Gen Z at ang bumabaluktot nilang dila sa wikang Filipino

Kilala ang Pilipinas bilang isa sa mga “English-speaking countries” sa mundo na nasa ikalabindalawangpu’t pito sa bahagdan ng 2020 EF English Proficiency Index. Ngunit, sa likod ng multilingguwalismo ng bansa, nakatahi ang malamlam na kalagayan ng wikang Filipino—na habang umaabante tayo sa ika-21 siglo at umiinam ang pakikipagtalastasan natin sa wikang Ingles, ay patuloy na bumabaluktot ang dila ng makabagong henerasyon sa sariling wika.

Tuwing pumapatak ang Agosto sa bansa, ipinagdiriwang ang Buwan ng Wika upang maipaalala sa mga Pilipino ang kakanyahan ng ating wikang pambansa. Sa taong 2021, umiikot sa temang “Filipino at mga Wikang Katutubo sa Dekolonisasyon ng Pag-iisip ng mga Pilipino” ang nasabing selebrasyon, na sinasabay sa komemorasyon ng pagkabuhay at pagkamatay ng “Ama ng Wikang Pambasa” na si Manuel L. Quezon. Sinusundan ito ng mga palatuntunan kagaya ng pagsulat ng tula, deklamasyon, parada habang nakasuot ng barong tagalog at baro’t saya, at iba pang mga aktibidad na nagtatampok ng pagmamahal sa wika ang buong buwang yaon.

Buhay na buhay ang komemorasyon tuwing sasapit ang buwan ng Agosto. Ngunit ngayong nagkapandemya at natigil ang pisikal na pagpasok sa klase ng mga estudyante—ano na ang naging lagay ng buwan na dapat sana’y nagsisilbing paalala sa kabataang Pilipino ng malalim na kasaysayan ng wikang Filipino?

Maagang pagkamulat sa wikang Ingles

Kahit pa taunan ipinagdiriwang ang Buwan ng Wika sa mga paaralan, hirap pa rin ang karamihan sa kabataan na matutuhan at salitain ang wikang Filipino. Kung babagtasin ang rason ukol dito, mababanaag na nag-uugat ito sa maagang pagtuturo ng mga magulang ng wikang Ingles sa kanilang mga anak. Mas pansin ang ganitong mga pangyayari sa mga mayayaman na pamilya o tinatawag na “upper class” sa bansa. At dahil Ingles ang midyum ng pag-uusap na kinalakihan nila, nakukuha nila ito’t nakasanayan. 

Sa kabilang banda, nagagamit at naaaral pa rin ng mga batang mayayaman ang wikang Filipino sa tulong ng kanilang mga kasambahay at kung may asignatura silang Filipino sa kanilang paaralan. Ngunit, dahil sa kakapusan ng kanilang mga bokabularyo sa wika, nabuo ang kanilang diyalektong conyo: isang insultong salita sa Espanyol, ngunit isang linguistikong antas na nagsasabi kung laking mayaman o may pribilehiyo ang isang indibidwal ayon sa kanilang pagsasalita.

Isa sa mga rason kung bakit pinipili ng mga mayayamang magulang na turuan ng Ingles ang kanilang mga anak ay dahil itinuturing ang Ingles bilang business languagesa bansa. Gayundin, iniisip ng mga magulang na kapag ang kanilang mga anak ay matatas sa wikang Ingles, mas madali para sa kanilang mga anak na maging matagumpay sa pag-aaral sa kolehiyo, maging sa pagtatrabaho.  Ayon kay Kumaravadivelu, globalisasyon ang dahilan kung bakit nagpupursige ang mga “non-English speaking people” na aralin ang Ingles. Wala namang masama na umayon sa tawag ng globalisasyon dahil kung praktikalidad din naman ang pag-uusapan, maganda rin ang naidudulot ng kasanayan sa Ingles, ngunit dapat siguraduhin din nilang magiging matatas ang kanilang mga anak sa parehong wikang Filipino at Ingles upang hindi mapag-iwanan ang ating pambansang wika.

Samantala, sa pananaliksik ni Orathai Chureson na pinamagatang “The Impact of English as a Global Language on Filipino Language Practices,” lumabas na karamihan sa kabataan ay naunang nalaman ang isang salita sa Ingles bago nila matutuhan ito sa FIlipino. Sinabi rin dito na mas maalam pa ang mga matatanda ng mga salitang malalalim, kaysa sa kabataan. 

Pero paano ang mga Pilipino na hindi naman saklaw ng mataas na pribilehiyo?

Kawalang interes sa asignaturang Filipino

Maaari ding dahilan kung bakit kaunti lamang ang alam ng kabataan patungkol sa wikang Filipino ay dahil wala silang kakayanang makapag-aral. Mas may bigat ang rason na ito lalo na kung taga-probinsya ang kabataan na kung saan ang rehiyonal nilang wika ang mas nagagamit sa araw-araw nilang buhay. 

