Habambuhay na Kalungkutan

Habambuhay na Kalungkutan

“Sinasabi ko na nga ba’t andito ka na naman e,” bati ni Esme kay Tonyo.

“May kailangan ka?” matabang na sagot ng lalake sa dumating na kasamahang naupo na sa kaniyang tabi. Ni hindi niya ito tinapunan ng tingin sapagkat nakapako lang sa kalangitan ang kaniyang mga titig.

“Hmmm…wala naman,” tugon ni Esme. “Ilang araw na lang kasi’y kabilugan na, mahihirapan tayo kung parati tayong hindi magkasama. Baka maisipan mo na namang mag-MIA,” paalala niya sa binata.

“Ah…”

“Nakalimutan mo na naman, ano?” natatawang tanong ni Esme.

“Ano na nga bang araw ngayon?” tanong ni Tonyo bilang sagot.

Sa tagal na ng panahong lumipas sa buhay ni Tonyo’y nawalan na ng halaga sa kaniya ang oras. Hindi na niya tanda ano na bang araw, buwan or taon ang ngayon. Araw at gabi na lamang ang kaniyang kinikilala.

“Hay naku!” sabi ni Esme na halata ang pagkadismaya sa kasama.

“Hehehe. Pasensiya ka na, ha?”

“Siya nga pala, itiniktik pala no’ng kumpare mong tiktik sa akin na may buntis sa kanilang barangay,” sinubukan ni Esme na ibahin ang kanilang paksa.

“Malapit na raw manganak ang ina at dinig niyang mahina ang heartbeat ng sanggol sa kaniyang sinapupunan. Sa tingin niya’y mamamatay rin ang ina sa panganganak. Kaya dating gawi, sa kaniya ‘yong sanggol, sa atin ‘yong ina.”

“Ah…”

“Ah? Hakdog!” Natawa na lamang si Tonyo sa kaniya Esme.

“Tawa ka diyan. Ano ba kasing iniisip mo? Ilang araw ka nang tulala at mag-isa dito sa bubongan. Hindi ka ba natatakot makita ng mga tao?” tanong ni Esme sa kaniya habang sumisilp silip sa ibaba ng kanilang bahay.

Tatlong palapag ang tahanan nilang dalawa. Bagama’t rooftop ang ikatlong palapag, may bubong ang kalahati nito upang may masilungan sakaling umulan. Doon kasi sila nagpupulong kasama ng iba pa nilang kauri.

“Ilang taon na nga ba?” biglang tanong ni Tonyo sa kasama.

“Sino? Ang alin?” pagtataka ni Esme.

“Ikaw…at ako.”

“Bente-nwebe ka, bente-sais naman ako ngayong taon,” sagot niya.

“‘Yong totoo?” muling tanong ni Tonyo. Hindi pa rin niya tinitignan ang kasama kaya’t napatingin na lamang sa kaniya si Esme na patuloy ang pagtataka.

“Ah…” walang ganang sagot ng dalaga.

“Hakdog,” bawi ni Tonyo.

Napahagalpak si Esme sa narinig mula kay Tonyo. Hindi niya inaasahang babawi ng pang aasar ang kasama sa kaniya. Sa wakas ay tinignan na rin ni Tonyo si Esme na may kasamang tipid na ngiti sa mukha.

“Sira ka! Hahaha! Three hundred sixteen ka na, ninety-five pa lang ako,” sagot ng dalagang tawang tawa pa rin sa kaniya.

Kapwa-imortal sina Tonyo at Esme. Matagal na panahon na simula noong huminto ang kanilang pagtanda. Matagal na panahon na rin silang umiiwas sa tao sa kadahilanang ito.

“Pang-ilang bayan na natin ito simula no’ng magsama tayo?” muling tanong ni Tonyo na ngayo’y nanumbalik sa pagiging seryoso.

“Ano ba ito? Pop quiz? Pang-pito na,” sagot ni Esme.

“Marami-rami na rin pala, ano?” muli niyang tanong.

“Oo. Pero sa lahat ng natirhan natin, pinakagusto ko pa rin sa Roxas. Ang dami kong naging kaibigan do’n,” kuwento ni Esme.

“Maaari ka pa namang bumalik doon kung nanaisin mo,” sabi ni Tonyo.

“Ha? Bakit ako lang?”

Tinignan ni Esme ang kasama. Hindi mapigilan ng dalaga ang pagkunot ng kaniyang noo sa sinabing iyon ni Tonyo.

