Ebolusyon ng Pag-unawa: Ang “Erick Slumbook” ni Fanny A. Garcia sa Kasalukuyang Panahon

Tuwing makakakita ako ng taong-grasa ay naiisip ko si Erick: saan titira si Erick pagdating ng araw? Gusto kong bigyan ng dignidad ang anak ko: ayokong lumaboy-laboy siya; kaysa naman dagdag na problema pa sa mga kakalinga sa kanya sa hinaharap kapag patay na kaming mga magulang niya, mas mainam kung bukod sa may sariling bahay na titirhan ay may sariling ring regular na pagkukunan ng panggastos para sa pagkain.

– Fanny Garcia, Erick Slumbook

Ang Erick Slumbook (Paglalakbay Kasama Ang Anak Kong Autistic), na nagwagi ng mga parangal na Oustanding Book, St. Miguel Febres Cordero Research Awards (De La Salle Univeristy-Manila, 2005) at National Book Award, Biography/Autobiography Category (2005) ay isang malawak ngunit maingat na eksplorasiyon ng transformasiyon ng isang pamilya patungo sa mas malalim na pag-intindi sa batang may autismo, at kung paano nagpapatuloy ang buhay kasama ang special child o batang may mga espesyal na pangangailangan sa iba’t ibang aspeto ng kaniyang buhay.

Ang naratibo ng Erick Slumbook ay hindi umiikot lamang sa anak ni Fanny na si Erick—umiikot ito sa lipunan, sa eskuwelahan, sa tahanan at sa iba’t iba pang mga lugar kung saan may interaksiyon ang kalakhang mundo sa batang may mga espesiyal na pangangailangan. Madalas ipakita sa libro ang iba’t ibang antas ng kahandaan (o ‘di-kahandaan) ng mga karaniwang tao at propesyunal sa pagbukas ng kanilang isip at puso sa batang may ibang pamamaraan sa komunikasyon at interaksiyon, sa iba’t ibang panahon. Nagmamarka sa puso at isip ang mga journal entries ni Fanny at iba pang mga tekstong isinama niya sa slumbook. Ngunit higit pa sa pagpapakita ng mga sitwasyong kailangan ng matinding pasensiya at pagtitiis, dinadala ng Erick Slumbook ang mambabasa sa mga lugar at panahon kung saan nagiging posible ang ebolusyon ng pag-unawa, na ang pundasyon naman ay ang sinserong kagustuhan at pangangailangang maunawaan ang pagbabago ni Erick habang siya’y lumalaki at tumatanda. Ang pag-unawa ng mga kapamilya ni Erick ay naging sanhi rin ng kanilang transformasiyon sa paraang lumawig ang kanilang perspektiba sa kung ano nga ba ang maaaring tawaging karaniwang araw, karaniwang buhay, at mga karaniwang pagkakataon.

Masasabi nating mas may pagtanggap na sa mga taong may autism spectrum disorder (ASD) ngayon. Sa kabila ng pagbabago ng pagtingin ng kalakhang lipunan sa mga differently-abled, tuloy-tuloy pa rin ang pagsubok sa mga pamilyang nagnanais bigyan ng mas mainam na hinaharap ang mga anak na nasa spectrum. Ang pokus sa kasalukuyang panahon ay pagpapataas ng kapasidad ng mga nasa spectrum upang lumawak ang kanilang mundo, at magbukas ang mga duluhang dati’y tila napakalayo, tulad ng pagpapatuloy ng maayos na pag-aaral at minsan pa nga’y pagkakaroon ng ibang pagkakaabalahan, tulad ng pagkakaroon ng trabaho.