Mas may rason din ito dahil na rin sa pagkakatatag ng “Mother-Tongue-Based-Multilingual Education” o MTB-MLE ng Kagawaran ng Edukasyon (Dep-Ed) upang tugunan ang pagpapasa ng Republic Act 10533 o Enhanced Basic Education Act of 2013. Sa ika-4 na seksiyon ng batas, inaatasan ang DepEd na dapat nasa pundasyon ng K-12 program ang pagtuturo ng asignatura sa mga mag-aaral gamit ang kanilang rehiyonal o pambahay na wika (mother tongue) sa unang tatlong taon ng elementarya.

Read more here: Saan Patungo ang Indie?

Hatì ang opinyon ng mga tao tungkol sa implementasyong ito, at tinitignan ito ng iba bilang hadlang sa pag-aaral ng mga batang Pilipino ng wikang Filipino at Ingles sa paaralan.

Samantala, pinabulaanan naman ito ng mga eksperto sa kanilang inilathalang opinyon sa Rappler noong 2020. Maaari ding nakapag-aaral sila, ngunit hindi napupunan ng pansin sa mga lektura sa asignaturang Filipino sa paaralan. Maraming mga mag-aaral ang naiinip sa asignaturang Filipino dahil iniisip nila na ito ay hindi na dapat pagtuunan ng pansin dahil “Pilipino naman daw tayo.”

Sinang-ayunan ito ni Gng. Maria Clarissa Hipolito, guro sa Filipino ng Kasiglahan Village National High School sa Rodriguez, Rizal.

“Maraming dahilan kung bakit ang ilang kabataan ay kakaunti na lang ang kaalaman sa wikang Filipino, maaring hindi sila nakapag-aral, o kung nag-aaral man ay hindi nmn nakapokus sa aralin ang kanilang isipan,” wika ni Gng. Hipolito sa panayam niya sa Vox Populi PH.

“Maaring hindi nakukuha ang kanilang interes ng asignaturang Filipino at narito ‘yung ideya na basta nakapasa lang,” dagdag pa niya.

Dekolonisasyon sa ika-21 Siglo

Masisisi rin dito ang kasaysayan ng Piliipinas sa ilalim ng paniniil ng Amerikano

Sa 48 taon ng kolonisasyon, pinaigting ng mga Amerikano ang pagpapahalaga sa wikang Ingles at nalimitahan ang paggamit ng wikang Filipino. Dahil dito, mas pinipili ng karamihang mas pag-ibayuhin ang pag-aaral ng wikang Ingles dahil sa importansiyang itinanim ng mga mananakop sa atin. Ang edukasyon sa Ingles at pag-unlad ng wika sa Pilipinas ay naiugnay sa pampulitika, pang-ekonomiya, pang-edukasyon, at buhay-pangkultural ng bansa.

Dahil din sa pananakop na ito, mas nabigyang kahalagahan ang wikang Ingles sa sistema ng edukasyon ng ating bansa. 

Ayon sa K-12 curriculum na nagsisilbing pamantayan sa pampublikong paaralan, wikang Ingles ang isa sa mga ginagamit na kaparaan ng pagtuturo simula ikaapat na baitang. Sa mga pribadong paaralan naman, tinuturuan na ng Ingles ang mga mag-aaral ng simula Kinder pa lamang. Sa mga pribadong paaralan din talamak ang polisiyang “English only policy,” na nagbibigay daan sa mga mag-aaral na mas makasanayan ang wikang Ingles. Dapat lamang ipatupad ang ganitong polisiya sa asignaturang Ingles o itinuturo sa wikang Ingles. Ngunit, isa sa misyon ng paaralan na gawing panatag ang loob ng mga mag-aaral na maging komportable sa kanilang sarili. Masasabi nating kalabagan sa karapatan bilang mag-aaral ang ganitong polisiya na humahadlang sa kanilang magsalita sa wikang komportable silang gamitin.

Sa resulta ng 2018 National Achievement Test ng Rehiyon II, 0.02% lamang ng mga mag-aaral sa ikaanim na baitang na dumalo sa NAT ang nabibilang sa hanay ng mga “proficient” sa Filipino, at 97% sa kanila ang hindi bihasa. Samantala, sa mga mag-aaral naman ng ikasampung baitang, 0.05% ang “highly proficient,” 12.39% ang “proficient” at 88% naman ang hindi. Kung tutuusin, mababa pa rin ito, lalo pa’t sariling wika naman natin ang inaaral.

K-12 kurikulum din ang sinisi ni Virgilio Almario, dating tagapangulo ng Komisyon sa Wikang Filipino. Aniya, “In fact, ‘yung curriculum ng Filipino palagay ko [ay] isa sa hindi masyadong pinag-aralan, kaya noong magkaroon kami ng consultations tungkol dun, kitang-kita mo talaga na ang pangit-pangit. Napakababa ng competencies na ino-offer, kaya tuloy, pagkatapos mo, parang wala kang natutunan.”

