Si Juday at iba pang mukha ng 90s Notebook

Maraming mukha ang lipunan. At, makikita sa bawat pahina ng kani-kaniyang kuwaderno ang umpisa’t katapusan ng pagkonsumo para mapanatili ang kani-kaniyang mukha.

Bahagi ng paglalakbay natin palabas ng apat na sulok ng tahanan ang notbuk. Dito, nailalapat gamit ang mga salita, imahen, at larawan ang kung anomang puwedeng ibahagi. Payak man, o kakaiba sa tipikal—nariyan ang notbuk upang paglaanan ng anomang ‘hirit’ natin sa mundo. Kaya naman, hindi kataka-taka kung bakit personal sa bawat bata ang histura ng kani-kaniyang notbuk.

Marahil, nasa consensus ng kamalayan ng pagkabata ang pagiging image-conscious natin. At hindi lamang ito makikita sa hitsura ng bag, o sa kung paano inaayos ang pagkain sa lunchbox (kung mayroon man). Sa katunayan, masasabi ng hitsura ng notbuk ang upbringing ng isang bata. Sinasalamin nito ang kumikintal na kaisipan ng paslit—at kung anoman ang nais niyang makita sa kaniya ng mundo.

Originally tweeted by G⁷🏖 | #DutertePalpak (@OhEmGIL) on March 13, 2017.

Magmula nang umusbong ang paggamit ng mga larawan ng mga artista, cartoon character, at sige na nga—mga leading character sa sine’t telenobela—ikinabit na rin ito sa iba’t-ibang merchs: kabilang ang school supplies. At dahil ang notbuk ang pinaka-affordable sa lahat ng merch, hindi malabong maraming bata ang nakaranas (kahit minsan lang) ng paggamit ng mga notbuk na may mukha ng kanilang idolo.

Hindi lahat ng kabataan, naambunan ng pagkakataong pumili ng notbuk. Masuwerte nang maituturing kung mayroon kang kapasidad na makapili ng gusto mong design. Jackpot pa kung isasama ka ng iyong nanay (o lola) sa pamimili ng supplies sa darating na pasukan. May hindi maitatago na excitement sa oras na nabalutan na ang mga kuwadernong makakasama mo sa isa na namang taon ng pag-aaral.

Nang minsang maging notebook-conscious

Sa pagkakaalala ko, may tatlong era ang pagbibili ko ng kuwaderno para sa eskuwela. Dahil lumaki akong spoiled sa aking Lola Ester sa Nagcarlan, naranasan ko ang magkaroon ng notbuk na may pabalat ng artista. Noong mga panahon na iyon, ang talamak na book cover ay sina Jolina Magdangal, Judy Ann Santos, Angel Locsin, Bea Alonzo, at marami pang iba.

Ang naging paborito kong notebuk noon ay si Judy Ann Santos. Kung bakit siya? Dahil siya ang may pinakamaraming disenyo noon. Parehas sila ni Jolina Magdangal na may iba’t-ibang kulay, font, at bihis. Mayroong Juday na nakasuot ng bestida’t tila pupunta sa beach. Mayroong Juday na tila Wonderwoman ang bihis at may hawak-hawak pang tali. Mayroong Juday na mukhang diwata—mayroon din na mukhang prinsesa. May Juday na may backdrop ng teatro. May Juday na parang slumbook—mayroon din na tila yoga instructor. Hindi ko sigurado kung lahat ng Judy Ann notebook covers ay nabili’t nagamit ko, ngunit sa tingin ko nama’y sapat na ang aking nabanggit para masabi kung gaano katalamak ang kaniyang persona bilang notebook covers.

Noong nasa elementarya ako, cool at astig kapag may ganito kang cover. May iba kasi na hindi napagbibigyan na makapili ng sariling notebook cover at nagkakasya na lamang sa rainbow-colored na kuwaderno (‘yong madalas ay naka-stapler at humihiwalay sa cover kapag lumaon). Mas maganda ang spring notebook dahil tiyak na matibay, at malinis ang pagkakapilas kumpara sa kuwaderno na natahi sa yarn o sinulid. Ang hindi lang maganda sa spring notebook, kumakalas ito sa mismong cover—sinisira ang loob ng backpack.

