Salamat, Jolina!

Pasukan na naman.

Sa unang pagkakataon nga ay magbubukas sa buwan ng Setyembre ang mga paaralan ngayong 2021. Hindi na nga natin maikakaila ang tila 360-degrees na pagbabago sa larangan ng edukasyon sa ating bansa dahil na rin sa nararanasan pa rin nating pandemya. Ang dating classroom setup ay napalitan ng online classes. Ang mga takdang aralin ay naging sangkatutak na modules. At maging ang oras ng klase ay naging flexible. Kung ako ay isang estudyante sa panahong ito, hindi ako matutuwa. Bukod sa nasa bahay lang ako at walang natatanggap na baon sa araw araw, ay hindi ko rin magagawa ang, sa tingin ko’y, pinaka-exciting na gawin bago ang pasukan—ang notebook shopping.

Nagtratrabaho ang nanay ko sa isang local mall. Maliit man ang mall na iyon ay kumpleto naman ito sa paninda. Sa department store siya nakabase at tabi nun ay ang school and office supplies section. Kaya naman tuwing malapit na ang pasukan noon ay doon na kami bumibili ng kapatid ko.

Sa pagkakaalala ko, third grader ako nang unang namili ng mga gamit para sa pasukan. Hinatid kami ng lola ko sa mall kung saan nagtatrabaho ang nanay ko at kami na bahala ng kapatid kong mamili sa gusto namin. Pero hindi naman ako pumili agad.

Dahil nga unang beses ko iyon, mas napako ang mga tingin ko sa mga laruan na katabi lang ng mga notebook at mga papel. Tinatapunan ko pa rin naman ng tingin ang mga notebook doon hanggang sa bigla na lang nagtambak ng maraming spring notebook sa harapan ko ang nanay ko.

Sa ibabaw ng tambak na iyon ay mukha ng isang artista ang nakita ko. Nakabihis siya bilang isang diwatang may pakpak at may wand pa. May mga puno pa sa likuran niya at meron pang rainbow. Ang ganda-ganda niya. Maputi, at saka may dimples pa.

Siya si Angelica dela Cruz.

Napanood ko kasi siya noon kaya nakikilala ko siya. Maganda talaga siya at maganda rin ‘yong design ng notebook cover na iyon. Pero hindi siya ‘yong babaeng nasa poster kong nakadikit sa dingding ng bahay.

Hindi siya si Jolina.

Kaya sabi ko sa nanay ko maghahanap na lang ako ng Jolina. Dapat pitong Jolina ang makita ko para maganda pero dapat hindi rin pare-pareho. Suwerte naman dahil mayroon akong nakitang Jolina na pa-sweet, Jolina na kumakanta, Jolina na kunwari may iniisip, at Jolina na punong-puno ng butterfly hair clips. Meron rin akong Jolina na may iba pang kasamang artista at siyempre—Jolina with Marvin Agustin. Perfect, ‘di ba?

‘Yon nga lang, nabigo akong makumpleto ang magic seven. Awit.

Anim lang ‘yong Jolina na nahanap ko. Siyempre, kailangan makumpleto ko ‘yong subjects ko kaya ang ending, kasama pa rin si Angelica. Buti na lang talaga maganda iyon.

Dahil sa pagbili ko ng mga sarili kong notebook at iba pang mga gamit sa pag- aaral ay natuto akong mag-organisa. Tuwing bisperas ng unang araw ng pasukan ay sinisigurado kong handa na ang lahat sa loob ng aking bag.

Nang taong iyon, maingat kong inilagay ang aking mga gamit sa loob ng bago kong bag na mag malaking mukha ni Barbie. Padala ng tita ko ‘yong bag galing Saipan. Hindi ko naman talaga kilala si Barbie, e. Ang alam ko lang isa siyang…Barbie. Pero dahil nga sa regalo iyon ay iyon na ang ginamit ko.

Balik tayo sa notebook.

