Larong Bata: Isa, Dalawa, Takbo!

i. Tore at graba

Binabaon kong mabuti ang aking mga kamay sa bagong buhos na graba, isang alas-siyete ng umaga, taong 1994. Ginagawa pa noon ang ilang bahagi ng aming tirahan – pinapataas ang flooring at nagbubuo ng mga pader. Ilang buwang laging may dine-deliver na graba, at nasa langit ako. At tunay namang abot-langit ang isang trak ng graba, at para sa batang ako, isang mundong dapat galugarin ang mabato at mamasa-masang lupa. Kaya kong ubusin ang maghapon sa pag-akyat-baba sa graba. Mula umaga hanggang hapon, nakalubog ako sa buhangin, na para bang gusto ko nang tumira doon. At kung pinayagan lang siguro, baka doon na rin ako nag-siesta noong bata ako, dahil hirap talaga akong makatulog sa hapon kahit saan sa loob ng bahay.

Gumagawa ako ng iba’t ibang tumpok ng buhangin, gamit ang lumang lata at tubig. Kunwari, mga pader sa kastilyo, at may mga kalaban ako. Kailangan tuwid ang hanay ng mamasa-masang buhangin, para hindi sila makapasok sa kastilyo. May mga kasama akong mga kawal, ngunit walang hari, walang prinsesa. May kastilyo lang na dapat depensahan. Minsan lilitaw ang mga kapitbahay naming na tatlong magkakapatid na lalaki, isa o dalawa sa kanila’y sasama sa abuhing bundok ng graba. Malungkot kapag pinauwi na sila ng nanay nila, ngunit sa araw na ‘yon, sapat na ang pakikisama ng lupa na kinuha mula sa kung saang ilog sa Nueva Ecija.

Kapag nainip na ako sa pagbuo ng mga toreng-tumpok para madepensahan ang kastilyo, kukunin ko ang lumang pala o kutsarang pansemento sa paligid upang maghanap ng mga kakaibang bato. Wala mang diyamante o jade sa graba, hindi mauubos ang mga batong makikinis na iba’t iba ang kulay at hugis. May mga batong kulay dugo, na animo’y dugong naampat at namuo sa labas ng katawan. May mga malalaking bato ring kulay lumot, at naiisip ko’y baka ang mga tipak na ito’y galing sa Emerald City ng Wizard of Oz. Dahil hindi rin ako mapigilan, hinahayaan na lang ako ng nanay kong maglaro nang maglaro sa graba.

‘Di tulad ng maraming magulang ngayon, hindi takot ang aking ina sa lupa. Sinisiksik ko pa ngang mabuti ang dumi sa aking mga kuko noon, dahil gustong-gusto ko ang pakiramdam ng pagtatanggal ng mga buhangin pagpasok ko sa bahay. Kapag naubos ko na ang mga magagandang lupa sa isang bahagi ng bundok, maghahanap naman ako ng maliliit na kabibe. Madalas ay kulay puti sila o itim, at kasya ang anim o higit pa sa maliliit kong palad. Wala nang mga laman, ngunit minsan kung masuwerte’y makatatagpo ako ng may kaparis pa, kahit gaano man kaliit. Minsan naman, mahiwaga ang mga kabibi at saradong sarado – ayaw talaga magpabukas! Iuuwi ko na rin ang mga ito’t ipapakita sa mga tao sa bahay. Hinahayaan lang nila akong ihanay ang aking mga yaman sa kung saan ko maibigan ipatong, hanggang sa kinabukasan na mangolekta akong muli.

