Iskrap

Yosi lang ako. Okey lang ba, Ma’am?

Sabi, nahukay nila malapit sa may creek. Sabi ni Ponce, may tatlong lalake raw na kumakaripas ng takbo, mga alas-tres ng madaling araw na ‘yon. Maaga nagigising ang mag-asawa, madaling-araw nagbubungkal ng mga basura sa may highway, sa may bandang Jollibee. Kaya gising sila. Tanaw lang ng bahay nila yong creek. Walang takot si Nay Esme. Hinila niya agad ang asawa para magmatyag (Sabi ‘yong lola niya sa Siquijor, aswang. Nababalita nga na si Esme, sa kanya naisalin yung pagiging aswang. E, alam niyo naman ang mga tao — basta bihira ka makihalubilo, aswang na tingin sa ‘yo.)

Nagtago sila sa damuhan, kitang-kita nila naghuhukay sa lupa ‘yong isang lalake. May binabaon. Pinuntahan niya yong pinanggalingan nong mga lalake. Mababaw ang hukay. At doon na nga nila nakita ang Santo Niño.

Hindi naman talaga alam ni Nay Esme at Ponce na ninakaw nong oras na iyon ang Sto Niño. Sabi mahalaga raw iyon, mahal daw yon. Isponsor pa si Quijano, ‘yong kongresman. Imported daw ‘yon, marmol. May bendisyon pa raw ‘yong Sto Niño sa ano, sa may Santo Papa. Sa ibang bansa pa. Inuwi nila sa bahay ‘yong istatwa. Ayun na nga — nakita ni Menggay, ginawang manika.

Hindi naman alam ni Menggay na hindi laruan iyon. Five pa lang yun. Pero mukha naman talagang manika. Maliit lang ang Niño. Ganito Ma’am o, kasinglaki ng bote ng coke. Natuwa lang naman ‘yong bata…ayun, pinaliliguan, binibihisan, ganyan. Wala kasing mga alam ang mga iyon, mam, nangunguha lang ng mga iskrap. No read no write, Ma’am. May nag-sarbey kasi rito no’n, tapos ang usap-usapan, ayun nga, hindi marunong pumirma ang mag-asawa. Hindi mabasa mga nakasulat sa papel. Pero, mam, minsan nagkasalubong kami niyan ni Ponce, diyan lang, tabi ng basketball court. Tumango, saka ngumiti kahit di kami nag-uusap. Alam taga-rito ako. Maayos yung tao, mam, tahimik. Maayos.

‘Yong mga tao, volunteers, ganyan, sinuyod itong lugar makita lang ang Sto Niño. Eh di nakita nila si Menggay may nilalaro na magandang manika: kulot ‘yong buhok na brown, makintab ang katawan. Ayun, pinalibutan nila ang bata. E ‘di ba Ma’am, binalita pa sa TV nakaraan lang, kaya isyu talaga, usapan. Kasi nga marmol, at may bendisyon ng Papa. Nainterbyu pa nga si Jolens, yong bakla rito, kapit-bahay lang namin, sabi niya mapupunta sa impyerno yong mga kumuha. Galit ang mga tao. Kita sa TV umiiyak ang matatanda namin rito kasi baka malasin ang lugar namin. Noon pa naman alam na nang lahat na marmol iyon. Hindi na nakapagtataka. Takaw nakaw talaga. Alam na mahal. Si Father Pritz may koleksyon daw na mga ganon.

Pero, Ma’am, ang gusto ko lang sabihin, mali na bugbugin nila si Ponce nong tumanggi na ibalik nong tao yong imahe. Wala ngang alam iyong tao eh, hindi nakapag-aral yan, hindi nga marunong magbasa o magsulat. No read no write nga. Akala lang ni Ponce inaapi ng mga tao si Menggay, pakiramdam niya ginagawang katatawanan si Menggay, o tinatakot pa. Iyak nong bata, kuha nila manika ko!’ Syempre, pinalibutan na sila ng barangay — kampon sila ng demonyo, mga magnanakaw, yan, ganyan ang mga sinabi nila kela Nay Esme.

Ma’am, ano gusto niyo, softdrinks at biskwit? Okey lang po ba, baka nagugutom na kayo. (Steve, pautang ng Coke Mismo at Hanzel, para dito lang kay Ma’am. Abot ko bayad bukas.)