Kanina pa niya nararamdaman ang kakaibang awrang nagmumula kay Tonyo. Hindi na bago sa kaniya ang pagiging tahimik at laging pag-iisa ng kasama. Sanay na siyang laging hinahanap at pinapaalalahanan si Tonyo sa lahat ng importanteng bagay sa kanilang pamumuhay. Pero sa pagkakataong ito’y may kakaiba sa binata. May mali. At hindi niya malaman kung ano ito.

“Kaya mo namang mag-isa. Kaya mo na,” sagot ni Tonyo.

“Gusto ko kasama pa rin kita. Nakalimutan mo na ba ang pangako ko sa ‘yo?” agad namang tugon ni Esme.

Ang kaninang natatawa nilang mga mukha’y napalitan ng blankong ekspresyon. Mistula ring nagbago ang kanilang paligid. Naging tahimik maski ang hangin at lumaganap ang katahimikan sa kanilang kinaroroonan.

“Hindi. Hindi ko makakalimutan iyon,” sagot ni Tonyo.

“Mabuti naman,” marahan niyang sagot.

Nakaramdam nang kaunting ginhawa at kasiguraduan ang sagot ni Tonyo sa kaniya.

“Simula noong iniligtas mo ang buhay ko mula sa mga hapong iyon, ipinangako kong pagsisilbihan kita, hindi ba?” patuloy niya.

Tango ang unang isinagot ni Tonyo sa kaniya.

“Pero hindi mo naman kailangan gawin iyon. Alam mo namang mali na ginawa kitang kauri ko…nang wala ang iyong permiso.”

“Wala akong nakikitang mali sa pagliligtas sa isang babaeng kamuntik nang mamatay matapos gahasain ng mga sundalong dayuhan,” pagdidiin ni Esme.

“Sa pagliligtas, wala. Pero ang kagatin ka? Hindi ko na dapat idinamay ang isang tulad mo sa sumpang ito,” sumbat naman ni Tonyo sa kaniya.

“Pagtatalunan ba natin ito ngayon, Antonio?” iritang tanong ni Esme sa kaniya.

Muling tumahimik ang dalawa. Parehong nakatitig sa dumidilim na kalangitan. Ang isa’y hindi makasagot, and isa naman ay nagpipigil ng luha.

Matapos ang ilan pang saglit ay sabay na bumuntong hininga ang dalawa. Kapwa nakatitig pa rin sa kalangitan na ngayon ay mayroon ng buwang natatakpan ng mga ulap.

“Pasensiya ka na, Esmeralda,” halos bulong ang pagkakasabi ng binata.

“Alam kong kalian ma’y hindi mo ako makikita bilang isang ganap na babae. Mananatili at mananatili ako sa iyong mga mata bilang isang batang sinagip mo mula sa bingit ng kamatayan. Pero sana naman, sana naman ay hayaan mo akong pagsilbihan ka bilang pasasalamat sa buhay na ibinigay mo sa akin,” paliwanag ni Esme na hindi na napogilan ang pagluha.

“Isa pa’y napakatagal na ng pangyayaring iyon para magsisi ka pa. Masaya ako at mapalad sa ginawa mo sa akin, Antonio. Masaya ako bilang isang bampira,” buong pusong paliwanag niya.

Dalawa lamang sina Antonio at Esmeralda sa bilang ng mga natitirang bampira sa Pilipinas. Patuloy silang nabubuhay at nakikihalubilo sa mundo kasama ang mga mortal. Ngunit taliwas sa mga kuwentong nakalakhan ng mga tao, hindi sila sensitibo sa araw, bawang, krus o maging sa holy water. Para silang mga normal na tao maliban sa kanilang pagka-uhaw sa dugo ng tao at sa kakayahang magbago ng anyo.

Dahil sa paliit nang paliit nilang populasyon ay kailangan nilang maging sobrang maingat sa lahat ng bagay. At simula nga ng makasama ni Tonyo si Esme, mag-asawa ang pakilala nila sa kanilang mga nakakasalamuhang mortal. Hindi naman kasi nagkakalayo ang kanilang mga edad nang maging ganap na bampira.

Walang maisagot si Tonyo. Malinaw sa kaniya ang damdamin ni Esme—ang kaniyang pangako maging ang kaniyang espesyal na pagtingin para sa kaniya. Ngunit para sa kaniya, sila ay nasa ilalim ng isang sumpa. At malaking pagkakamali ang nagawa niya kay Esme. Para sa kaniya’y siya ang nagbigay ng sumpa sa dalaga. Kaya’t hindi niya magawang suklian ang nadarama ng dalaga dahil parati siyang inuusig ng konsensya.

“Alam mo, may isang bagay akong nagustuhan mula sa mga hapon. Iyong seppuku,” pagbasag ni Tonyo sa kanilang katahimikan.

