Ang Alamat ng Mga Marites

“Gusto kong makausap ang manager mo!”

“Ma’am—”

“A hinde! Kung gusto mo pang masinagan ng araw bukas, ihaharap mo manager mo sa akin, ngayon na!”

“Ako nga po ang manager—”

“Punyeta ka, ‘yong binigay mo manok sa akin, may dugo! Paano na lang kung ma-food poisoning ako? Ha? Gusto mo ba akong mamatay? Kaya ninyo bang bayaran ang buhay ko?”

“Ma’am sorry, magre-refund na lang po kami—”

“Sige.”


“Hail Mary, Mother of God, pray for us sinners- mga leche kayo hindi ninyo ba nakikitang nagdadasal ako? Bakit hindi kayo doon maglaro?”

“Sorry nanay—”

“Mga hinayupakpesteputanginanghindot!”

“Tara na, baka hampasin pa tayo niyan—”

“Haily Holy Queen, Mother of God, pray for us sinners…”


Ang mga sumusunod na teksto ay nagmula sa mga natitirang pahina ng “Mga Alamat ng Mga Modernong Lamanlupa ni Jacinto Guillermo, isang Pilipinong mananaliksik, manlalakbay at adbenturero. Ang kabuuan ng kaniyang mga akda ay kinuha daw ng mga sugo ng mga Marites.

Lahat ng bagay, mabuti man o galing sa tumbong ni Satanas, ay may simula. Kumbaga, may pinanggalingan. Kung si Pandora ay nagpatakas ng halo-halong mga elementong nagbigay ng kasalukuyang kulay sa lipunan, ang mga Marites naman ang sugo ni You-Know-Who. Hindi si Voldemort, siyempre. Si Strawberry. Oo, karamihan sa kanila’y matinding supporter din ni Strawberry.

Ngunit saan nga ba sila nagmula? Bakit may mga Marites sa lipunang Pilipino? At bakit ba natin tinitiis ang mga Marites sa mga buhay natin?

Sa matagal na panahon ng aking pananaliksik sa iba’t ibang isla ng Pilipinas, napagtanto kong matagal nang may Marites sa ating lipunan. Kumbaga, bago pa man din dumating ang mga Espanyol at mga Amerikano, ay nariyan na ang mga lahi ng Marites. Dumarami sila kahit ayaw nilang pag-usapan madalas ang pakikipagtalik. Samakatuwid, mga hipokrita talaga sila kasi kahit ayaw nilang pag-usapan ang pakikipagtalik ay ginagawa pa rin naman nila. Mahilig din sawayin ng mga Marites ang mga tinedyer sa pakikipagtalik sa paniniwalang sila lang ang may karapatan sa kani-kanilang mga katawan. Naniniwala silang kailangang may bahay ka na at magarang kotse bago ka magkaroon ng ‘say’ sa mga bagay-bagay.

Ngunit ang katotohanan naman ay madalas mga mangmang ang mga Marites at nagtatago lamang sa make-up at pagpopostura para hindi mapansin na sila’y mga tanga. Isang bagay lang ang masisigurado ko sa aking paghahambing ng lahat ng phylogenetic variations ng mga Marites.

Wala silang camouflage tulad ng mga chameleon, sapagkat kahit anoman ang kanilang isuot, ay ilalantad at ilalantad nila ang kanilang mga sarili bilang mga Marites. Kumbaga, hindi nila mapigil na hindi ipaalam sa lahat ng tao sa paligid na may taglay silang sumpa, at ang una nilang pakay ay magkalat ng lagim sa kani-kanilang mga tahanan, sa mga shopping mall, restora, botika, at iba pang mga lugar kung saan malamang ay ikahihiya sila nang pasikreto ng kanilang mga asawa at mga anak.

Ang pagtatanong kung saan nagmula ang mga Marites ay tulad ng mga klasikong tanong sa agham, tulad ng “which came first, the chicken or the egg?” na ayon sa mga siyentipiko ay itlog nga ang nauna sapagkat ang ebolusyon ng mala-manok na reptilya ay unang magpapakita sa mga itlog, bago ang mga fully-grown na specimen. Sa kaso naman ng mga Marites, ang tamang itanong ay “which came first, Marites or the kabuwisitan?” At ayon naman sa mananaliksik na ito, na marami-rami nang nakita at pinagtaguang mga Marites sa kaniyang buhay, ang nauuna po talaga ay poot.

Opo, poot.