Iisipin kong mabuti kung ano nga ba ang bagay na subject sa bawat notebook na iyon. Halimbawa, dahil mukhang diwata at may mga puno si Angelica, siya ang gagawin kong Science notebook. ‘Yong “thinking Jolina” ko, ginawa kong para sa English, at ‘yong “singing Jolina” ko naman ay para sa MAPEH. At kapag may mga hindi bagay, iyon na lang ang para sa mga subjects na hindi ko gusto tulad ng Math. Pagkatapos, ilalabas ko ang bagong tasa kong lapis o bolpen at saka ko susulatan sa unang pahina nito ang pangalan ng napili kong subject, pangalan ko, at grade ko. Saka ko naman isusulat ang pangalan ng guro ko kapag kilala ko na sila.

Hindi ko talaga alam pero noon, meron akong sense of pride kapag nakikita kong spring ang notebook ko at nakatahi naman ang sa mga kaklase ko. Pakiramdam ko noon ay mas maganda at mas mahal ang mga notebook ko maski ang totoo’y hindi naman nagkakalayo ang mga presyo nito. Pare-pareho lang din kaming mga artista ang pabalat kaya wala naman talagang nakakalamang. At hanggang sa mapunta ako sa grade four, ganoon pa rin ang mga design ng notebook ko—Jolina Magdangal different version. This time, with Judy Ann Santos naman dahil kulang pa rin ang nahanap kong Jolina.

Nang maging fifth grader ako, isang napakalaking desisyon ang ginawa ko. Sa unang pagkakataon ay pinili ko ang mga nakatahing notebook. Nakita ko kasi ang mga notebook na may tatak na Orions (‘Or-yons’ pa ang basa ko noon, parang onions). Wala man itong design ay para sa akin napakaganda tignan ng cover at yarn na pareho ang kulay. Siyempre, naayon naman sa mga kulay ng mga notebook ang mga subject ko nang mga panahong ito.

Ngunit hindi nagtagal ay nagsisi ako sa mga ito. Para sa akin, iba pa rin talaga ang spring notebook lalo na sa pagsusulat ng back-to-back. Pero sa kabilang banda ay may kagandahan rin ang mga nakatahi. Bukod sa mas magaan at mas maliit ng kaunti kesa sa mga may spring, ang mga ito ay hindi nagkakanda sabit sabit sa loob ng bag at hindi nagiging flat kapag nadidiinan o nauupuan.

Kaya naman noong grade six ako, nakaisip na naman ako ng bagong ideya. Bumili ako ng mga spring notebook para sa mga major subject at mga nakatahing notebook naman para sa mga subject tulad ng MAPEH at TLE (maliban sa Sibika at Kultura dahil iyon ang paborito kong subject noon). At pakiramdam ko, iyon na ang pinakamagandang desisyon ko sa buhay bilang isang mag-aaral sa elementarya.

Nadala ko naman sa highschool hanggang college ang pamimili ng mga sarili kong gamit para sa pasukan. Pero hindi na tulad ng dati na design o uri ang aking basehan. Sa mga panahong ito ay presyo na ang pinagbabasehan ko. Doon ako parati sa maganda, matibay at hindi kamahalan. Tanging mga paborito ko ring subject ang may notebook sleeve at pinagsisikapan ko parating gandahan ang aking pagsusulat sa mga ito.

Kung iisipin ko ngayon ay marami palang naituro sa akin ang pamimili ng sarili kong mga gamit sa paaralan. Masaya na akong may kakayahan akong mamili ng sarili kong notebook noon. Pero dahil din dito’y natuto akong mag-organisa, magsuri ng kalidad at mamili nang naayon sa badyet ng aking pamilya. At lahat ito ay natutunan ko dahil kay Jolina. Lahat ito’y nag-umpisa dahil sa kaniya.

A, basta.       

Masaya akong nagkaroon ako ng notebook ni Jolina. At gusto ko lang sabihin sa kaniya ang mga katagang “Salamat, Jolina!” Dahil kung wala siya, hindi ako magkakaroon ng magandang alaala sa aking buhay-elementarya.


Annalyn C. Biagtan

Si Annalyn C. Biagtan, o Aleen para sa kaniyang mga kaibigan, ay isang paumpisang manunulat mula sa bayan ng Mapandan sa Pangasinan. Nangangarap pa rin si Aleen na makitang nakaimprenta ang kaniyang pangalan sa pabalat ng libro. At bagama’t aminadong seasonal kung magsulat, ay marami pa rin siyang gustong simulan na pahina. Magpadala ng mensahe kay Aleen: aleen@voxpopuliph.com.

One thought on “Salamat, Jolina!

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s