“Seppuku?” ulit ni Esme.

“Seppuku.”

“Pagkain ba ‘yon? Masasarap kasi mga pagkain nila e,” inosenteng tugon ni Esme na muling naging mahinahon.

“Hindi,” marahang sagot naman ni Tonyo. “It’s a form of ritual suicide.”

“Antonio!!!” agad na sigaw ni Esme sa kaniya. Muling nabalot ng emosyon si Esme sa sinabing iyon na kasama.

“Ginagawa nila ito para mabalik nila ang karangalan ng kanilang pangalan. Hindi ba’t napakadakila noon?” patuloy na paliwanag niya.

“At sinasabi mo ito dahil?” tanong ni Esme na pilit na pinakakalma ang sarili.

“Kung anoman ang iniisip mo, nakikiusap akong ibaon mo iyan sa limot ngayon din at huwag na huwag mong isiping gawin.”

Ngunit sa halip na sumagot ay nginitian lang ni Tonyo si Esme at ginulo ang kaniyang buhok.

“Pasensya ka na, Esmeralda. Tatlong daang mahabang taon na ang inilalagi ko sa mundo. Hindi ko na alam kung makakayanan ko pang mabuhay ng higit pa doon,” pagpapaliwanag ni Tonyo.

Napapikit na lamang ang dalaga sa narinig. Dahan dahan ring nanumbalik ang pagdaloy ng kaniyang luha.

“Paano naman ako?” tanong niya. “Paano ako magpapatuloy kung wala ka?”

“Magpatuloy ka para sa akin,” tugon nito.

“Makasarili ka!” sumbat ni Esme. “Nais mong magpatuloy ako para sa’yo gayong gusto mong tapusin ang sarili mong buhay?”

“Siguro nga,” pagsang ayon ni Tonyo sa kaniya. “Isa akong makasariling bampira.”

“Kaya’t iiwan mo akong mag-isa, ganoon ba? Tatakbuhan mo ako? Na iyong responsibilidad?” sunud-sunod na tanong ng dalaga.

“Kung gayo’y sabayan mo na lang ako. Napakahaba na rin ng halos walumpong taon,” pagkukumbinsi ni Tonyo sa kaniya.

“Hibang ka na,” ang tanging nasambit ni Esme sa kaniya.

Minsan pang yumakap ang katahimikan sa kanilang dalawa. Kapwa walang masabi, kapwa ayaw kumibo.

“Tapos na ang usapang ito,” sabi ni Esme sabay ng kaniyang pagtayo. “Hindi na natin ito kailanman pagtatalunan pa. Bababa na ako at maghahanda ng hapunan. Bumaba ka na rin maya-maya.”

Agad na tumalon si Esme mula sa bubong at naglakad papalayo kay Tonyo. Kasabay ng kaniyang mga yapak ang patuloy niyang pagluha.

Naiintindihan ni Esme ang kalungkutang nadarama at ang paghihirap ni Tonyo. Sa tagal na ng kanilang pinagsamahan ay batid niya na hindi niya kayang tugunan at punan ng kaligayahan ang damdamin ng kasama. Naiintindihan niya ngunit hindi siya sang ayon sa nais nitong mangyari.

Parang bombang nag-aantay ng tamang panahon upang sumabog si Tonyo. Alam niyang kinakain na ng kalungkutan ang puso niya. Ngunit maski sa kahuli-hulihang sandali ay ayaw ni Esme itong tanggapin. Gusto pa rin niyang maniwalang magagawa niyang baguhin ang takbo ng isipan ni Tonyo.

Sa halip na sundan ni Tonyo si Esme ay nanatili siya sa bubong. Muli niyang ipinako ang mga tingin sa buwang malapit nang mabuo. Unti-unting nahawi ang mga ulap na tumatakip dito at dahan dahan ring lumiwanag ang paligid.

Maya-maya ay isang mahabang buntong hininga ang kaniyang pinakawalan bago dukutin mula sa loob ng kaniyang damit ang isang mahabang punyal na gawa sa purong pilak.

“Parang kagat lang siguro ng langgam,” pagkukumbinsi niya sa sarili habang natatawa.


Annalyn C. Biagtan

Si Annalyn C. Biagtan, o Aleen para sa kaniyang mga kaibigan, ay isang paumpisang manunulat mula sa bayan ng Mapandan sa Pangasinan. Nangangarap pa rin si Aleen na makitang nakaimprenta ang kaniyang pangalan sa pabalat ng libro. At bagama’t aminadong seasonal kung magsulat, ay marami pa rin siyang gustong simulan na pahina. Magpadala ng mensahe kay Aleen: aleen@voxpopuliph.com.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s