Ang poot ay parang itlog din, at ang mga Marites ay pinipisa mula sa poot.

‘Di tulad ng ibang karanasan at emosyon ng tao, ang poot ay mala-balon ang lalim, at wala itong naitutulong kaninoman. Ang poot ay nanganganak din ng iba pang mga emosyon na hindi nakatutulong sa sibilisasyon, tulad ng inggit at pagkahumaling sa chismis at mga pa-machong presidente. Ang pagsibol ng buong-buong mga Marites ay nagsisimula sa edad na bente pataas, kapag ang isang Marites ay naharap na sa buhay ng pagtatrabaho. Dito niya napapagtanto na ang tanging paraan lamang para mabuhay ay parating pagchi-chismis sa kapitbahay at mga katrabaho, para siya ang aangat sa buhay, kahit na pare-pareho lang naman ng range ng kita niya at ng mga nakapaligid sa kaniya, at alam din niyang suwertihan ang tunay na pag-angat sa buhay. Ngunit hindi mahalaga kay Marites ang paliwanag ng ibang tao, o ang kahit anong hulma ng karunungan o pagtuklas.

Ang mahalaga lamang sa kaniya ay ang kaniyang opinyon, sapagkat umabot na daw siya sa edad na kung ano, at dahil doon ay awtomatikong matalino na siya at mas maalam pa sa mga dalubhasa. Ito rin ang nagiging habambuhay na tilaok ng mga Marites.

“Marunong ka pa sa akin!”

Darating sa puntong maiisip ni Marites na dapat siya ang karapatdapat na umangat ang estasyon sa buhay, at walang karapatang umangat ang sinoman, lalo na ang mga kaedaran niya, sampu ng mga kamag-anak niyang sikretong kinamumuhian niya lalo na kung nakapag-abroad. Sa tingin niya’y mas pangit sa kaniya ang mga ito, o sadyang wala silang mga “K,” kung anoman ang ibig sabihin ng “K” na ‘yon. Hindi niya naiisip sa kaniyang paninibugho sa kapwa kung siya ba mismo ay may “K” na ito.

At sa puntong ito, nagsisimulang mangitlog ang mga Marites.

Sa kadahilanang labag sa loob ng mga Marites ang pag-aalaga ng kapwa, sapagkat sila lang ang nilalang na dapat makatatanggap ng ginhawa sa mundong ibabaw, kinamumuhian ng mga Marites ang kanilang mga nagiging supling. Ang mga supling ng mga Marites ay nagmumula rin sa mga itlong ng poot, at dito nakasuso ang mga batang ito mula pa sa panahong sila’y nasa sinapupunan. Walang ibang alam ang mga supling ng Marites kundi poot, at sa huli, karamihan sa kanila’y unti-unting nag-iiba ang anyo, mula sa pagiging karaniwang tao patungo sa pagiging ganap na Marites.

May ilang nakaliligtas sa malagim na kapalaran na ito, ngunit karamihan talaga’y nag-eebolusyon patungo sa pagiging Marites, sapagkat dumadaloy ang poot ng buhay sa kanilang mga ugat. Wala silang alam sa mundo kundi ang malagim at madilim na pananaw at pamumuhay ng mga Marites, kaya’t sa huli’y pinipili nilang aswangin na rin ang kanilang mga kapwa, para lang masabing may halaga ang kanilang mga buhay.

Sa kalakasan ng mga Marites, maoobserbang malapad ang kanilang mga tainga upang mas maigi ang pagsagap sa chismis. Nakabural din ang kanilang mga nguso, upang mas epektibo ang pagngarag nila sa kapwa nila tuwing may mga reklamo sila sa buhay. Maliit ang kanilang mapupulang mata sapagkat lagi silang nakatingin sa kapitbahay. May mga pakpak din silang maitim at mabalahibo, na ayon sa aking kaibigang beterinaryo ay krus ng balat ng kalabaw at ng matandang buwaya. Makunat pa sa makunat ang balat ng mga Marites, at tanging pana lamang ng Tumahimik ka Marites ang maaaring tumagos dito.


Marius D. Carlos, Jr.

Marius D. Carlos, Jr. is a storyteller, essayist, and journalist. He is an independent researcher focused on transnational capitalism, neocolonialism, empire, and pop culture. Contact him for writing projects. Visit Marius’ profile on MindsMeWe, and Twitter. Email Marius: marius@voxpopuliph.com.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s