya sa pagtugon sa panawagan ng mga paggamutan sa Pilipinas para sa dagdag na gamot, kama, iba pa. Ang luha ng mga Pilipinong nagluluksa na inutang ni Duque at Duterte ay siyang sisingilin ng taumbayan na may nagngingitngit na poot.

Dutertismo at ang rima ng pambubulsa’t patayan

Tangan ng kinagigiliwang National Task Force to End the Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) ni Duterte, ang parehong Task Force na binansagang terorista sina Liza Soberano, Catriona Gray, at Angel Locsin, ang limpak-limpak na halaga ng 19 bilyon bilang badyet ngayong 2021. Dahil sa mga gawaing militarisasyon ng NTF-ELCAC simula nang maitatag ito, hindi na nagulat ang iba na pati ito ay dawit na rin sa mga tinaasan ng COA ng pulang babala.

Ayon sa Komisyon ng Pagsusuri, may kwestyonableng 160 milyon na inilabas ang TESDA sa NTF-ELCAC sa balat-kayo ng ‘scholarship funds.’ Ang Kagawaran ng Kagalingan at Pagpapaunlad ng Lipunan (DSWD) ay nakisali rin sa sabwatan dahil sa pag-isyu nito ng mahigit limang milyon sa NTF-ELCAC na walang sapat na dokumento. Pahayag ng COA na kung hindi maihahabol ng mga nasabing ahensya ang mga hinihinging papeles ay maaaring magbunga ng kaso sa korupsyon.

Panawagan at pagkondena agad ang sumulubong sa mga ma-anomalyang gawain ng NTF-ELCAC at mga kasabwat nitong mga kagawaran. Ito’y sa kadahilanang kasabay ng walang tigil na pagkupit sa kaban ng bayan ay hagupit rin ng masaker na pinangungunahan ng NTF-ELCAC. Sa ilalim ng tabing na ‘nanlaban’ at pekeng ‘search warrants’, nag-iwan ito ng tugaygayang bahid ng dugo ng mga progresibong aktibista at masang Pilipino.

Inilathala at nilagdaan sa mga madugong bulwagan ng Malacañang ang pondo ng NTF-ELCAC habang may mga Pilipinong nakaratay sa mga ICU dahil sa pandemya. Sa pangungusap na ito, makakarating tayo sa konklusyon kung para kanino nagsisilbi ang rehimen ni Rodrigo R. Duterte.

Kung paligsahan man sa kung sino ang may pinaka-marami ang nakulimbat ang mukha ng administrasyon ni Pres. Duterte, usapin naman ang isyung ito ng utang nilang serbisyo sa mga Pilipino na nawalan ng buhay, trabaho, edukasyon, at ayuda. Ngayong pinangakuan ng Pangulo ang NTF-ELCAC ng 28 bilyon, uulanin na naman muli ng dugo at luha ang huling termino ng diktador.

Sa ‘Duterte-lympics’ ng rehimeng ito, gintong medalya sa kasakiman, kapalpakan, at pagnanasa sa kapangyarihan ang bitbit ng lahat ng alipores sa ‘mafia gang’ ni Rodrigo R. Duterte.


Sanggunian

Aurelio, Julie. “COA Flags Deped For Questionable Use Of P8-B Fund”. INQUIRER.Net, 2021, https://newsinfo.inquirer.net/1474524/coa-flags-deped-for-questionable-use-of-p8-b-fund.

Bolledo, Jairo. “COA Flags P5M ‘Inappropriately Documented’ DSWD Funds For Ex-Rebels”. Rappler, 2021, https://www.rappler.com/nation/dswd-funds-inappropriately-documented-former-rebels-flagged-coa-report.

Buan, Lian. “TESDA’S Release Of P160 Million To NTF-ELCAC ‘Highly Questionable’ – Auditors”. Rappler, 2021, https://www.rappler.com/nation/tesda-release-millions-ntf-elcac-highly-questionable-coa-report-2020.

Garcia, Danilo. “Nurses, Health Workers Nagbanta Ng Mass Resignation”. Philstar.Com, 2021, https://www.philstar.com/pilipino-star-ngayon/bansa/2021/08/14/2119837/nurses-health-workers-nagbanta-ng-mass-resignation.

Magsambol, Bonz. “Mistakes Were Made: Errors In Deped Distance Learning Materials”. Rappler, 2021, https://www.rappler.com/newsbreak/iq/distance-learning-mishaps-errors-instances-deped-failed-students-school-year-2020-2021.

Magsambol, Bonz. “Teachers Seek Bigger Education Budget In 2021 Amid Pandemic”. Rappler, 2021, https://www.rappler.com/nation/teachers-seek-bigger-2021-education-budget-coronavirus-pandemic.


Timothy James P. Sampang

Timothy James P. Sampang is a campus journalist, an activist, and a writer of essays and columns. Currently, he’s a Grade 11 student taking Science and Technology, Engineering, and Mathematics strand at Iloilo Doctors’ College. He also used to publish Science and Technology articles on his former school’s student publication, The Valley Image as its Feature Editor. Timothy bagged several awards on Schools Press Conferences in his Junior High School years as a participant in the Western Visayas’ RSPC on 2018 and 2019.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s