Naging maugong din noong 2019 ang pagtanggal ng Filipino at Panitikan sa kurikulum ng kolehiyo. Marami man ang nagsasabi na ayos lamang tanggalin ang Filipino sa kolehiyo dahil paulit-ulit na raw ito dahil pinag-aralan na sa elementarya at sekondarya, marami pa ring mag-aaral ang nakapasá nga sa asignaturang Filipino, ngunit hindi naman nananatili ang kaalaman sa kanila. Kahit nga ang isang mag-aaral ng kolehiyo ay hindi pa rin alam ang tamang paggamit ng “nang” at “ng,” “din” at rin,” at iba pang alituntunin ng balarila. Bukod pa riyan, hindi rin masasabing sapat na ang elementarya at sekondarya upang matutuhang mabuti ang wikang Filipino. Buhay na wika ang Filipino, patuloy itong nagbabago, kaya dapat tinuturo rin sa kolehiyo ang pag-usbong ng wika sa makabagong panahon, lalo na sa internet.

Wikang Ingles sa panahon ng internet

May malaking gampanin din ang internet sa pagkamulat ng kabataan sa wikang Ingles. Lumaki kasi tayong sa panahon ng social media na kung saan, wikang Ingles ang dominanteng lengguwaheng ginagamit. (Gupta, 1997) Dito rin umusbong ang iba’t ibang mga uso, kagaya ng Hangul at wikang Thai. 

Ayon kay Rommel Rodriguez, dating direktor ng UP Sentro ng Wikang Filipino, nakaaapekto ang social media sa pananaw ng kabataan patungkol sa wikang Filipino. 

“Iyan ang pop-culture, usaping kultural na malaki ang tungkulin ng media sa paghubog ng kamalayan ng kabataan at dapat maliwangan ang mass media kung paano ang wastong paggamit ng wikang Filipino,” saad niya. “Maganda pa rin na magamit ang social media sa kapaki-pakinabang na paraan. May ibang manunulat na naglalagay ng kanilang mga tula at maikling kwento, short essay sa Facebook at nagiging mas madali ang dissemination.” 

Ang pagiging multilingguwal ng Pilipinas at pagiging “English-speaking country” natin ay kapakipakinabang at maituturing na kalamangan; nakatutulong ito sa ating pag-unlad sa panahon ng globalisasyon. Ngunit, huwag din sana nating kalilimutang mayroon din tayong pambansang wika na dapat pagyabungin sa loob ng panahon dahil ito ay dinamiko. 

Dapat bumuo ng mabisang paraan na sisiguro sa mabisang pagtuturo ng Filipino sa mga mag-aaral; dito papasok ang pagbibigay ng pagsasanay sa mga guro upang maging malikhain sila sa pagtuturo ng wika at mas kahiligan ito ng mga mag-aaral. Ayon nga naman Multiple Intelligence theory ni Howard Gardner, isa sa katangiang nakapagsasabing matalino ang isang tao ay ang pagiging matatas nito sa mga wika (Verbal-Linguistic). Hindi ba’t mas mainam kung parehas tayong matatas sa wikang Filipino at Ingles upang maging kompetitibo tayo sa parehong larangan ng nasyonalismo at globalisasyon?

Napakaganda ng wikang Filipino, at huwag sana natin sayangin ang pribilehiyong mapag-aralan nang husto ang pambasang wika, at iba pang mga wika sa ating bansa, na dapat nating ipagmalaki dahil patunay ito ng pagka-Pilipino. Nawa’y hindi lamang sa buwang ito nagagamit at naaalala ng madla ang wikang masusing pinili ng ating mga ninuno mga Pilipino.

Maligayang Buwan ng Wika sa ating lahat.


Carl Angelo Y. Cagatin & Micah Corin A. Salonoy

Carl Angelo Y. Cagatin is a bookworm, a campus journalist, and a writer of essays and poems. He is also an incoming Grade 11 Accountancy Business and Management student at FEU Roosevelt Rodriguez. He is also a writer of different organizations, such as Dagitab PH, Vox Populi PH, and YACAP PH. Email Carl at: carl@voxpopuliph.com. Micah Corin A. Salonoy is a HUMSS graduate of Manuel A. Roxas Senior High School – Manila. Salonoy became Ang Gulong’s editor-in-chief in the school year 2018–2019, becoming a two-time RSPC Qualifier (2014, 2018). Together with 17 other Filipino students, she represented the Philippines in the third batch of the MEXT’s Asia KAKEHASHI Project. Email Micah at: micah@voxpopuliph.com.

One thought on “Gen Z at ang bumabaluktot nilang dila sa wikang Filipino

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s