Labirinto ng Kalibugan

Normal na gabi lang naman ang lahat, sana at dapat, nang magkayayaan kami-kaming magkakaibigan na lumipat ng pagtatambayan mula sa isang bar sa Cubao tungo sa isa pa. Nag-aalinglangan at nagdadalawang-isip man ay sumama pa rin ako sa year-end celebration na ito ng barkada. Nag-aalinlangan dahil sa mga panahon na ito ay kaunti na ang mga tao sapagkat nagsisiuwian na sa probinsiya ang karamihan upang doon na salubungin ang bagong taon. At dahil dito, karamihan na ring nagsasara nang maaga ang mga bar sa Quezon City o ‘di kaya ay sinsamantala na ang pagkakataon na ito upang ipaayos o renovate ang mga bars and clubs. Sa kabilang banda naman ay nagdadalawang-isip na rin ako dahil ang mistulang “bar-hopping” na plano ng barkada ay magastos, lalo na sa kasalukuyang pagtaas ng mga bilihin dulot ng TRAIN Law at Christmas season, bukod pa sa nakakapagod na rin ang pag-ikot-ikot sa gabing ito.  

Pagkaraan bagtasin ang kahabaan ng Quezon City ay narating na rin namin ang naturang ikalawang club na lingid sa kaalaman ng ilan ang naturang club ay may tinatagong mala-“paraisong” bathhouse din. Sa pagpasok namin ay kaming tinanong kung first time ba naming sa lugar na siyang sinagot ng kasama naming na dating nagtrabaho din sa club na ito na hindi ngunit ang ilan sa kasama niya ay bago sa lugar. At sa diinaasahang pagkakataon sinabihan kaming “Sir, sarado po ang karaoke level, mag-bathhouse na lang po kayo” sa pangyayaring ito ay wala na rin kaming choice kundi dumiretso sa bathhouse na sana’y magiging side trip lang ng ilan sa amin.

Bago pumasok ay nanghingi na ang mga nag-assist sa amin ng ID upang matukoy ang aming edad atsaka nagbigay ng form na dapat sagutan at lagdaan. Tinanong at ipinaliwanag din sa amin ang mga babayaran na hindi naman lalagpas ng limang daang piso. Ang bayarin na ito ay nakabase sa gaano katagal ang membership namin sa club, sa mga gagamiting kagamitan sa loob, at entrance fee. Katulad ng anumang establisimiyento sa siyudad na nagbibigay-aliw sa gabi maging bar o club, na pang straight o hindi man, ang mga operasyon ng ganitong negosyo ay nangangailangan ng kita upang mapatakbo at ang tanging pinagkaiba lamang ay ang paniningil ng “membership fee” na nangangahulugan na isa kang potensiyal na maging parokyano ng nasabing club.

May ilang mga akda na rin ukol sa mga ganitong kalakaran sa siyudad na tumatalakay kung papaano ba gumagana ang opersayon ng mga ganitong espasyo at papaano nababago ng neoliberal o neokapitalismo ang oryentasyon natin sa mga ganitong karanasan. Sa akdang libro ni Kevin Floyd na “The Reification of Desire: Toward a Queer Marxism” tinatalakay ni K. Floyd sa librong ito kung papaano ang teorya ng Marxismo, mula kina Karl Marx, Bertolt Brecht, at iba pa, ay nakakaapekto sa pagbuo ng kultura, kaisipan, at kasanayang kweer. Ayon sa kanya “As capital is accumulated in more and more technologically efficient, productive industries, labor is also displaced from them, and these accumulations of capital and labor are subsequently reinvested in production of new goods as well as services”(pg. 45) naniniwala siya sa makapangyarihang kakayahan ng kapital o kapitalismo upang makabuo ng isang kasanayan o kultura na tulad ng kweer at sa pagkakataon na ito katulad ng aming hinarap ang paniningil sa membership fee ay isang manipestasyon ng paggamit sa kapital sa espasyo ng kweer. Mula sa pagbabayad na ito napapatakbo ang isang bathhouse na napuntahan namin, napapasuweldo ang mga empleyado, at nakakatulong din sa pagpapatakbo ng ilang malilit na industriya. Pero ano nga bang problema sa ganitong kalakaran? At ano-ano ang kahulugan ng ganitong uri ng industriya kung saan lahat ng tao nakikinabang sa kapital ay hindi lang mga miyembro ng LGBTQ kung di maging mga heterosexuals, cisgendered o yaong mas kilala sa tawag natin na straight?

