Muning

Nagkamit ng Ikatlong Gantimpala sa “Peter’s Prize for Covid Literature 2021” (Chapbook)

MAGMULA NANG DALHIN NI MONICA ang napulot na kuting sa kanilang barumbarong, palagi na niya itong idinadantay sa kaniyang puyo. Doon nauubos ang oras ng dalagita, lalo na noong nasuhulan niya ang kaniyang ate na sagutan ang kaniyang modules. Ipinapahiram niya rin kasi ang tablet para magawa ng ate niya ang anomang nauusong challenge sa TikTok, at kung ano pa mang business na kinakategorya niya bilang “masyado ka pang bata para mangialam sa private life ng iba, lalo na sa life ko” sa tuwing inuusisa ng bunsong kapatid.

“Anong ipapangalan mo sa kuting na ‘yan?”

“Muning.”

“Muning…lang?”

“E sa ‘yon ang gusto ko, e.”

“Bahala ka na ngang bata ka. Pusa mo ‘yan.”

“Uy, ‘yong pramis mo sa akin ha, ha, ha?”

“Oo na, oo na. Hindi sasabihin kay Mama na may pusa sa bahay.”

Bumilog lalo ang biloy ng batang babae nang marinig ang sagot ng kaniyang ate. Dinukot niya ang bulsa at inabot ang pera sa nakatatandang kapatid. Nagtataka naman ang ate, pero balewala lang sa bata. Ang mahalaga, nariyan na si Muning — ang kaniyang bagong kalaro, ang kaniyang bagong kasama, ang kaniyang bagong anak.

NAPUPUNO NG HAGIKGIKAN ANG KUWARTO ni Monica sa tuwing umaakyat ang kuting sa kaniyang ulo. Dalawang linggo pa lamang ang alagang pusa sa kuwarto ng batang babae ngunit pakiramdam niya’y taon na ang inilagi nito. Minsan, lalaruin pa ng batang pusa ang kaniyang mahabang buhok. Nariyan ang subukang pagbuhulin ito, at kung hindi magtagumpay ay didilaan ito hanggang sa magsawa sa buhok ng batang amo. Pipisil-pisilin naman ng bata ang kulay-rosas na talampakan ng mabalahibong animal. Napakalambot ng talampakan, parang biloy ng bata…na higit na mabuhok. Muning, dito lang tayo. Muning, laruin mo buhok ko. Muning, dilaan mo ako. Muning, akin ka lang…akin ka…akin lang…akin.

Paboritong laruan ni Monica ang anomang bagay na may buhok: teddy bear, plushies, Barbie doll na inihihiwalay niya ang ulo dahil iyon lang ang parteng mabuhok, rag doll, buhok ng mga costumer ng nanay niyang parlorista, buhok ng kaniyang ate na paiba-iba ang kulay kada buwan, buhok ng kahit sino; basta buhok, o mabuhok, o mala-buhok.

Masidhi ang pantasya ni Monica at sa kaniyang mundo na basta may buhok, tiyak na makapapasok. Sa tanang buhay ng dalagita, ngayon lang siya nagkaroon ng “buhay na buhok” o balahibo mula sa class Mammalia (na hindi mula sa kapwa-tao). Ngayon lang din siya nagkaroon ng alagang hayop sa bahay. Ayaw sa bahay nila ang anomang hayop. Mahirap linisin ang dumi ng hayop, sabi ng kaniyang ate. May hika ako, sabi ng kaniyang kuya. At, putang ina ng kulasisi ng lasenggong tatay niyo na nakatikim lang ng malansang puke na mabuhok ng putatsing sa Kamuning ay hindi na umuwi…ang sabi ng kaniyang ina.

