Salsal at Laslas, Raos at Oras: Pagbasa sa Maikling Kuwento ni Rogelio Ordoñez

Sa umpisa ng kuwentong Ang Mundo sa Paningin ng Isang…, hayagang ipinakita — bagaman maaaring sabihing subtle lamang — ni Rogelio Ordoñez ang tunggalian at disparidad ng uri sa kaniyang kuwento tungo sa mga mambabasa. Halimbawa, papasok ang isang nagngangalang Don Miguel sa kaniyang maluwang at malinis na mansiyon sa Forbes Park (parke ng mayayaman), tatawagin ang katulong para ipakuha ang pangmayamang serbersa na hahalo sa kaniyang laway na tatalsik dahil sa inis at galit nang “mabungaran sa napakalaking telebisyon” ang isinasagawang rali at demonstrasyon sa Mendiola.

Ang nasabing rali ay dinaluhan ng libo-libong anakpawis at manggagawa para umalma sa pambabarat ng mga kumprador sa kanilang lakas-paggawa, dagdag pa ang hikahos na pamumuhay sa ilalim ng isang kapitalistang sistema. Ang nasabing Don ay magmumura (malutong na punyeta, angil ng inis at pandidiri), iinom sa mamahaling kopita, at saka maghahanda na para magpahinga. Ngunit dahil ang mga alaala ng nakaraan ay multong manghihimasok sa loob ng bungo nang walang pahintulot, pagkatapos maglinis ng katawan at magpabango ng Don, siya ay gagambalain ng kagimbal-gimbal na alaala ng kaniyang kahapon. Ngunit sino itong “siya” na gagambalain ng trahedya ng nakaraan; at bukod sa pagmumura ng Don sa natunghayang rali sa malaking telebisyon, ano pang reyalidad, na kamura-mura rin, ang matutunghayan natin sa maikling kuwento ni Rogelio Ordoñez?

Salsal at Laslas, Raos at Oras: Isang Absurdong Paralelismo

Sa isang taimtim na pagbabasa at pagbasa o closed reading sa nasabing akda ng maestrong si Ordoñez, malalaman ng isa na ang nagsasalaysay, ang tinutukoy ng pamagat na punto-de-bista, ay isang titi/burat/alaga/sandata ni Don Miguel. Sa nasabing kuwento, maglalaan si Ordoñez ng espasyo at seksiyon para ilarawan ang kasaysayan at karanasan ng titi ni Don Miguel — mula pagkabata hanggang pagtanda — ang eksplorasyon at pag-abanduna sa kaniya, ang pang-aabusong salsal, mula man sa mamahaling hotel, mula sa kuwarto ng binatang Don habang nakatunghay sa malalaswang magasin, mula sa tigib na inis dahil siya, sa katandaan ni Don Miguel, ay hindi na masunod ang utos ng busabos na amo: hindi na ito makatayo at makapaglabas ng dilaw na likidong ang dulot sa amo ay tuwa, lugod, saya, at halinghing. Ang titi ng mayaman, elit, naghaharing-uri, kumprador, at kapitalistang Don ay hindi na makapagpundar ng ligalig sa pinagsisilbihan, trabahador na — dahil sa hindi-na-mabilang na pang-aabuso ng amo — ay pagod na para makapasok sa “minahan” o sa madaling salita, kasabay ng alingawngaw ng pagmumura at punyeta ng Don, ay wala nang silbi kaya dapat na lamang ay abandunahin na.

Alinsabay sa pagsasalaysay ng titi ni Don Miguel (bakit nga pala titi ang punto-de-bista, ah, nabulalas ng manunulat, ngayon-ngayon, naisip niya, sumasabit pa rin sa bakod ng patriyarkal na patakaran ang malapiyudal at malakolonyal na sistema ng ating bansa), pipihit ang naratibo ng akda sa nagbabadyang welga/rali/demonstrasiyon ng unyon ng pakturya ng tobako na pagmamay-ari ng Don at pamilya Riego de Dios. Payak lamang ang kahingian ng presidenteng unyonista: dagdag na sahod at benepisyo na daantaong ipinagdamot sa mga manggagawang nagdarahop. Ngunit ang kahingiang ito ay laslas sa salsal ng kapitalistang garapal: una, dahil para sa Don, sa kapitalistang matanda, hindi maaaring maramdaman ng mga manggagawa — kung papayag ang Don sa kasunduan — na sila ay may lakas at kakayahan, kung magsasama-sama, na makaalwa sa pamumuhay; pangalawa, kaya magtatawag ang Don ng goons at ayuda sa kapulistan at kasundaluhan (Regressive State Apparatus ni Althusser, makinarya at aparato ng Estado para sa status quo at hegemony) na mauuwi naman sa madugo’t malagim na pangyayaring pinasinayaan ng sakim, ganid, at berdugo nang matanda.

