Lucid

“Hoy, kuya Rome! Hoy, kuya! Bumangon ka na daw diyan!”

Nagising ako sa ingay ng boses ng kapatid kong si Milan.

Bisperas nga pala ng bagong taon ngayon at mini reunion rin ng aming pamilya rito sa bahay. At maski nga may badya pa rin ng COVID e, wala sa amin ang naka-face mask at wala ring sumusunod sa social distancing. Paano kasi’y magka-kapitbahay lamang kami at sa iisang compound lang nakatira. Kaya safe.

“Oo, susunod na ako,” sagot ko sa kaniya.

Bumangon na rin ako mula sa pagkakahiga sa sopa at nagtungo sa kusina kung saan nagkakagulo na sila at nagsisimula nang umulan ng picture mula sa iba’t-ibang cellphone. Alas onse pa lamang ng gabi at mahaba pa ang aantayin namin pero excited na silang lahat.

“Oy, Rome!” tawag sa ‘kin ng pinsan kong si Gail.

“Pakiabot nga ‘yong baso,” pakiusap niya.

Inabot ko naman sa kaniya nang wala ng sinasabi pa. Abala kasi siya sa pag-aayos ng mesa para raw maganda tignan kapag kinunan ng litrato.

“Kuya, pakibukas naman,” sabay abot ng bote ng softdrinks sa akin ni Milan. Kinuha ko rin iyon at binuksan para sa kaniya.

“Tumabi kayo, dadaan ako,” malayo pa man ay sinasabihan na kami ni Tita Marnie na lumayo sa kaniya. Dala-dala niya kasi yung cake na in-order pa niya mula sa kabilang bayan. Ilang hakbang na lang mula sa mesa ay muntik pa niya itong mahulog kaya naman tinulungan na siya ng isa ko pang tiyahin.

“Romeo! Halika dito at nag-aantay ‘tong baso sa ‘yo!” aya naman ng aking Uncle Bert. Kanina pa sila umiinom habang nagba-barbecue.

“Sige lang po, uncle. Susunod ako d’yan mamaya,” sagot ko dahil wala talaga ako sa mood uminom.

Maya-maya ay nagsigawan lahat ang mga tiyahin ko at pinsan nang makarining nang pagsabog. Iyon pala ay nagpaputok ang pinsan kong si RJ. Maski ipinagbawal ang paputok ay nakabili siya nito sa palengke kanina. Bagsak-presyo na rin kasi kaya napabili rin siya.

“Tarantado ka talaga RJ!” sigaw ng kaniyang ina.

“Anak, tawagin mo muna ang daddy mo at magpa-family picture na muna tayo,” sabi ni mama sa akin.

“Sige, Ma,” sagot ko at agad naman akong tumungo sa labas upang tawagin si daddy mula sa mga nag-iinuman kong tito.

Dahil taun-taon naming ginagawa ang pagkuha ng family picture, hindi na ako nahirapan pang tawagin si daddy. Agad naman din siyang sumunod sa akin papunta sa kusina.

“Nasa’n si Milan?” tanong ni daddy.

“Milan, halika na!” tawag ko sa kapatid ko. Lumapit naman agad ito sa aming tatlo.

Apat lamang kami sa pamilya, ako ang panganay at si Milan naman ang bunso. Malaki ang agwat namin, labintatlong taon. Kung kaya’t tuwang-tuwa ang buo naming pamilya nang magbuntis pa si mommy at manganak ng isang babae.

“Rome, dumikit ka pa nang konte kay tita. ‘Yan. Hop-ya!” sabi ng isa ko pang pinsan na si Acel na siyang official photographer ng pamilya dahil sa kabibili lang niyang kamera.

“Gandahan mo, ha?” sabi ni mama at natawa na lamang si Acel sa kaniya.

“Okay. One, two, three!” bilang ni Acel.

Matapos siyang kumuha ng isa ay agad niya itong sinuri.

“Sige po, isa pa. Wacky naman, wacky!” sabi niya sa amin.

One, two, three — ”

Tatlong sunud-sunod na putok ng baril ang narinig ko. Nagsigawan ang lahat ng nasa loob ng bahay at nagtakbuhan. Agad rin namang hinila ni daddy sina mama at Milan papalayo. At nang unti-unting mawala ang mga tao sa paligid, ay parang sa isang pelikula nung nakita ko kung saan galing ang putok.

Isang lalaki ang nasa may pintuan at nakatutok ang hawak niyang baril sa akin. Hindi ko siya mamukhaan dahil sa suot nitong Santa Claus mask.

Bigla akong naubo, ngunit hindi lang hangin ang lumabas sa bibig ko kundi pati dugo. Hinawakan ko ang katawan ko at mabilis na sinuri. Basa. Agad kong tinignan ang aking dibdib at tiyan. Ang kaninang puting t-shirt na suot ko’y mabilis na nabalot ng pula. Bigla ko na ring hindi naramdaman ang aking mga binti at paa at pakiramdam ko ay bumagsak ako sa sahig in slow motion. Sinalubong ng sahig ang ulo ko’t sa isang iglap wala na akong makita kundi itim.

“Hoy, kuya Rome! Hoy, kuya! Bumangon ka na raw diyan!” narinig ko si Milan.

Bigla kong minulat ang mga mata ko at hinawakan ang aking tiyan at dibdib. Walang sugat. Tumingin ako kay Milan at tila nagulat siya sa ginawa ko.

“Luh, si kuya. Nananaginip ka pa yata?” tanong niya sa ‘kin na natatawa habang naglalakad palayo.

“Panaginip?” tanong ko sa sarili.