Kaya ganoon na lamang ang kipkip ng bata sa alagang kuting sa tuwing sasaglit ang kaniyang ina, mangangamusta bago muling lamunin ng trabahong masuwerte nang umabot sa minimum wage. Monica anak, ‘yong baon mo ha? Tipirin mo ‘yan. Huwag kang tumulad sa Kuya mo na napariwara kakatira ng marijuana. Putang ina, buti at hindi pa iyan natotokhang sa awa ng Diyos! Saka hoy, Rebecca, ano ‘yong sinasabi nilang nagti-TikTok ka na naman ha? Gaga, huwag ko lang malaman-laman na naghuhubad-hubad ka na namang pakarat ka. Sugar baby, sugar baby ka pang nalalaman? Ulol, panty mo ngang nilalanggam, ‘di mo maisipang labhan! Ang gulo-gulo na ng bahay na ito, buti na lang may nagugupitan pa akong mga buhok!? Paano kung natulad sila sa tatay ninyo: sugarol na nga’t langod sa alak — kalbo pa! Putang ina, salot daw ang mga kulot, e sugo ng demonyo naman ang mga tulad niyang kalbo. Hay nako, maggugupit na lang talaga ako habambuhay? Buti sana kung magugupit ko ang titi ng animal na Rodrigo na ‘yan. Hay, awa ng Diyos muli e hindi tumulad si Tatay Digong sa kaniya — binago niya depinisyon ng “Rodrigo” sa buhay ko. Hay, kahit buhok lang ni Tatay Digong na puwedeng paglibugan. Maiba nga ako, bayad na ba koryente natin? Rebecca, paraanan mo para ‘di tayo maputulan, ha? Diskartehan mo na. Pakantot ka na sa nagmemetro para palusutin tayo sa linya. Malaki naman katawan noon, saka mabuhok ang ano….

Nang marinig ni Monica ang “buhok” mula sa bunganga ng kaniyang ina, abot-tainga ang kaniyang ngiti. Nakita naman ito ng matandang parlorista at doon lamang muli tumindig ang mga buhok sa kaniyang katawan. Dali-dali niyang dinampot ang dresser na naglalaman ng mga panggupit, tumalilis patungo sa pinto, iniiwasan na muling makita ang mata ng anak na hindi matanggal ang ngiti sa kaniyang narinig.

ISINISISI NG NANAY NI MONICA ANG PAGLILIHI sa balut sa kung anomang kawirduhan na tinatakbo ng kaniyang anak. Ngayon lang niya binuksan ang suspetsa nang minsang magpakulay ng buhok (muli) ang kaniyang panganay sa labas ng bahay. Sinamantala nila ang pagkakataon habang uma-attend si Monica ng kaniyang online class.

“Balut? Totoo ba ‘yang lihi-lihi na ‘yan, Ma?”

“Aba’y hindi ka pa ba maniniwala? Sa tingin mo, saan pa magmumula ang pagkawili ni Monica sa buhok-buhok na ‘yan?”

“Alam mo naman mga bata ngayon, mahilig mag-isa, naghahanap ng bagong kaibigan at kalaro. Baka all along, pervert lang talaga siya, Ma…”

“Pervert? Ginawa mo pang mana sa kalibugan mo ‘yong bata. Introvert ‘yon, tanga!”

“Ay siya oo, oo na nga!” asik ng babae habang hawak-hawak ang mangkok ng kutkutin.

“Alam mo Eka, hindi ko alam kung sinusulit mo lang ang libreng hair dye sa salon…o iba rin ang trip mo sa buhay. Aba, nakita ko nang nagkulay silver, red, blue, at green iyang buhok mo. Balak mo bang maging Power Ranger?” sabat ng matandang parlorista.

“Hindi, Ma. Balak kong tularan ‘yong mga sisiw sa palabunutan.”

“Punyeta ka talaga.”

Naghagalpakan ang dalawa bago muling balutin ng katahimikan.

“Kung totoo ‘yan kasi, e saan ako pinaglihi?”

“Sa hitad, Eka. Ang kati-kati mo rin kasing pakarat ka.”

“Mana lang sayo, gaga.”