Nagbalita ulit sa TV na masaya na ang mga tao dahil naibalik na ang sikat na Sto. Niño. Parang piyesta nga rito, e. Nagpakain ata si mayora. Tapos pinakita pa sa TV ‘yong mag-asawa na nasa loob ng selda, iimbestigahan daw. Putang-ina — ay, sensya na Ma’am — sobrang awa ko, Ma’am! Iyong makita ko si Nay Esme at Ponce sa TV. Putang-ina, sinasabi ko sa — sensya, Ma’am — Diyos ko, di ko na nakilala mukha ni Ponce, lumubo ang mata at bibig, magang-maga, nagkulay ube. Nasarapan mambugbog ang mga tao, e. E hindi pa kumakain ang mga iyon nung dinakip. Si Menggay, ayun, nasa may barangay pa, sa upuan pinapatulog. Hindi ko alam kung ano balak nila sa bata. Dinadalhan ng anak kong dalaga ng pagkain si Menggay. Awtomatik na ‘yon, Ma’am. Basta laging may nakalaan na pagkain sa bata. Mabait ang anak ko Ma’am, e. Palaaral, studious kumbaga. College na po. Gusto mag-titser.

Ayun, ‘di kumain si Ponce ng ilang araw. Depression yun sabi ng anak ko. Inuuntog raw ulo sa pader. Kinabukasan, patay na. Nalungkot ako sa balita. Hindi ko alam mam. Hindi ko alam kung paano sisingilin ang tunay na may kasalanan. Hirap magsalita. Ma’am. Hirap. ‘Yong mundo Ma’am, parang wala talagang balanse. Para bang ano, nagpapanggap lang tayo lahat. Ako tanungin mo mam. Nagtago lang ako sa barko na papuntang Maynila, wala pa kong alam na tagalog. May patong-patong na kahon sa isang kwarto, ganito katas mam…pag walang tao, sabay labas ako sa lungga ko, hanap ng pagkain. Nagkutkot ako ng sahig. Sariling libag kinain. Ihi ko, sinubukang inumin. Sabihin na nating may talino rin ako. Kahit anong trabaho, pinasok. Basta, sabi ko: tingin lang nang tuwid. Gumising ka, yan, pagkain. O ayan, wala na. Okey. Tulog, trabaho. Nagnakaw ako, nakulong. Laya. Pero Ma’am, masarap pa rin ang mabuhay. Nandito na ako. May naipundar na traysikel. Swerte sa asawa at anak. Pero, bukas, hindi natin alam. Hindi pa ako nakainom nito mam, ah, pero ang lalim ko na magsalita — hahaha!

Hmmm…kahit paano naman po ay masaya nakita agad iyong Santo Niño. Ang mahirap sa tao, pati ang sagrado, ninanakaw. Pero, mam, naitanong ko lang din sa sarili ko, no? Na bakit kaya walang magic yong Santo Niño para hindi siya manakaw? Kung sagrado yon — nage-gets n’yo po ba? Ako Ma’am, matagal na akong hindi nagsisimba. Ako naman ay hindi naman mabait, hindi rin masama. Sakto lang. Basta wag sagasaan prinsipyo ko, ganyan, tao sa tao tayo. Pero sa akin, Ma’am, ‘wag kayo mao-offend ha? Baka relihiyoso kayo, e. Para sa akin bato lang yang ang Sto. Niño. Pati yang si Mama Mary. Pati si Hesus. Siguro may isang beses lang na humimas ako sa santo. Dati pa iyon. May inaalagaan akong numero sa lotto.

At ‘yang matatanda na iyan, sa kalsada pa nagdadasal ‘yan. Banal-banalan. Pero ang totoo kaya lang yan nakadikit sa parokya, nakikinabang. May isa pa diyan, kinalat pa na pumasok sa motel anak ko kasama boypren. Matindi mga dila. Sarap tirisin mga pagmumukha.

Ay, sige po, Ma’am. Napahaba kuwentuhan. Sa pangalawang kanto mam may pila ng mga traysikel, sa tapat ng Baliuag’s Lechon. Ibaba kamo kayo sa terminal ng jeep sa SM. Oh sige, sige. Welcome, Ma’am. Ingat kayo.


Therg Malisi

Si Therg Malsi ay tubong Bulacan. Siya ay nagtratrabaho sa isang BPO company sa Maynila. Sa kanyang libreng oras, siya ay nagbabasa ng aklat at gumuguhit.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s