Ang inisyal na pangyayaring ito ay ang pakikipagkontrata ng mga potensiyal parokyano at mga madalas na rin tagatangkilik ng nasabing lugar. Ito ay ang pagkakataon kung saan tatanungin ka kung anong uri ng membership ang iyong gusto nababase sa tagal ng validation ng iyong card dagdag na rin dito ang iba-iba pang bayarin at ang pag-iwan ng mga kagamitan sa counter. May ilan pang pagkakataon kung saan magbabayad kang muli dahil sa loob naman ay may maliit na bar na siyang nasa kabila ng mga paliguan kung saan maaari kang bumili ng maiinom at sigarilyo—samantalang sa itaas na bahagi ng naturang gusali ay ang isa pang mala-labirinto na palapag na puno ng mga kuwarto. Dito naman ay maari kang tumawag ng magmamasahe sayo at magkulong sa isa sa mga kuwarto at kung tatamaan ka ng tamang kati at tamang kalibugan maaari ka na rin magpa-extra-service.

Pagkaraan ng inisyal na pirmahan at bayaran, pinapasok na kami sa loob kung saan may dalawang lalaking naghihintay upang ibigay namin ang aming mga mahahalagang kagamitan tulad ng cellphone at wallet. Pagkatapos naming iwan ang mga gamit ay binigyan na kami ng mga susi para sa unang locker na naglalaman ng mga importanteng gamit at sa ikalawang locker na pag-iiwanan naman namin ng mga damit sa loob. Sa pangalawang kuwarto kung saan naroon din ang ikalawang locker napag-iiwan naman namin ng damit ay mayroon din dalawang lalaking naghihintay na nakasuot ng puting damit. Dito ay tatanungin kang muli, nang mga ilang staff na lalaki ngunit ito naman ay sa kung anong kulay ng tuwalya ang nais mong suutin. Ang pagsuot at pagpili naman ng tuwalya ay batay sa iyong preferred bed role kung bottom ay pink, kung versa ay puti, at kung top naman ay blue.  

Hindi ko rin sigurado kung anong sikolohiya o lohika sa likod ng mga kulay at ang pagkakaugnay nito sa bed role mo ngunit ang tanging sigurado ako ay muli,  ito ay isang uri ng kontrata na kung saan sa pagpili ng tuwalya at kulay nito ay iyo nang nilalagdaan ang kasunduan na “game” ka sa mga magaganap sa loob. Sa libro ni Dianne Chilshom na “Queer constellations: subcultural space in the wake of the city” tinalakay niya ang tila pagiging sexualized ng siyudad batay sa pagdaloy ng panahon at maging sa paglaki at paglawak ng kapitalismo. Inisa-isa ni D. Chilshom ang mga pangyayaring ito gamit na din ang mga akda at teorya ni Walter Benjamin. Ayon pa kay D. Chilshom:

“The gay bathhouse provokes “increased sexual expectations and the commercialization of desire” in the fashion of the arcades, where commodities radiate sexuality and sexuality promenades as commodity, both richly enhancing the incitement to consume. In this space, sexuality is liberated from traditional (conventional, moral, legal) reproductive relations by and for the seductions of commodity exhibition and exchange. Gay baths exploit this liberation to “revolutionary” capacity while subjecting patrons to the volatility of fashion.” (pg. 15)

Sa loob ng bathhouse, ayon kay D. Chilshom, ay nabibigyan ng pagkakataon na palayain ang mga nasa at pagnanais na tila taboo sa labas ng bathhouse kung saan hindi nalilimitahan ang mga galaw ng sangkabaklaan batay na rin sa iba’t ibang operasyon ng heteronormatibong ideolohiya na namamayani sa labas nito.

Kontratang seksuwal ang unang pumasok sa isip ko sa pagkakataon na ito. Naghubad na rin kami sa lebel na ito ng naturang club at iniwan ang aming mga kagamitan sa pangalawang locker. Pagkaraan nito ay sinuot na namin ang aming mga towel na siyang nagkubli ng aming mga pagkalalaki atsaka bumababa sa basement kung saan ang una mong makikita ay ang bar at ilan pang kalalakihan na nakatopless din at tanging tuwalya lang din ang suot sa ilalim ng mala-kulay rosas na ilaw, nakaupo, naninigarilyo, at uminom. Sa kabilang banda naman ay ang mga paliguan kung saan una naming sinuyod upang makita ang lugar at makapagbanlaw. Paghahanda ba sa mga maaaring mangyari sa loob ng “sin house” kung tawagin ng isa sa aking mga kaibigan.