Nag-iba ang tono ng pananalita ng babae.

“Sa tingin mo nga Eka, nagkakaroon pa rin ng kaibigan si Ikay? Kahit…ganoon siya?”

“Oo naman, Ma. Bakit naman hindi? Masayahin si Ikay, mahilig nga lang talaga sa mabuhok pero friendly pa rin naman siya.”

“Hindi naman kasi ‘yon, ‘nak. Alam mo naman tayo, nuknukan ng hirap. Kung walang magpapagupit, wala tayong lalamunin ni asin. Hingi nga lang sa kapitbahay ‘yong mga laruan at damit-eskuwela ng bunso mong kapatid. Ni hindi ko nga sigurado kung saan siya pupulitin, o makakapag-senior high pa rin siya.”

“Ma, may awa ang Diyos,” mahinang tugon ng babae.

“Pero walang makakapagpaliwanag sa atin kung bakit ganiyan ang anak ko. Bulag, bingi, at baka baldado na rin yata ang diyos!”

“Parang kailan lang ipinagpapasalamat mo pa ngang ibinigay ng diyos si Duterte,” pabalang niyang tugon.

“Ay iba namang diyos ang gumawa ng ikakabuti ng Pilipinas. Hulog ng langit ang mga Duterte! Ay nako, hadlang lang talaga sa mga tao ang muling-pagtitiwala kay Digong itong COVID-COVID na ‘yan. Kaya nga dapat, si Inday Sara naman ang sumunod para mas umayos ang Pilipinas.”

“Siya, ipagamot mo rin kay Duterte itong sakit ni Ikay. Saka ang pag-aadik ni Obet. Saka ang kawalan ko ng trabaho. Payamanin na rin niya tayo. Tutal, malakas pananalig mo sa presidenteng ‘yan,” sabay ngatngat ng butong pakwan.

“Ayan, bagay nga sa iyo ang bagong kulay ng buhok mo. Dilawan! Bayaran! Terorista! Leni lugaw!”

“Ewan ko sa iyo. Baliw!” at sa huli’y umalis na ang babae, dala-dala ang monoblock bago binalibag nang malakas ang pinto. Napatingin naman si Monica sa ngayo’y iritable niyang ate.

“Ibang kulay na naman, ‘te?” inosenteng tanong ng bata. Katatapos lamang ng kaniyang online class.

“Anong tingin mo ha? Isumbong ko ‘yang alaga mo e,” pananakot ni Rebecca sa bunsong kapatid. Dali-dali namang tumakbo ang bata papasok ng kaniyang kuwarto. Dumiretso naman si Rebecca sa banyo para banlawan ang bagong kulay na buhok.

AGAD NA TUMAKBO PAPALABAS ng banyo si Rebecca nang marinig ang sigaw mula sa kuwarto ni Monica. Muling binalik ng dalaga ang kaniyang tuwalya na muntikan nang mahubo sa kaniyang katawan kapapamadali. Pagkabuklat sa manipis na pinto, bumulagta na lamang ang tulalang mata ni Monica, nakatingin sa puting kahon na pinaglalagakan ng alagang pusa.

“Anyare na sa alaga mong kuting?”

“Hindi ko alam, ate. Pagkatapos ko sa klase, ganiyan na siya.”

“Pinapakain mo ba ‘yan?”

“Tinitimplahan ko ng gatas. Dati, dinidilaan pa niya, e.”

“Punyeta naman. Pinadede mo pa ba?”

“Oo, humingi ako ng tulong kay Kuya Obet.”

“Sa kuya mong adik-adik?! Ikay naman, bakit?”

“Wala ka kasi. Hiniram mo pa tablet ko noon.”

“Hay, punyeta talaga. Anong binigay sa iyo?”

“Injection.”

“Ha? Ano?”

“Syringe, ‘yong sa hospital kapag nagpapabakuna.”

“Putang ina talaga ni Obet!”

“Ate…”

“May karayom ang inabot sa ‘yo?”