Bata pa lamang ako, umuusbong na ang pagiging banidoso ko sa kuwaderno. Notebook-conscious, kung kinakailangan ng tamang termino para rito. Pinapasabay ko pa sa lola ko ang pagbili ng plastic cover para sa notebuk ko. Mas matagal kasing kumukupas ang pabalat ng kuwaderno kapag maingat na binabalot sa plastic cover. Dahil malabo na ang mata ng lola ko’t hindi na makapagbalot nang maayos, tinuruan ko ang sarili sa pagbabalot. Dito ko rin nasanay ang sarili sa magandang pagbabalot.

Ito ang teknik: Ginugupitan din ang parte na malapit sa spring, kung ayaw mong bumuktot ang plastic cover. Mainam din na itatsulok ang dulo ng plastic cover para mas masinop itong i-tape. Puwede mo ring ipitin ang plastic cover hanggang sa bumuo ito ng sariling linya. Mas malinis ang pagkakabalot sa ganito.

Para manatiling malinis ang kuwaderno ko, ang ginagamit ko lang ay ang puting bahagi ng double-sided eraser. Nag-iiwan kasi na mala-libag na dumi ang kulay-abo na bahagi ng eraser. Pahirapan pang matanggal. Noong nauso ang notebook sleeves (na may glitters o embossed na design pa kung minsan), kung ano-anong raket ang ginawa ko para makapag-ipon para rito. Nariyan ang maglinis ng mga bote para ibenta, maglako ng turon at mani, at matanggal ng puting buhok na bentesingko sentimos ang presyo kada hibla.

Si Juday ang Alpha at Omega

Balik tayo kay Juday, at kung bakit umiral pa lalo ang aking pagiging notebook-conscious. Nagsimula ito nang bumalik ako sa poder ng nina Mama at Papa. Highschool. Hindi na cool at astig ang anomang kuwaderno na may larawan ng artista. Binabansagan na ito na baduy, o pambata. Ito rin ang panahon na halos bagsak-presyo na ang mga kuwadernong may ganitong klase ang pabalat. Ang nauuso na noon, ‘yong edgy-gothic na notebuk. ‘Yong kulay itim, tapos may mga tatsulok at bungo. Mukha raw satanista ang ganoong notebuk, sabi ni Mama. Pero gustong-gusto iyon ng mga kapatid ko.

‘Yong para sa mga pambabae naman, ang mayroon ay ‘yong embossed na cover. Madalas, may glitter sa gitna. O ‘yong single-colored lang. Executive tingnan. Mukhang pang-matalino. Gusto ko rin ng ganoong kuwaderno—tutal at matalino naman ako. Pero, hindi iyon ang gusto sa akin ng tadhana. Masyado siyang mahal. Limang beses na higit ang presyo kumpara sa dati kong notebook. At kung susulatan lang din naman ng 20 pages ng rewrite mula sa masungit na titser na ayaw magturo’t inaasa na may karunungan sa pagsusulat ng naka-imprenta na sa libro—hindi rin naman sulit.

At dito papasok si Juday. Sikat na sikat sa mga bata noon ang Krystala, na madalas itukso rin sa akin dahil katunog siya ng aking pangalan. Perfect timing nga naman, ito rin ang dahilan kung bakit sangkaterba na Krystala notebooks ang naabutan ko. Nagustuhan ni Mama, dahil kapangalan ko raw. Mura pa raw at kada tumbok kung ibenta na sa palengke. Gusto kong isalba ang sarili ko sa highschool at mabawasan ang isang taon na hindi na si Juday ang mukha ng pagkadalaga ko.

Kaya naman, isang linggo pa lamang bago sumapit ang eskuwela—nagkakandaripas ako ng pagbabalot ng kuwaderno ko. Bumili ako ng gift wrapper na maganda ang design ngunit pagkanipis-nipis. Bumabakat ang mukha ni Juday sa tuwing ididikit ko ang cover. Ilang patong din ng bond paper ang ginawa ko sa cover hanggang sa matakluban si Juday. Nalintikan nga lang din at naubusan ako ng yarn. Ginamit ko na lang ang sinulid na ginagamit sa dating shoe repair shop ng aking tiyuhin. Sobrang tibay pala nun gamitin kapag sa notebuk, ang higpit!

Iyon na rin ang huling pagkakataon na lumutang ang mga mukha ni Juday sa aking mga kuwaderno.


Maria Kristelle C. Jimenez

Maria Kristelle C. Jimenez works as a freelance writer, layout artist, and website specialist in Pampanga. Some of her works have been recognized by the Saranggola Blog Awards and the Gawad Digmaang Rosas. Her topics revolves around new media, pop culture, and the postmodern. Email Maria at: maria@voxpopuliph.com.

One thought on “Si Juday at iba pang mukha ng 90s Notebook

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s