Ang bawat shower cubicles na bukas may maaininag kang dalawang tao na naililigo ng sabay sa isang cubicle o kung hindi man ay mayroon  mga nakatingin sa mga taong dumadaan habang nagbabalaw ng katawan. Tanging ilaw na dark blue lang ang iyong gabay sa pagpasok dito. Sa helera ng mga shower room na ito ay may iba-iba pang paliguan at magingmangilan-ngilan na palikuran. Mayroon din shower room na tila aquarium na maaari kayong sabay-sabay na maligo kung maramihan at ang tanging tabing ng pintuan nito ay mga kadenang parang kurtina. Sa likod ng mala-aquarium na ito makikita naman ang isang madilim na pasilyo na kung saan tanging silweta na lang ng mga taong nasa loob ng kadiliman na ito ang iyong  makikita.

Sa kabilang dako naman isang hall na patungo sa sauna at steam room. Ang unang kuwarto na aming pinasok ay ang sauna kung saan ang mga upuan ay gawa lang sa kahoy tulad ng na din ng iba’t ibang sauna sa kalakhang Quezon city. Pagpasok ay may lalaking nakaabang na sa gilid ng pintuan sa loob nagmamasid sa mga papasok. May ilang kalalakihan ang nasa loob na ng sauna ngunit mga tahimik lang silang nakaupo at nagmamasid. Sunod ay ang steam room naman kung saan madilim at pawang ang sementadong upuan lang ang iyong makakapa na siya namang pahaba at may kanto sa dulo na napakadilim. Sa dilim na ito ay may naaninag akong dalawang lalaki na muli ay nagsasalo sa sarap ng kadiliman. Parehas namang madilim ang nasabing mga kuwarto ngunit sa sauna ay may kaunting aninag pa ng liwanag mula sa bintana nitong parihaba samantalang sa steam room tanging liwanag lang na nagmumula sa pagbukas ng pintuan ang iyon makikita.

Maya-maya pa ay pumasok na muli sa steam room kung saan kami nanatili nang saglit. Umupo ang isa na medyo may kalakihang lalaki sa tabi ng aking kaibigan pero sa totoo lang kanina ko pa siya nakikitang pinagmamasdan ang isa sa aking kasama mula sa sauna. Pagkaupo ng mamang ito ay inilagay niya ang kamay niya sa hita ng isa sa mga kaibigan ko na bago lang din sa lugar. Nagulat siya at natatarantang umalis sa steam room. Kinausap namin siya sa labas at sinabi naman niyan ayos lang siya. Dito naming napagkasunduan na umakyat naman sa third floor kung saan makikita ang mga kuwartong pinagmamasahian kapag ikaw ay nag-request o di kaya ay ginamit kapag naghahanap ng pagkakainitan ng laman.

Sa pag-akyat namin ay nakita ko naman ang mga kuwarto na tila may disenyongbalat ng zebra, isang pattern na pa-zigzag at nakakahilo, may mga upuan sa labas at may mga bukas na silid at mga mangilan-ngilan na sa sarado din, naka-lock mula sa loob. Pumasok kaming magkakaibigan sa isang kuwarto, umupo, at nag kuwento kung anong nangyari at ano bang dapat gawin bagama’t bago ang ilan kong kasama, at ako naman ay bago rin ngunit nakapanood na ng mga pelikula o di kaya’y nakabasa ng mga kuwento na may mga banghay na katulad nito, minabuti pa din naming umiwas sa mga taong hindi kilala. Maya-maya  pa ay may sumilip muli sa kuwarto na pinuntahan namin at ito ay walang iba kundi ang mamang humawak sa hita ng kaibigan ko. Nagpasiya kaming umalis kagad sa silid at umikot muli sa mala labirinto ng kalibugan na ito.

Habang umiikot ay may napansin na kong nakatingin sa may dulong pasilyo, siya din ang lalaking una kong nakita sa baba na nagpatunog naman ng kanyang mga susi habang naglalakad at ang unang lalaki ko ding nakita naka upo at nagmamasid sa amin sa pag-akyat. Naktingin lang siya habang hawak-hawak ang ari niya na bakat na bakat sa tuwalya na tila sinasapo naman ng kamay at ng tuwalyang nais nang bumigay sa pagkakapit sa baywang nya habang malagkit kang tinititigan. Asul ang tuwalya nya. Bigla kaming tinawag ng isa naming kasama na dating nakapunta sa bathhouse na ito.  Pinakita niya sa akin ang isang kanto ng palapag na iyon na ang tanging makikita mo lang ay telebisyon na may male to male porn na ipalalabas. Ang kuwento niya pa sa akin ay sa unang pagpunta niya daw dito madaming tao sa palapag na ito at bawat kanto ay may naghihitay na lalaki na tila mangaalok sa’yo, samantalang sa sulok na ito ay may mga lalaking nagsasalo-salo sa pinapanood nila habang nagpipista ang mga katawan nila sa mga laman, kamay, at bibig. Samu’t saring likido at sensasyon ang nagaganap sa espasyo na iyon.