Katahimikan.

“Sumagot ka!”

Inabot na lamang ng batang babae ang isang malaking supot na naglalaman ng mga gamit na hiringgilya, na walang pakundangan na inabot ng lalaki sa walang-malay niyang kapatid. Hinablot ni Rebecca ang butuhang braso ni Monica, na ngayo’y nanginginig sa takot na mapagalitan ng kaniyang ate.

“Alam mo ba kung para saan ‘to?”

“P-Puwedeng ipang-dede, sabi ni kuya. Basta tanggalan lang daw ng karayom…puwede nang gamitin,” pagtatanggol ni Monica sa sarili.

“Alam mo ba kung saan ginamit ito, Ikay?” Umiling-iling lamang ang bata. Kinusot-kusot ang namumugtong mga mata.

“Alam mo bang nangyari sa kuting mo? Nalason. Lason ang pinaglagyan d’yan ng kuya mo. Tingin mo, magiging ganoon si Obet kung hindi nalason utak niya? Patay na ‘yang alaga mo. Ilibing na natin ‘yan bago mangamoy dito sa bahay,” pandidiretso ni Rebecca. Nanlilisik ang mata’t magkasalubong ang bagong ahit na kilay. Inirerehistro pa lamang ng batang babae ang mga nabanggit ng kaniyang ate. Lason. Pinainom. Patay. Ilibing. Hindi niya mapagtangni-tagni ang kuwentong itinatahi sa kaniyang harapan. Higit sa lahat, hindi niya matanggap kung papaano ang kauna-unahan niyang “buhay na buhok” ay nalagutan ng hininga — sa kapabayaan niya mismo.

“Ano pang hinihintay mo? Pagkabihis ko, dumiretso na tayo sa likod-bahay. Dalian mo bago pa umuwi rito si Mama,” iyon lamang at dumiretso na ang babae palabas ng kuwarto ni Monica.

Pagkasara ng pinto, muling napag-isa si Monica sa kaniyang silid, literal na lalo na’t wala na ang kaniyang alaga, kaniyang kasama, kaniyang anak. Muning, gising ka na. Muning, laro na ulit tayo. Muning, hindi mo ako iiwanan, hindi ba? Muning…Muning…Muning.

Walang ngiyaw ang tumugon sa bawat “muning” na inilabas ng kaniyang bibig. Hinimas-himas ng bata ang balahibo ng kaniyang alaga, na ngayo’y malamig na’t mala-troso sa tigas ng katawan. Lawit na rin ang maliit na dila nito. Pagtingin ni Monica sa nakalawit na dila ng namayapang alaga, napansin niya ang ilang hibla ng puti-abuhin na buhok. Mga hibla ng buhok na mula sa kaniya, noong minsang pinagsasaluhan pa nila ang paglalaro sa maliit niyang kuwarto, noong masigla pang dinidilaan ni Muning ang kaniyang maliit na puyo. Sinasariwa niya kung papaano ang matambok at mabalahibo nitong talampakan ay hinihimas ang bunbunan na nagsilbing tahanan ng kaniyang mga buhok. Memoryado niya ang anomang impormasyon tungkol sa buhok. Sabi ng kaniyang guro sa Biyolohiya, wala naman talagang buhay ang mga buhok — sila lamang ay nagkakaroon ng “hiram na buhay” sa tuwing ito ay nanahan sa hair follicles o mga maliiit na supot na pinagtitirikan ng mga buhok. Ganoon din daw sa mga hayop katulad ng aso at pusa. Sa mga kuting, madalas na ang mga inahing pusa ang dumidila sa kanilang mga balahibo hanggang sa magkaroon na rin ng kaalaman ang pusa kung papaano dilaan ang sarili. Dinidilaan ng inahing pusa ang kuting. Dinidilaan ng utak ng bata na siya’y isang ina ng kuting. Dinidilaan ng bata ang kaniyang braso. Dinidilaan ng bata ang pagiging ina. Dinidilaan ang ina hanggang sa ito’y maglabas ng mga kuting. Dinididilaan ni Monica ang kuting. Dinidilaan ni Monica si Muning.