Maraming posibleng motibasyon kung bakit nagsusulat ang awtor ng teksto, at ang suson ng mga boses sa Erick Slumbook, na kinarga ni Fanny sa kaniyang pag-alala at journaling, ang raison d’être siguro ng libro—ang pagbibigay ng posibilidad at daan na mabasa/marinig ang mga taong naging bahagi at patulay na nagiging bahagi ng mundo ni Erick mula sa pagkasanggol. Mahilig si Fanny na magtala ng maliliit na detalye—molekiyular ang kaniyang teknik sa malikhaing pagsusulat, at ang pagdurugtong niya sa mga kuwento at paglalahad ay dumaraan hindi lamang sa mga konseptong abstrakto ngunit sa paghahanay din niya sa mga panahon, sitwasyon, tao, at mga bagay-bagay sa loob ng mga senaryo. Kumbaga, ang Erick Slumbook ay isang tren ng mga obrang ipininta, at kailangang unawain ng mambabasa ang mga entri at ang mga elemento sa mga entring ito sa kronolohiya ng inang nakasaksi sa mga pagkakataong ito. Ang katotohanan at ang ‘ibig niyang sabihin’ ay mahihinuha sa iba’t ibang paraan, kaya ang pagbasa dapat sa Erick Slumbook ay atentibo sa mga maliliit na detalyeng akala nati’y hindi gaanong mahalaga. Sa isang hiwalay na sanaysay ni Fanny, inilahad niya ang kaugnayan ng kaniyang identidad bilang isang manunbulat at guro sa pagreresulba niya sa mga pangangailangan bilang ina ni Erick:

“Ngayon, ‘yong tungkol sa anak ko-d’on pa kami sa apartment sa Bagobantay-nagising ako ganyan. Alam mo, ang biglang pumasok sa isip ko, kaya ka pala naging teacher, kaya ka pala naging writer. Dahil inihahanda pala ako ng Diyos para turuan ang anak ko. Kasi, isa ako sa mga most impatient persons; siguro, dahil bunso ako, pinagbibigyan ako. Kaya nag-contribute yan sa pagiging impatient ko, bugnutin, ganyan. Kailangan ko pala ng tiyaga sa pagtuturo sa anak ko, inihanda ako ng Diyos. Tapos nang nagising ako, naisip ko, bakit ako naging writer? Ang sagot kung pa’no tuturuan ang anak ko, kung pa’no ko iha-handle. Alam mo bang ako ang nagturo sa anako na mag-compouter? Tinuruan ko siyang mag-handwriting, marunong ding mag-computer. Nakakapag-dictate ako sa kanya ng sentences sa Filipino. Kaya niyang isulat, kaya rin niya sa computer.”  

(Garcia, 2000)

Nakapaloob sa Erick Slumbook ang sagot sa maraming katanungan tungkol sa mga nasa spectrum, ngunit hindi ito isinulat sa paraang empirikal at monolitiko. Sa halip, sinubok ng Erick Slumbook na ilapit sa mas maraming mambabasa ang mga posibilidad ng maayos na pakikitungo sa mga taong differently-abled. Na tulad ng mga indibiduwal na hindi binabaka ang mga cognitive difficulties sa araw-araw, ang mga differently-abled ay bahagi ng ating malawak na mundo, at sila’y marapat na isama sa ating mga buhay bilang mga kaibigan, kakilala, katrabaho, at iba pa. Ang kanilang mga pangangailangan ay dapat ding bigyan ng pansin, sapagkat sila’y may mga karapatan na kapantay ng lahat ng bahagi ng lipunan. Hinihintay ng mga katulad ni Erick na mag-mature at lumawig pa ang pag-unawa ng lipunang kanilang kinabibilangan, sapagkat mayroon at mayroon silang maibibigay para sa ikabubuti ng kanilang kapwa, at ng umiiral na kasalukuyan.

Reference:

Garcia, F. (2000). Tinig ng pangalawang henerasyon. In R. Torres-Yu, Sarilaysay: Tinig ng 20 Babae sa Sariling Danas Bilang Manunulat (1st ed., p. 137). Manila: Anvil.


Marius D. Carlos, Jr.

Marius D. Carlos, Jr. is a storyteller, essayist, and journalist. He is an independent researcher focused on transnational capitalism, neocolonialism, empire, and pop culture. Contact him for writing projects. Visit Marius’ profile on MindsMeWe, and Twitter. Email Marius: marius@voxpopuliph.com.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s