ii. Teks, Pokemon at pagiging kakaiba

Mahirap maging bata kung ang hilig mo talaga’y libro at hindi laruan, o basketbol. Danas na danas ko ito noong pumasok ako sa elementarya. Grade one pa lamang ay inaasahan na ng mga matatanda na athletic ang lahat ng bata. Nauwi ako sa boggle at word factory tuwing intramurals. Indoor games galore. Parati namang nananalo, ngunit iba ang pagtingin sa mga atleta ng basketball, volleyball, badminton, atbp. Ngunit nagpapasalamat na rin ako sa natural na segregasyong nangyari – dahil dito may mga nakilala akong hindi rin magaling sa pisikal, ngunit matutulin ang mga isip. Mahilig sila sa anime, at kung ano pang anik-anik na panglibang sa mga bata tuwing hapon. Sila ang mga kasama ko sa pangongolekta ng mga teks (lalo na ang Pokemon cards) at kung ano-ano pang mga laruan sa plasa noong araw, tulad ng isang dangkal na mga Voltes V, Ultraman, Shaider, Masked Rider Black or Transformers na apat na araw lang bago maputol ang mga ulo/braso/binti, baril-barilan na may balang laste, baril-barilang may balang kalburo at may usok at ingay kapag pumuputok, pellet gun na iba’t ibang ang bigat, sukat at sakit na dala kapag natamaan ka ng bala, bawat sukat na yata ng trumpo, mga robot na may balang holen na plastic sa tiyan, kisses na nanganganak daw kapag nilagay sa basang bulak pero kailanman di naman dumami (pero mabilis mawala, baligtad), mga malalambot na robot at dinosaur na lumalaki pag iniwan sa baso ng tubig magdamag, mga laruang sundalu-sundaluhan, laruang pana na may suction end na kulay pink, mga space gun na nilalagyan ng dalawang AA na baterya (pew-pew-pew!), isang malmal ng plastik na maskara, at kung ano-ano pang mga laruang madaling masira at pasok sa budget na bente hanggang singkwenta pesos.

Sa plasa rin ako natutong makipagrambulan sa mga siga ng ibang section, at magsugal nang kaunti (color game, anyone?), tuwing hapon pagkatapos ng klase.

At oo, dito rin akong palihim na kumakain at umiinom ng mga meryendang alanganin kung naghugas ng kamay ang naghanda. Okey lang, buhay pa naman ako.  

iii. Taguan, takbuhan at paalam

“Tagu-taguan, wala sa likod, wala sa harap, pagbilang ng sampu, nakatago na kayo!”

Kabado. Siyempre, pawisan. Lagi naman akong pawisan. Ang problema, hindi ako magaling magtago, at ang mga kalaro ko’y tila nilamon na ng lupa sa galing magtago. Sa pinakamalapit na poste ako lagi nauuwi sa pagtatago, kaya una ring nahahanap. Binabawi ko na lang sa bilis ng pagtakbo, pero madalas, wala rin. Taya na naman ako.

“…Sampu, takbo!”

Kapag nagsawa na sa tagua-taguan, may makakaiisip ng takbuhan, o kaya pagbibisikleta na may halong karera. Ang may bisikleta ay magsisimula nang rumonda hanggang dulo ng kanto, habang hinahabol ng mga batang gustong maki-angkas, o makigamit ng bisikleta. May luma akong bisikletang kulay blue, kaya lang hanggang tarangkahan lang ako pinapayagan. Ang iba bata, hinahayaan lang makalabas. Bawal akong lumabas ng tarangkahan, pero lumalabas pa rin ako. Batang takas kasi ako. Bahala na kung mapalo kapag nabuko.

Isang tumpok kami parati kung tumakbo, at parami kami nang parami habang tumatagal. Sumasama na ang mga bata mula sa ibang mga kabahayan – hanggang sa hindi ko na mabilang ang mga kalaro, at mga bagong mukha. Hindi ko na matandaan ang mga pangalan nilang lahat, ngunit nakita kong lumaki ang karamihan sa kanila, hanggang sa nagsialisan na ang karamihan dahil nangungupahan lamang sila.

Kumonti kami nang kumonti, hanggang sa umalis na rin ang tatlong magkakapatid na lalaki na pinakamalapit ang bahay at pinakamalapit din sa akin bilang mga kaibigan. Hindi ko na alam kung nasaan sila ngayon, pero sigurado akong nasa mabuti silang mga kalagayan dahil mabuti rin silang makisama sa akin noon, at mabibilis mag-isip.


Marius D. Carlos, Jr.

Marius D. Carlos, Jr. is a storyteller, essayist, and journalist. He is an independent researcher focused on transnational capitalism, neocolonialism, empire, and pop culture. Contact him for writing projects. Visit Marius’ profile on MindsMeWe, and Twitter. Email Marius: marius@voxpopuliph.com.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s