Osimap Mipanganak Ka

Akala ko ba magaling ka? Ano nang nangyari?

Ilang beses ko na itong naitanong sa sarili ko ngayong tumatanda na ako. Noong bata-bata pa ako, ang laki ng inaasahan sa akin ng lahat. Pati tuloy ako, napaasa na rin nang matindi. Ang kaso…pagkatapos ng maraming taon, ano na nga ba ang nangyari? Saan na patungo ang buhay ko ngayon? Saan na ako dadalhin ng galing na tinataglay ko raw?

Ang Entablado ng Paaralan

Hindi naman bago ang kuwento ko: isang overachiever na mag-aaral na parang naligaw ng landas sa pagtanda.

Sa pagtuntong ko sa mababang paaralan, doon na rin ako sumabak sa mga taunang tagisan ng talino at timpalak sa pagsusulat. Naranasan kong makapanalo ng unang gantimpala at makaabot sa susunod na yugto ng paligsahan. Naging top 1 din ako sa unang dalawang taon ko sa elementarya. Hindi naglaon, natikman ko rin ang pait ng pagkatalo. May mga oras na umuuwi kaming luhaan. Minsan literal pa ngang lumuluha, kasi ni hindi man lang ako nakasabit sa unang sampung gantimpala. Nakakapanghina rin ng loob. Gayun pa man, sa kabila ng mga pagkatalo, sumasabak naman kami ulit sa bakbakan. Palibhasa ay laging nasa honor roll din ako, kaya ‘matic na kami-kami rin ang kinukuha sa mga paligsahan kada taon.

Nagsidating ang mas maraming hamon sa eskwela at sa pamilya pagtuntong ko ng high school. Matapos maging top 2 magmula sa ikatlo hanggang ikaanim na baitang, nakabalik na ako pagiging top 1 sa unang taon ko sa sekondarya. Bagaman napanatili ko yun pagdating ng ikalawang taon, medyo nawawala-wala ako sa pwesto kada grading period. Ang mga guro at kaklase ko, binabaling ang sisi sa pagkaabala ko raw sa pagbebenta ng kung anu-ano sa eskwela. Tumutulong kasi ako sa nanay namin na magbenta ng Avon at marami pang iba, para hindi na kami masyadong nakikihati sa sustento ng lola namin. Ipinagkibit-balikat ko na lang ang mga haka-haka nila. Kami-kami rin naman sa pamilya ang makakapaghatid ng pagkain sa hapag namin, hindi ang mga marka ko sa paaralan.

Lalong naging mahirap sa huling dalawang taon. Lumipat ng Maynila ang nanay namin para doon mag-trabaho. Sinama niya ang tatlong kapatid namin. Naiwan ako sa Pampanga kasama ang lola namin at tatlo ko pang kapatid. Bilang panganay, ako na ang kaagapay ni Nanay (lola) sa tahanan namin lalo na sa pag-aalaga kay bunso.

Sa huling taon sa high school, naging abala ako sa paghahanap ng mga scholarships para sa sa kolehiyo. Pati yun ay tila nakaapekto sa mismong pag-aaral ko. May mga kinailangan akong isakripisyo kagaya ng magastos na retreat namin sa Baguio. Alam kong mas kailangan namin ang pera sa bahay kaya pinili kong hindi sumama doon. Mataas ang puntos na ambag ng retreat sa extra-curricular activities na kasama sa pag-kompyut ng huling grado. Hindi nakatulong na hindi rin kagandahan ang mga marka ko sa huling grading period. Hindi nahatak ang grado ko. Hindi ako ang valedictorian para sa graduating class.

Natatakot akong umuwi noon pagkatapos ng deliberasyon sa mga marka namin. Baka ‘ka ko mapagalitan ako sa lola ko dahil gagradweyt na lang ay nawala pa ako sa top 1. Taliwas naman sa nangyari pagdating ko sa bahay. Napatango na lang si Nanay. Siguro, naunawaan na niya. Iba na kasi ang sitwasyon namin noon. Kinahapunan, naiyak ako habang pinapaliguan ko si bunso. Hindi ko na rin sigurado kung bakit. Mukhang nagsabay-sabay na ang mga emosyon sa puntong yun.

Intermedyo

Pagdating sa kolehiyo, akala ko makakatulong ang desisyon kong maging isang “average student” na muna. Pero parang nakalala pa yun. Ginusto ko naman ang pinili kong kurso, ang BS Math. Bakit lalo yata akong nahirapan? Naka-dalawang singko ako, yung isa major subject pa. Pati mga propesor ay nadidismaya sa mga mababantot na grado ko. Sumabay pa ang problemadong ugali ko at ang lalong problemadong buhay ko na hindi ko maisantabi. Napapansin nila na isa ako sa mga mahuhusay na mag-aaral nila, ngunit hindi umayon ang mga grado ko. Kinausap tuloy ako ng pinaka-senior sa mga guro sa departamento namin. “Ikaw lang ang isa sa iilang nakakaintindi talaga sa akin.” Dagdag pa ni ma’am, may mga pinagdadaanan din naman ang mga kaklase ko. Bakit daw pagdating sa akin, parang hirap na hirap na ako? Kung sila ma’am ay nagtataka sa kinahinatnan ko sa pag-aaral, aba’y lalo na ako, ako na nawawala na sa sarili. Matapos ang ikalimang taon ko sa Pamantasan, sa wakas ay nakapagtapos na rin ako sa kolehiyo.

Ang Entablado ng Buhay

Panibagong hamon na naman ang paghahanap ng trabaho. Kahit anong apply ang gawin ko, bihira lang akong matanggap. Yung iisang naging full-time na trabaho ko, kinailangan ko pang iwan para alagaan ang lola ko na na-stroke noon. Kahit anong pilit kong looban ang corporate, wala pa rin. Naiiyak na lang ako kapag naiisip ko ito. Akala ko ba magaling ka gaya ng sinasabi nila? Eh bakit hindi ka matanggap-tanggap sa trabaho?

