Paru-paro

Naaalala ko pa rin kung ano ang sinabi ng aking lola noon sa akin, noong unang beses kong makapunta sa isang libing.

Madilim na noon. Nakasindi na ang lahat ng kandila at malungkot ang lahat ng tao sa paligid. May naghahagulgulan, may iyakan. Kasama rin ako sa mga iyon kasi si bes ko ‘yong nakalibing noon doon e. Pero hindi ko talaga maintindihan kung ano nararamdaman ko noon. Ewan ko ba. Nanginginig lang ako sa takot, galit, lungkot — halo-halo na. Nakakatakot kasi baka ako na isunod, galit na bakit sa bespren ko pa talaga nangyari, tsyaka lungkot kasi ang dami pa naming plano no’n.

Habang tulala ako, bigla kong napansin ang isang paru-paro na dumapo sa itaas ng kabaong niya. Kulay yellow, may itim-itim sa pakpak, tsyaka medyo malaki, siguro kalahati ng palad ko. Hindi ko na maalala kung ano pumasok sa isip ko noon, pero aabutin ko sana tsyaka hahawakan ‘yong paru-paro nang bigla akong pinigilan ni lola.

“‘Wag,” simula niya habang hawak-hawak nang mahigpit ang aking balikat. “Si Angelo ‘yan. Hayaan mo lang.”

Noon, hindi ko maintindihan kung anong sinabi ni lola. Paru-paro? Si bespren? Paano ‘yon? Lagi kong naririnig din noon sa mga matatanda sa amin na kapag may paru-paro, ibig sabihin, ‘yon ang kaluluwa ng lumisan na. Pero para sa akin no’n, isang malaking joke lang ‘yon. Sabi-sabi lang ng matatanda, gano’n.

Pero ngayong pinag-iisipan ko nang maigi, siguro nga si Angelo ‘yon. Yellow rin kasi paborito niyang kulay. Medyo malaking tao rin, tsyaka curious. Baka siguro kaya nandoon siya sa taas ng kabaong, kasi gusto niya makita sarili niya. Knowing him, gano’n talaga gagawin niya. Marami ring pinaglalaban ‘yon, at ‘yon ang pinakagusto ko sa kan’ya. Kaya nga sumunod din ako sa yapak niya e, gusto ko rin maging magiting tulad niya.

Kung puwede lang, mas gugustuhin ko pa rin na si Angelo mismo ang nandito ngayon, pero masaya ako na kahit papaano, nandito pa rin siya, kung totoo man ‘yong mga sabi-sabi ng matatanda.

Kaya ngayon, siguro umaasa ako na baka totoo ‘yon, kahit sa isip ko alam kong hindi. Gan’yan naman tayong mga tao, ‘no? Kapag desperado na, kung ano-ano na pinaniniwalaan. Inconsistent. Hindi ko rin masasabi na wala akong pagsisisi sa mga ginawa ko. Natatawa siguro ‘yong ako noon, sa ako ngayon, pero wala e. Ganito talaga tayo.

Ilang araw na rin akong nagtatago, at hindi ko alam kung kailan nila ako mahuhuli. Kaya kapag nakakita kayo ng paru-parong itim—siyempre kasi paborito kong kulay ‘yon, papatalo ba ako kay bespren?—tsyaka siguro 1/4 lang ng palad ang laki kasi hindi naman ako kalakihan, mag-hi kayo, ha? O kaya hayaan niyo ako, okay lang. Mahal ko pa rin kayo kahit anong mangyari.

Basta, kita-kits na lang, ha?


Marc Froilan F. Padernos

Marc Froilan Fornea Padernos is a writer who wishes to explore the relations between the fantasy and reality, as well as encapsulate the various emotions people feel through his prose. He is an AB Psychology student in Philippine Christian University – Dasmarinas Campus, and is a writer for various organizations including The Graciella Collective, Christian Chronicle, and Vox Populi PH. On his free time, he likes to consume animanga usually for the Shonen demographic.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s