Inikot-ikot ko pa ang lugar, ginalugad, at nagmasid-masid pa bago ko namalayan na wala na ang aking mga kasama . Nakakahilo. Nakalilito. Hindi ko na sila makita hanggang sa nagdesisyon na kong bumabang muli sa mga paliguan. Dito ko na natunghayan ang tuluyang paglaya di umano ng mga nasa at init ng katawan ng aking mga kasama. Sa paghahanap sa dilim, sa pagkaligaw, aking natunghayan ang kanilang pagkawala. Sa sulok, sa loob ng sauna, mayroon na silang kanya-kanyang mundo. Hindi ko alam ang mararamdaman ko ngunit nanatili akong tumatalikod? tumututol? tumatanggi? nagreresist sa loob ng espasyo na ito. Nanatiling nagtatanong at nag-iisip ng maraming bagay. Hindi Minotaur katulad ng sa Griyegong mitolohiya ang makikita mo sa ganitong labirinto kundi mga kalalakihang hubad, mga masahistang magbibigay serbisyo at temporal na paglaya ng pagnanasa mula sa’yo. Sa kadiliman ay walang sisinuhin, sa kalibugan lahat ay tatanggapin.

Sa pagninilay-nilay muli kong naalala ang ilang mga nabasang artikulo ukol sa bathhouse culture mula sa iba’t-ibang lugar tulad ng sa Estados Unidos, Australia, at Japan. At karaniwang sinasabi na sa loob ng espasyo na ito ay may kalayaan ang seksuwalidad. Tinanong ko ang sarili napapalaya nga ba talaga tayo ng ganitong modus operandi mula sa mapang-aping sistemang na nag-uugat sa paglilimita sa kasarian? Nagbabago at patuloy rin lumalawak ang kakayahan ng kapitalismo, inaangkop nito ang iba’t ibang pangyayari at kaganapan sa buhay ng tao at isa na riyan ang sekswalidad. Sa ganitong uri ng naratibo, nabubulag tayo sa sarap na dala ng kalibugan at tuluyan nang naninindigan sa paniniwalang mapagpalaya ang mga ganitong espasyo ngunit sa kabilang banda dapat din nating isipin kung ano ba talaga ang mapagpalaya. Problematiko ang kaisipan na ang mga bathhouse ay mapagpalaya lalo na’t kumikilos ito sa sistema ng kapitalismo na siyang dahilang kung bakit hindi tunay at matagumpay ang paglaya ng seksuwalidad at kasarian. Hindi rito dapat natatapos ang konsepto ng paglaya alinsunod sa madulas, marumi, at malikot na diskurso ng seks at sekswalidad.

Humihingi ng kapalit na salapi ang mga ganitong epasyo, may kontratang kailangang bayaran na siyang humati sa mga taong sana’y nakakapagpalaya ng kanilang mga sarili. Temporal din ang kalayaan sa loob ng mga ganitong espasyo ibig sabihin pagtapos na ang iyong subscription at tapos na ang opening hours ng naturang bar tapos na din ang iyong paglaya. Kailangan unawain pa nang mas malalim ang kasarian at ang konsepto ng kalibugan o ng pagnanasa sa ating kamalayan bilang Filipino. Mababaw ang pagkakaintindi natin kung sasabihin natin na ang paglaya ng kasarian ay napapaloob lamang sa mga ganitong lugar at pangyayari. Kung sa “Diccionario De La Lengua Bisaya, Hiligueina Y Haraya de la isla de Panay” ang ibig sabihin ng libog o calibugan ay paghahalo-halo ng lahi ng tao o paghahalo-halo ng uri ng hayop  at klase ng halaman at sa ilang wikang Filipino tulad ng Cebuano nangangahulugan pagkalito o pagkaligaw ang salitang libog, maaari nating sabihin na isa sa pangunahing pamamaraan upang makalaya ng tuluyan nga sa mapangaping sistema ng patriyarkal na lipunan ay ang lituhin at iligaw ang mga maling paniniwala ukol sa kasarian, damdamin, at nasa. Kailangan halu-haluin at gulu-guluhin ang ating mga maling pag-unawa sa ating sarili na dala-dala at pilit na ipinasubo sa atin ng mga dayuhan. Nang sa gayon, sa mga paghahalo-halo ito, sa mga pagkawala at pagkalito, tuluyan na nating mailigaw ang mga maling paniniwala sa sarili at kasarian at sa pagkakataong yaon tunay na may kalayaan na sa kalibugan.


John Paolo Sarce

John Paolo Sarce is a teacher, graduate student, and Ru Paul Drag Race fan. Most of his works focus on queer theory, medical humanities, postcolonial, and critical pedagogy.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s