May kakaibang sensasyon na umaarko sa likuran ng bata. Higit niyang nauunawaan kung bakit dinidilaan ng kaniyang pusa ang kaniyang buhok, at kung bakit dapat ginawa niya rin ito noon pa man. Patuloy na dinilaan ni Monica ang tiyan ng naninigas na kuting hanggang sa mabalot ang kaniyang dila ng puti’t abuhing balahibo. Nilunok niya ang balahibo ni Muning, tanda sa sarili na habambuhay nang mananahan (o hanggang sa hindi ito inilalabas ng kaniyang tumbong) ang alaala ng kaniyang pagsasama — at pagdidilaan ng mga buhok.

Nang marinig ang papalakas na pagyabag patungo sa kaniyang silid, agad na isinara ni Monica ang puting kahon, kisapmatang sinilip si Muning sa huling pagkakataon. Bago pa man mabuksan ni Rebecca ang pintuan ng silid, nakatayo na si Monica, tangan ang tahanan na magsisilbi na ring libingan ng panandaliang alaga.

ISANG LINGGO ANG MATULING LUMIPAS. Isang linggo na ring walang anino ni Muning sa kuwarto ni Monica. Pagkatapos ng kaniyang online class, katulad ng dating gawi, ay agad niyang ikukulong ang maliit na katawan sa malawak niyang kuwarto. Dito, pupunuin niya ang bibig sa kaniyang mga buhok. Kung dati ay nagkakasya siya sa pagdila ng mahaba niyang buhok, nawili na rin siya sa paggupit-pagnguya nito. Pinipiraso niya ang mga hibla ng buhok hanggang sa maging kasing-igsi ito ng mga balahibo ni Muning. Isa-isa niya itong ilalapat sa dila, pagugulungin sa loob ng bibig hanggang mabalot ng laway ang bawat hibla bago niya ito lunukin.

Isang linggo na rin niya iniisip ang buhok ng kaniyang ate. Gusto niyang makatikim ng ganoong klase ng buhok. Hinimas-himas ng batang babae ang kaniyang sikmura, pinunasan ang naglalaway na bibig sa nakalugay na buhok ni Rebecca. Ngayon lang niya nakita ang ganoong klaseng buhok; parang matamis, masarap kainin. Iniisip ni Monica ang pakiramdam na nilalaro ng kaniyang dila ang “buhay na buhok” sa kaniyang harapan. Higit na naliligayahan siya sa tuwing naiisip niya na pira-pirasuhin ang mga hibla, hanggang sa magwangis ito sa kulay-ginto na balahibo ng pusa — katulad ng buhok mula kay Muning — kayraming puwedeng gawin sa buhok ng kaniyang ate.

Bukas na bukas, kalkulado na niya ang gagawin. Balak na ibigay ni Monica ang inipong pera sa loob ng sampung buwan (na para sana sa litter box ni Muning) sa kaniyang kapatid. Mga nasa isanlibong piso mahigit na rin iyon. Hindi naman makakatanggi ang kaniyang ate, basta may usapang pera. Talagang hindi lang din niya matiis ang temptasyon na mahawakan at makakuha ng kahit kakarampot na piraso ng “buhay na buhok.”

At ngayon, alam na ng murang kaisipan ni Monica, na may mga hilig at hiling sa buhay na sadyang kayhirap pakawalan.


Maria Kristelle C. Jimenez

Maria Kristelle C. Jimenez works as a freelance writer, layout artist, and website specialist in Pampanga. Some of her works have been recognized by the Saranggola Blog Awards and the Gawad Digmaang Rosas. Her topics revolves around new media, pop culture, and the postmodern. Email Maria at: maria@voxpopuliph.com.

One thought on “Muning

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s