Ang Alamat ng Unang Batang-Poot

Noong unang panahon, nang bago pa lamang ang pagdating ng mga Kastila sa Pilipinas, isinilang ang isang batang lalaki mula sa pamilyang Indio. Ang kanyang ama ay isang insulares, ngunit agad silang iniwan nito ng kanyang ina, kaya’t lumaki siyang mahirap. Pinangalanan siyang Potenciano at nanirahan sila sa mga barung-barong malapit sa daungan ng Maynila.

Sapagkat salat sa pagkain, lumaking sakitin at mahina si Potenciano, o “Potpot,” kung siya’y tawagin. Palagi siyang kinukutya ng kanyang mga kalarong mas malaki o mas mayaman sa kanya.

“Uhugin! Lampa!” paglait ng kanyang mga kalaro. Tuwing siya’s hinahamak, walang ibang sagot si Potpot kundi umiyak. “Iyakin ka talaga! Isa kang batang-poot!”

Walang magawa si Potpot kundi umuwing luhaan sa kanyang ina. “Potpot, tumahan ka; hindi mahalaga ang panlabas na anyo o antas sa buhay; ang mahalaga ay isa kang mabuting tao.” Hindi maunawaan ni Potpot ang ibig sabihin ng kanyang ina; ang alam niya lang, siya ay mahina at hindi siya kailanman magwawagi sa mga mas nakahihigit sa kanya.

Hanggang magbinata’y ganoon pa rin ang kalagayan ni Potpot. Upang makatulong sa kanyang ina, nagsimula siyang magtinda ng binurong isda sa may pantalan. Isang araw, may nakilala siyang isang magandang binibining nagngangalang Clarita, na mahilig bumili ng kanyang paninda. Naging matalik silang magkaibigan bagaman malayo ang katayuan nila sa buhay, bilang si Clarita ay anak ng may-ari ng tubuhan sa Negros; kasalukuyan lamang siyang nasa Maynila upang mag-aral.

“Clarita, maari bang umakyat ng ligaw?” Tanong ni Potpot isang Linggo pagkatapos nilang magsimba. 

“Ha? Potenciano, hindi ba’t magkaibigan lamang tayo?” Nabiglang sambit ng dalagita.

“Kaibigan? Sabagay, alam ko namang wala akong pag-asa sa iyo dahil mayaman ka. Patawarin mo ako, dahil ito lamang ako, at wala akong kayang ipagmalaki.”

Dahil sa angking kabutihan ng dalaga, naawa ito kay Potpot at pumayag na ring magpaligaw, bagamat bakas ang pag-aalangan sa mukha nito. Dito nabatid ni Potpot na may angking kakayahan pala siya upang pasunurin ang mga tao sa kanyang nais — kailangan lamang niyang gamitin ang awa laban sa kabutihang loob ng mga ito.

Walang-pakundangang ginamit ni Potpot ang bagong kakayahang ito upang umangat sa buhay; Natutuhan niyang hanapin ang mga taong madaling maawa sa kanya upang makakuha ng mga pabor, salapi, o pag-ibig. Pagkatapos ng ilang taong panliligaw, tinanong ni Potpot si Clarita kung maaari na siyang mamanhikan.

“Potenciano, hindi ko alam kung paano ko sasabihin ito sa’yo…ngunit naipagkasundo na ako ng aking ama na makipag-isang dibdib.”

“Ha? Bakit ganoon Clarita? Akala ko mahal mo ako? Dahil ba ako’y mahirap lamang? Kaya mo ako ipagpapalit? Kung hindi man lamang kita makakasama’y mabuti pang kitilin ko na ang aking buhay!”

“Huwag Potenciano!”

“Magkita tayo sa pantalan mamayang hatinggabi; kapag hindi ka magpakita’y matatagpuan mo na lamang ang aking katawang lumulutang sa Ilog Pasig!”

Nakangiting umalis si Potenciano dahil alam niyang makukuha niya ang kanyang nais; masyadong busilak ang kalooban ni Clarita, kaya’t alam niyang sisipot ito’t maitatanan niya. Sa wakas, matutupad na rin niya ang pangarap niyang magkaroon ng maybahay na maganda at mayaman.

Pauwi mula sa pantalan, naisipan ni Potenciano na mamili ng bagoong sa may palengke. May isang matandang uugud-ugod na’t halatang malabo’t namumuti ang mga mata. Nilapitan niya ito.

“Inang, pabili nga ho ng isang salop.”

“Limang sentimos lamang, iho.”

“Napakamahal naman! Dadalawang sentimos lamang iyan sa Binondo! Maaba naman kayo dahil ako ay mahirap lamang. Maysakit ang aking ina at wala na rin kaming makain.”

Napatigil ang matanda. “O siya, ibibigay ko na lamang sa’yo ito ng dalawang sentimo. Sino pa ba ang magtutulungan kundi tayong mga mahihirap?” Kumuha ng salapi si Potpot sa kanyang bulsa, ngunit may naisip ito upang maisahan ang matanda. Kumuha siya ng dalawang makinis na kabibe na hugis barya at ibinigay sa matanda.

Laking gulat na lamang ni Potpot nang biglang nagbagong-anyo ang matanda sa kanyang harapan. Bumata ito at ang mga matang namuti sa katarata’y biglang kuminang. “Sinungaling! Isa itong pagsubok upang makita ko kung may natitira pang kabutihan sa puso mo, ngunit isa kang sakim na tao!”

Nagliwanag ang paligid at nanaig ang katahimikan. Nabalot ng pag-iisa si Potpot, habang patuloy ang pag-usig sa kanya ng diwata ng ilog. “Isinisumpa kitang maging malungkot at mapag-isa sa tanang buhay mo! Higit pa riyan — hindi ka mamamatay at magiging masaya hangga’t makahanap ka ng tunay na iibig sa’yo nang hindi dahil sa awa! Iyan ang nararapat sa isang sakim at mapanlinlang na katulad mo!”

“Maawa po kayo, diwata ng ilog!” Sigaw ni Potpot, ngunit huli na ang lahat; naramdaman na lamang niya na bumabalik ang katawan niya sa pagkabata. Nawalan siya ng malay, at pagkagising niya’y natagpuan niya ang kanyang sarili sa pantalan ng Maynila. Umuwi siya sa kanyang bahay ngunit wala na ang kanyang ina. Mistulang nabura ang kanyang pagkatao. 

Tulad ng bansag sa kanya noong kamusmusan, umiiyak na binagtas ni Potpot, ang “batang-poot,” ang mga eskinita ng Maynila at wala nang narinig pa mula sa kanya. 

Ang mga batang-poot na tulad ni Potpot, mga isinumpa ng diwata ng ilog, ay nakahahalubilo pa rin natin magpahanggang-ngayon. Tinatawag silang sadboi at sadgirl, at hanggang sa mga panahong ito, umaalingawngaw ang pagmamakaawa ni Potpot at ng mga tulad niya, humuhiling na ibigin sila ng tunay upang tuluyan na silang makapagpahinga.


Jay-ar G. Paloma

Jay-ar G. Paloma is an HR executive by day and a frustrated artist by night. Jay-ar likes to read and write fiction and opinion pieces relating to LGBTQ, social media, and culture. When not engrossed in a book, he is probably playing a tune on his guitar or keyboard. Leave your love notes to Jay-ar here: jr@voxpopuliph.com.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s