Mula rito, lalagos ang naratibo sa paralelismo ng titi at mga mangagawa. Ang titi ay magiging Titi: ang Titi ang anakpawis na inabuso ni Don Miguel kapalit ng kaligayahan, pansariling kasaganahan, makasariling lugod; at kapag ang Titi ay nagpupumiglas nang gawin ang atas na raos ng kanilang amo, oras na para abandunahin sila ng mga kumprador (ang may hawak sa produksyon, wika nga ni Marx), dahil madali nga lamang sila, sa pananaw ng mga elit, na palitan basta-basta. Kagaya ng Don na tigib ang mga punyeta at walang silbi dahil sa pag-aaklas ng mga manggagawa na dapat ay payapang nagtatrabaho lamang habang patuloy na binubusabos at inaabuso ng Don. Ang sandata (Titi) ng Don ang Sandata ng mga kumprador: ang mga trabahor ay pilit na pinagtatrabaho, inaabuso at nang wala nang silbi ay basta na lamang kalilimutan ang pag-iral nila.

Sa dulo ng kuwento, tatambangan ng ilang hindi kilalang tauhan ang Don, pauulanan ng bala ang mamahaling Mercedes Benz, duguang babawian ng buhay ang ganid na matanda (kagaya ng pagdurugo mula sa hampas ng batuta galing sa pandarahas sa hanay ng mga unyonista). Magwiwika/magtatanong ang titi (o ang Titi?) nang mamatay ang amo: “Malaya na ba ako? Kailan lalaya ang mga kauri ko? Kailan?”

Alingawngaw ni Marx: “Walang Mawawala Kundi Tanikala at Posas!”

Tunay, ang pandarahas, sa ilalim ng kapitalistang sistema ng lipunan, ay hindi matatapos. Kaya, lagi’t laging kailangan na makisangkot, makibaka, at kumilos. Ang kasaysayan ay kasaysayan ng class struggle, mula man ito sa Diliman Commune, masaker sa hanay ng mga magsasaka at manggagawa sa Mendiola at Hacienda Luisita, hanggang ngayon sa tokhang, at ang bago-bago pang pagtatanghal ng Estado ng kanilang dahas sa entablado nating lipunan: ang pagsunog sa papel ng Accord at sa kabayahan ng mga magsasaka sa Hacienda Yulo. Patunay ito na ang pasismo ng estado at pang-aabuso ng mga kumprador (nina Ayala, Duterte, Aquino, atbp), may-ari (may ari, may Titi?) ng ekta-ektaryang lupain at produksyon ng mga produkto, ay hinding-hindi matatapos, dahil pinalalakas lamang sila ng kapitalistang sistema ng bansang Pilipinas.

Ngunit ang katapusan ng kuwento ay hindi ang Katapusan ng Kuwento. Ang ibig sabihin, mayroon pa tayong magagawa. Tunay, wika nga ni Marx, “walang mawawala kundi tanikala!” Patuloy lamang sa pagmamasid sa paligid ng mga pandarahas at pang-aabuso (para maiangat ang class consciousness ng bawat isa, nating lahat), mula rito ay patuloy lamang sa pakikialam, pakikisangkot at pakikibaka, hanggang sa pakikiisa sa mga makamasang panawagan para sa pag-alpas nating lahat sa gahum ng Estado. Panigurado, kung patuloy lamang tayo sa ganitong pakikipaglaban at pakikidigma, mabibigyan natin ng hustisya ang Titi sa kuwento ni Ordoñez. Paniguradong masasagot na natin ang iniwang tanong ng mga unyonista at manggagawang pinatay dahil lamang sa pakikipaglaban para sa kanilang sariling karapatan. Panigurado.


Christian Jay D. Salazar

Si Christian Jay D. Salazar ay mag-aaral mula sa pusod ng lungsod ng Valenzuela. Mahilig magbasa kaya mahilig magsulat. Sinubukang magmakata, ngunit hindi pinalad (marami siyang koleksiyon, lahat inamag). Laging tinatanong sa sarili: “Ano ang kahulugan at kahuhulugan ng panitikan?”

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s