Pinilit kong pakalmahin ang puso ko sa narinig. Tama. Panaginip lang. Panaginip lang ang lahat. For sure.

Agad akong nagtungo sa kusina upang tignan ang lahat. Sumilip rin ako sa labasan kung saan nag-iinom sina daddy at aking mga tito. Normal ang lahat. Panaginip lang talaga ang nangyari.

Bumalik ako sa kusina upang tignan ang ginagawa nila.

“Oy, Rome! Pakiabot nga yung baso,” pakiusap ni Gail.

Natigilan ako sa sinabi niyang iyon. Iyon ang kaniyang mga salita sa panaginip.

Ano ‘to?

“Hoy, Rome! ‘Yong baso?” ulit sa akin ni Gail. Inabot ko na lamang sa kaniya ito at di na nagsalita.

Nagkataon lang siguro.

“Kuya, pakibukas naman,” sabi sa akin ni Milan sabay abot ng isang bote ng softdrinks, tulad sa panaginip. Tinignan ko ang brand ng softdrinks at maski iyon ay pareho.

Napakunot ako ng noo. Masyado atang detalyado at malinaw ang panaginip kong iyon?

Bigla ko naisip si tita.

Agad akong tumingin sa may pintuan at maya-maya pa’y pumasok si tita Marnie dala dala ang kaniyang cake.

“Tumabi kayo, dadaan ako,” sabi ko sa sarili at iyon nga ang mga eksaktong salitang sinambit niya.

Kinakabahan na ako. Maari ba itong mangyari? Bakit tila sunud-sunod na nagkakatotoo ang mga pangyayari sa panaginip ko? Pareho rin ba ang kahihinatnan ko? Agad kong naisip ang dulo nang panaginip na iyon.

Hindi. Hindi maaari. Baka kailangan ko lang ng isang kamalian? Baka kailangan kong pigilan ang isang pangyayari? Parang sa domino. Kapag napigilan kong mangyari ang isang sitwasyon ay mag-iiba ang resulta nito. Oo. Baka nga ganoon.

“Tita Remy, samahan mo si tita Marnie. Madudu — ” natigilan ako.

“Baka kasi madulas siya, sayang iyong cake,” sabi ko.

Hindi naman agad lumapit si tita Remy para tulungan si tita Marnie. At muli kong nasaksihan ang muntikan niyang cake disaster.

“Aba, nagdilang-anghel ka, Rome ha,” sabi pa ni Tita Remy nang sa wakas ay nilapitan niya si Tita Marnie.

Hindi ako nakasagot. Hindi ko napigilan mangyari ang pagkadulas ni tita Marnie.

“Romeo!” tawag sa akin ni Uncle Bert.

“Mamaya na lang po, uncle!” agad kong sagot.

Lumalakas na ang kaba ko. Simpleng nagkataon lang ba ang lahat? Bakit parang nananaginip akong muli? Parang isa-isang nangyayari ang lahat ng nasa panaginip ko?

Si RJ.

“Hoy, RJ! Wag kang magpapaputok!” saway ko sa kaniya nung mahuli ko siyang palabas ng bahay. Agad naman itong narinig ng ina niya at pinagsabihan ito. Kinuha pa ni tita ang mga paputok na dala niya at binuhusan ng tubig sa labas ng bahay.

“Ang KJ mo naman, kuya Rome!” sabi sakin ni RJ.

Napasabunot ako sa sarili nang sa wakas ay mapigilan ko siya. Hindi ko maipaliwanag ang nararamdaman kong saya nang muling pumasok si RJ sa bahay at mas piniling maglaro na lang sa kaniyang cellphone. Nakahinga ako nang maluwag. May napigilan akong isa!

“Rome, anak — ”

“Si daddy,” sabat ko kay mama.

“Yes, ma. I’ll call him,” sabi ko habang nagmamartsa papunta kina daddy.

Tinawag ko si daddy pati na rin si Milan upang matapos kami kaagad sa picture-taking.

Nawala na ang kaba ko kaya’t siguradong magiging maganda ang ngiti ko. Dumikit na rin ako ng kaunti kay mama para hindi na ako sabihan pa ni Acel.

“Ok, one, two, three!” bilang ni Acel.

“Sige po, isa pa. Wacky naman, wacky!”

One… two…three—”

Tatlong sunud-sunod na putok ang sumunod kong narinig—tulad nang sa panaginip.

Agad kong itinulak sina daddy, mommy, at Milan papalayo sa akin. At tulad sa aking panaginip, ako ang nabaril at unti-unting bumagsak sa sahig. Tulad sa panaginip, naka-mask ng Santa Claus ang gunman.

At tulad sa panaginip, mamamatay ako.

‘Tang ina.

“Hoy, kuya Rome! Hoy, kuya! Bumangon ka na raw diyan! Ano ba yan, ang hirap mo namang gisingin!”

Agad kong iminulat ang aking mga mata nang marinig si Milan. Kasabay nang mabigat na paghinga at mala-munggong mga pawis, hinawakan ko at sinuring mabuti ang aking katawan.

Buhay pa ako. Buhay pa rin ako.


Annalyn C. Biagtan

Si Annalyn C. Biagtan, o Aleen para sa kaniyang mga kaibigan, ay isang paumpisang manunulat mula sa bayan ng Mapandan sa Pangasinan. Nangangarap pa rin si Aleen na makitang nakaimprenta ang kaniyang pangalan sa pabalat ng libro. At bagama’t aminadong seasonal kung magsulat, ay marami pa rin siyang gustong simulan na pahina. Magpadala ng mensahe kay Aleen: aleen@voxpopuliph.com.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s