Sa pagbabalik ko sa Pampanga, naging aktibong miyembro ako ng music ministry ng aming parokya. Makalipas ang dalawang taon, nakapasok ako sa teatro at pag-aartista. Sa mga larangang ito, mas nakita ko na lumalago ako bilang isang tao — isang bagay na parang hindi ko maaninagang mangyayari kung pinagpilitan kong makapasok sa mundo ng corporate. Wala mang kita sa pagiging isang lay worker, maraming mga karanasan dito na patuloy kong pagyayamanin sa habang panahon. Samantala, may mga nangunguwestiyon sa pag-aartista ko, noon una. Kesyo, wala naman daw asenso dito. Mas maigi pa raw na pumasok na ako sa pagtuturo o sa iba pang linya. Sa kabila niyan, patuloy akong nilalapitan ng mga oportunidad. Mula sa teatro, napadpad ako sa mga pelikula maging sa digital at print ads. Dumating ang araw na isa-isa na akong binabati ng mga dating hindi pabor sa pinaggagawa ko sa buhay, kasama na ang pamilya ko. May mga nagpapakita ng mga kuha nilang litrato ng billboards kung saan mang lupalop ng probinsya para sa isang brand na pinagmodelo ko.

Kapag nawawalan na naman ako ng kumpyansa sa sarili ko, inaalala ko ang direktor namin sa teatro. Si Direk ang isa sa mga pinakamabuti, pinakamatulungin, at pinakamapagbigay na taong nakilala ko. May nakapagsabi nga sa kanya na siya na nga ang may “pinaka” ng lahat magagandang katangian at kakayahan na maaaring magkaroon ang isang tao. Malayo na ng narating niya sa buhay; napadpad na siya sa iba’t ibang bansa hanggang sa kinilala ng mundo ang husay niya. Pagkatapos ay bumalik siya ng Pampanga at patuloy na nanghihikayat sa mga lokal na talento upang sila naman ang magpakilala ng kulturang Kapampangan sa buong daigdig. Isa na ako sa mga mapalad na napabilang sa mga talentong yun.

Noong nakapasok ako sa Teatru Kapampangan noong 2015, siya rin ang pinakaunang nagpakita ng pagtitiwala niya sa kung ano ang kaya kong gawin. “Akala ko nagte-theater ka na sa Maynila. Ang galing mo!” ‘Yan ang sabi niya nang minsang hinatid niya ako sa amin matapos ang isang rehearsal namin. Bilang isang baguhan na matagal nang nangangarap mag-teatro, sobrang nakakataba ng puso na marinig yun mula sa kanya pa mismo. Lagi rin siyang nagpapaabot ng suporta na lampasan ko pa ang mga pangarap na naabot ko na sa pagganap sa teatro. Inuudyok niya ako na magpadala ng VTR sa mga talent agencies. Kasi raw, madalas na mas pinapaburan nila ang mga aktor sa entablado kapag kumukuha ng talents para sa mga TV commercials. Kapag may mga pagkakataon para magtanghal sa mga malalaking kaganapan sa Pampanga kagaya ng pagdalaw ng mga delegado ng ASEAN, grand finals ng Pilipinas Got Talent sa San Fernando, at sa SEA Games, binibigay ni direk nang buong-buo sa grupo namin ang pagkakataong yun. Minsan nga personal pa niya akong kinokontak para ipaalam na may dadaluhan kaming okasyon para pagtanghalan.

Kada taon magmula nang pumasok ako sa Teatru, nagkakaroon kami ng pagtatanghal sa Kamaynilaan. Noong 2016 na nagpalabas kami sa AFP Theater, unang nagkita sila ng nanay ko. Dinig na dinig ko ang pagkaengganyo sa boses ni Direk nang ibahagi niya kay Ma, “Your daughter is going to places!” At kung tama ang pagkakatanda ko, dagdag pa ni Direk na ang tagal ko raw tinago sa mundo ang talentong meron ako.

Iilan lang iyan sa mga magagandang bagay narinig ko na sa kanya bukod sa napakaraming tulong na ibinigay na niya sa akin. Pero merong mga binitawang salita si Direk na siya na sigurong pinaka-hindi ko malilimutan. Kapag iniisip ko yun, tila napapawi ang mga dinaramdam ko. Noong tahimik akong nagdiwang ng kaarawan sa kalagitnaan ng pandemya sa nakaraang taon, binati niya ako sa Facebook: “Ay Sam, osimap mipanganak ka. What they do not know is you’re a genius!!! Happy birthday Sam!!!”

“Osimap mipanganak ka.” Mabuti na lang at ipinanganak ka. Parang yun yata ang pinakaunang beses na nasabihan ng ganito. Maliban pa sa papuri, ang lubos na nakapagpagaan sa kalooban ko ay mayroon kahit isa man lang na tao na nagpapasalamat na narito pa rin ako hanggang ngayon. Siya rin namang kapasalamatan ko na wala na yatang pagsisidlan. Sa kabila ng mga pangamba ko at madalas na pagkuwestiyon ko sa kakayahan ko, kahit papaano nalalaman ko nang nasang tamang landas na ako sa buhay.


Samantha Anne M. Bucu

Samantha Anne Mallari Bucu is a mathematician by education and an artist by passion. She received her bachelor’s degree from Pamantasan ng Lungsod ng Maynila in 2013. Two years later, she fulfilled her dreams of becoming a theater and film actress. Sam has been writing since grade school but has just started out submitting her pieces for publication. She also works as a private academic tutor and sings in their parish choir in Lubao, Pampanga.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s